Sabado, Mayo 18, 2013

Hangin



Hangin
(Pentecostes)

Subukan ninyong hipan ang inyong hintuturo nang maliit lang ang buka nang inyong bibig. Subukan nyo ding hipan ito nang malaki ang buka nang inyong bibig. Ano ang pagkakaiba? Ang hangin na nagmumula sa maliit na buka nang bibig ay hindi mainit sapagkat ito ay nagmumula lang sa bibig samantalang kapag malaki ang buka nang bibig ito ay maiinit palibhasa ito ay galing sa kalooban.

Ito rin ang pwede nating gamitin simbolo sa pagbibigay ni Hesus nang Banal na Espiritu. Ang sabi sa Mabuting Balita: “…hiningahan niya sila at sinabi: ‘Tanggapin ang Espiritu Santo’.” Ang hininga ni Hesus ay nagmula sa kaibuturan nang kanyang kalooban at dahil dito ito ay may init. Ito ay galing sa loob. Ito ang Banal na Espiritu.

Sa Lumang Tipan alam natin na ang hangin na nagmula sa hininga nang Diyos ang nagbigay nang buhay sa putik na kanyang binuo. Ang hininga nang nilikha ay karugtong nang hininga nang Diyos. Kung ganoon kapag pala tayo ay humihinga, ipinagpapatuloy natin ang buhay at sinasariwa natin ang buhay na ipinagkaloob nang Diyos.

Sa Pagkakatawang tao naman ni Hesus ang hangin na nagmula sa kanyang kalooban ay ipinagkaloob sa mga alagad bilang tanda nang pagkakaloob nang Banal na Espiritu. Ang Espiritung ito din ang tinatanggap natin noong tayo ay binyagan at kumpilan. Sa pagtanggap nito binibigyan tayo nang responsibilidad na ipagpatuloy ang misyong sinimulan ni Kristo.

May isang kwento tungkol sa mga parte nang katawan na minsan daw ay nagpayabangan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Ang sabi nang kamay siya daw ang pinakamagaling sapagkat kung wala siya ay mahihirapang gumawa ang tao. Hindi nagpatalo ang pa at ang sabi niya ay siya daw ang pinakamagaling sapagkat kung wala siya ay hindi makakarating sa paroroonan ang tao. Ang sabi naman nang mata ay siya daw sapagkat dahil sa kanya ay nakikita nang tao ang kagandahan nang paligid. Ang sabi naman nang tenga ay siya sapagkat kung wala siya ay magiging tahimik ang lahat. Di rin nagpatalo ang puso at ang sabi niya ay siya ang pinakamagaling sapagkat siya ang nagpapadaloy nang dugo. Ang utak din ay di nagpatalo kase siya daw ang nag-iisip upang magawa nang tao ang lahat.

Pero sa kabila nito may isang parte nang katawan na tahimik lang. Ito ang butas nang puwet. Dahil sa nakita niyang pagpapagalingan siya ay nagsara. Ilang araw na hindi makadumi ang tao. Nanghina ang katawan, paa, mata at tenga nang tao. Pati ang kanyang puso ay bumagal na din ang pagpapadaloy nang dugo. Hindi na rin makapag-isip ang tao. Nakiusap sila sa butas nang puwet na bumukas na at nangako sila na hindi na magpapagalingan sapagkat natutunan nila na ang bawat isa pala ay may kanya kanyang mahahalangang ginagampanan.

Angkwentong ito ay masasalamin din natin sa Simbahan ngayon. Marami ang nagpapagalingan at minamaliit ang kakayahan nang iba. Pero nang ipagkaloob sa atin ang Banal na Espiritu, binigyan tayo lahat nang ating kabahagi sa Simbahan. May kanya-kanya tayong mahahalagang ginagampanan at pag hindi gumampan ang isa ito ay may epekto sa pangkalahatang buhay nang Simbahan. Hindi na lamang tayo dapat na tumahimik at hwag makiaalam. Bahagi tao nang Simbahan at dapat nating kilalanin an gating papel na gagampanan.

May iba’t-ibang ministeryo ang Simbahan at nangangailangan nang taong gagawa. Kulang ang pari. Kulang ang katekista. Kulang ang Lectors and Commentators. Gayun din ang Lay Ministers of the Eucharist. Kulang din an gang mga Collectors. Pwede tayong sumali sa iba’t-ibang religious organization. Pag bata ka pwede kang maging Altar Server o kaya ay sumali sa Parish Youth Ministry. Kailangan ka nang Simbahan…

Miyerkules, Mayo 15, 2013

MYMP

MYMP
(Mothers Day)

Ang MYMP ang isa sa pinakapaborito kong banda. Magaling sila umawit at damang dama mo ang mensahe nang kanilang inaawit (ang tawag yata dun ay pag-e-emote?). Ang bandang ito ay inumpisahan ni Jacques “Chin” Alcantara. Ang kanyang nanay ay marunong tumugtog nang piano pero hindi niya nakita ang kanyang anak na tumugtog professionally. Pumanaw ang kanyang nanay na si Dr. Stella Lopez-Alcantara sa komplikasyon sa sakit na breast cancer noong siya ay 17years old pa lang. Noong nagtayo siya nang banda, iminungkahi nang kanyang kapatid na si Julius na bilang tribute sa kanilang nanay ay MYMP na ang itatawag dito: MYMP- Make Your Momma Proud. At dito nagsimula ang MYMP.

Iba-iba ang katawagan natin sa mga ina. Mommy. Mama. Nanay. Mutter (German). Inang. Nanang. Mamsky. Momsy. Ma. Nay. Mudra. Mamang. Iba-iba man an gating tawag sa ating mga ina, ipinapahayag naman nito ang katotohanan na tayo ay ipinag-dalang tao nila at tayo ay nagmula sa kanila (di totoo yung putok sa buho!) Ipinapakita din nito na tayo ay nasa kanila nang maraming buwan hanggang sa tayo ay isilang.

Ngayong Happy Mothers Day maganda na tanungin natin ang ating sarili kung nagagawa ba nating proud ang ating mga nanay dahil sa ating mga ginagawa.
Alalahanin din natin ang ating Simbahan sapagkat siya ay atin ding ina. Sa lunes tayo ay pupunta sa mga presento upang bumoto. Alalahanin natin ang mga paalala nang ating Inang Simbahan sapagkat ito ay para din sa ating kapakanan:

Hwag magbenta nang boto.
Piliin ang mga kandidato na karapat dapat, yung may kakayahan para sa posisyon na kanyang tinatakbuhan.
Iboto ang mga kandidato na may pusong tulad nang isang ina, ang unang iniisip ay kung ano ang mabuti para sa iba at hindi ang kabutihan niya o nang kanyang pamilya.
Manalangin muna bago bumuto.

Ngayong Happy Mothers Day, alalahanin natin ang lahat nang mga ina at pasalamatan natin sila sa kanilang dakilang pagmamahal sa kanilang mga anak.

Nais ko ding ibahagi ang sulat nang isang ina para sa kanyang anak na sinulat ni Fr. Ariel Robles. Maaring nabasa at napakinggan nyo na ito pero hayaan ninyong muling balikan at sariwain ngayong Mothers Day.

Minamahal Kong Anak,

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.

Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!" paki-ulit nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang.

Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako. Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo nalang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo 'yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.

Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana ... dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...

(http://www.youtube.com/watch?v=JZWhqcgXpRA)

Nagmamahal,
Nanay

Ngayong Mothers Day sana ikaw ay MYMP. Make Your Momma Proud!

Ama Na May Pusong Ina

Ama na May Pusong Ina
(Jn. 16: 23-28)

Meron ka bang alagang manok sa inyo? Nakakatuwang pagmasdan yung mga inahing manok. Kapag mag-aalas sais na nang gabi, nag-iingay na ang inahing manok at tinatawag niya ang kanyang mga sisiw. Kung dati ay sa sanga nang puno ito natutulog, ngayong may sisiw siya, sa ibaba na siya natutulog at ang kanyang mga anak ay sa ilalim nang kanyang mga pakpak natutulog. Ito ang paraan niya para maging ligtas ang mga ito. Ito ang paraan niya upang maging maayos ang mga sisiw.

Ang mga inahing hayop ay nagbabago ang ugali kapag nagkakaroon na sila nang anak. Halimbawa ang aso, kung dati rati ay mabait ito at madaling lapitan, ito ay nagiging mabangis naman at nagiging agresibo upang protektahan ang kanilang mga anak. Kaya nga di na tayo nagugulat kapag tayo ay nakakita nang nakapaskil sa bahay na : “MAG-INGAT SA ASO. BAGONG PANGANAK!”

Lahat nang nanay ay gustong protektahan ang kanyang mga anak. Ibinibigay niya ang mga pangangailangan nito dahil alam niya nang kailangan siya nang mga ito para mabuhay.

Ito rin ang magandang isipin natin tungkol sa Diyos. Ang sabi sa Mabuting Balita; “Humiling kayo ngayon at tatanggap kayo at malulubos ang galak ninyo.” Alam nang Diyos an gating pangangailangan at ito ay kanyang ibinibigay. Ang kailangan lang nating gawin ay manalangin at humiling sa ngalan ni Hesus. Ang totoo nyan ay alam na nang Diyos ang ating kailangan pero kailangan pa rin nating manalangin sapagkat ito ang paraan upang maging handa tayo sa pagtanggap sa biyayang ipapagkaloob nang Diyos.

Katulad nang mga sisiw na tinatawag nang kanilang ina kapag malapit nang gumabi at kapag may nakaambang panganib, tayo din sana ay tumakbo palapit sa Diyos kapag meron tayong pangangailangan. Kpag tayo ay naliligaw, pakinggan natin ang kanyang tinig at tumakbo tayo palapit sa kanya. Katulad nang inang manok, ang Diyos ay meron malapad na pakpak upang yakapin tayo at maprotektahan sa kung anuman ang pwedeng masamang mangyari sa atin.

Alalahanin natin lagi ang mga sakripisyo nang ating mga nanay. Pasalamatan natin sila sa kanilang walang kupas at purong na pagmamahal na hindi naghihintay nang kapalit.

Alalahanin din natin ang ating Diyos. Tinatawag man natin siyang Diyos Ama, siya naman ay may pusong katulad nang sa mga ina. Siya ang Ama na may pusong ina…

Puso ni Nanay

Puso ni Nanay

Ilang beses ko nang narinig ito. Bakit wala tayong ginagamit salita upang tukuyin ang magulang na namatayan nang kanyang anak? Kapag namatayan nang asawa ang tawag natin ay balo. Pag namatayan nang magulang ang tawag ay ulila. Pero walang tawag sa magulang na namatayan nang anak. Bakit nga kaya?

Ang sabi nila wala daw term na pwedeng gamitin sa magulang na namatayan nang anak sapagkat hindi kayang ipaliwanang ang sakit na nararamdaman nang magulang sa sandaling pumanaw ang anak. Naging normal na sa atin na ang mga anak ang maglilibing sa magulang at hindi ang magulang ang maglilibing sa anak.

Kaya nga sa mga pagkakataon na may sakit ang anak, gusto nang magulang na kung pwede nga lang ay sila na ang ang may sakit. Kung pwede nga lang na ibigay nila ang sariling buhay upang madugsungan kahit kaunti ang buhay nang kanilang anak.

Noong 1861 isang bata ang ipinanganak sa Calamba, Laguna, isang batang lalaki. Pampito siya sa magkakapatid. Bata pa lang ang kanyang anak na ito ay tinuruan na nang kanyang nanay nang abakada. Inalagaan at tinuruan siya nang kanyang nanay. Pinag-aral sa eskwelahan at naging napakatalino. Nang tumanda nang ang nanay niya ay nagkaproblema ito sa mata kaya nga ang anak niyang ito ay nagpakadalubhasa sa panggagamot sa mata at ang kanyang ina ay inoperahan upang malinaw na makakita. Ang nanay na ito ay si Teodora Alonzo at ang kanyang anak ay si Jose Rizal.

Dagdag na kaalaman pa. Ang nanay ni Rizal ay nakulong nang mahigit dalawang taon dahil sa bintang na panglalason sa asawa nang kanyang kapatid pero siya ay napawalang sala din. Siya din ay pinaglakad nang mahigit 50 kilometers dahil ayaw niyang gamitin ang apelyedong Kastila na ibinibigay sa kanila. Buhay pa siya nang barilin ang kanyang anak na si hesus. Nasaksihan din niya ang deklarasyon ang pagtatayo nang monumento ni Rizal. Ang dami niyang sakripisyo. Pero nagawa niya ito sapagkat siya ay may pusong ina.

Alalahanin natin ang mga ina. Salamat sa mga may pusong ina…

Happy Mothers Day

Happy Mothers Day
(Jn. 16: 16-20)

Happy Mothers Day na ilang araw na lang. Pero alam nyo po ba na ang isa sa pinakamahirap na pinapagdaanan nang isang ina ay ang paglilihi at panganganak? Alam nang mga magulang iyan na mahirap ang maglihi at ang panganganak lalo na kapag natural na panganganak. Pero masakit man at mahirap ang karanasang ito, nawawala naman lahat nang ito sa sandaling mailuwal na ang bata. Kasiyahan at kagalakan na ang namamayani sa sandaling mayakap na niya ang kanyang anak.

Sa karanasang ito din maihahambing natin sa karanasan nang mga kristiyano. Ang sabi ni Hesus: “…tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.”

Ang pagiging Kristiyano ay hindi madali. Maraming dapat na gawin. Hindi pwede ang walang pakialam. Ang pagiging Kristiyano ay pagsunod sa ginawa ni Kristo: pagiging kabahagi nang buhay mga nasa laylayan nang lipunan, paninindigan para sa katotohanan, pagkampi sa mga inaapi, pagyakap sa katarungan, pagmamahal na walang pinipili…Hindi lang pagsisimba, hindi lang pagdarasal. Kailangang may gawa!

Ang pagiging tagasunod ni Kristo pala ay isang seryosohang bagay. Sabi nga nung mga tambay sa kanto: Hindi ito “just just.” Ito ay isang uri nang pamumuhay. Either you are a Christian or not. There is no middle ground. Pakyawan ang pagiging Kristiyano.

Pero hwag mag-alala kung maraming sakripisyo ang pagiging tagasunod ni Kristo sapagkat may pangako naman siya na pagkatapos nang lahat nang ito, mayroon namang kaligayahan at muling pagkabuhay.

Tularan natin ang mga nanay. Kagalakan na nila ang magsakripisyo para sa kanilang mga anak…

'Til The End

‘Til the End
(Jn. 16: 12-15)

Noong 1992 Barcelona Olympics, si Derek Anthony Redmond, isang British, ay sumali sa sa 400 meter dash. Nakapasok siya sa semi-final at nung siya ay tumakbo na at malapit na sa finish line, nagkaroon siya nang injury sa hamstring. Siya ay bumagsak. Nilapitan siya nang mga may dala nang stretcher upang siya ay buhatin pero hindi siya pumayag. Gusto niyang tapusin ang karera. Nakita siya nang kanyang ama na si Jim na nanonood sa gilid nang palaruan. Nilampasan nang ama niya ang mga gwardiya at lumapit kay Derek. Inakay niya ang kanyang anak hanggang sa makarating sa finish line. Nagtayuan ang mga taong nakasaksi at nagpalakpakan dahil sa kanilang nasaksihan. Tinapos nilang mag-ama ang karera…

Si Hesus ay bumalik na sa Diyos Ama pero meron naman siyang ipinadala na aalalay at gagabay sa atin. Ipinadala ni Hesus ang Banal na Espiritu upang matapos natin ang ating paglalakbay pabalik sa Ama. Ang kailangan lang natin ay maging matatag tayo at bumangon kapag nadadapa. Hwag din mag-alala sapagkat may aalalay sa ating paglalakbay, ang Banal na Espiritu…

Hwag sumuko…Hwag bibitiw...Tuloy ang laban! Hanggang sa huli…

Uwian Na!

Uwian Na!
(Jn. 16: 5-11)

Napansin nyo po ba na yung mga bata habang sila ay papasok sa paaralan sila ay naglalakad pero kapag uwian na sila ay tumatakbo? Ang dahilan nito ay sapagkat ang mga batang ito ay masaya na sila ay uuwi na sa kanilang tahanan.

Lahat tayo naghahangad na pagkatapos nang maghapon ay meron tayong tahanan na mauuwian. Hindi lamang bahay ang ating hinahanap. Ang gusto natin ay yung mga taong kasama natin sa bahay. Ang totoo nyan ay sila ang nagpapaligaya sa atin kaya gusto nating umuwi.

Si Hesus pagkatapos nang kanyang misyon sa mundo ay uuwi na din sa kaharian nang Diyos. Hindi ito madali para sa mga alagad sapagkat nakasandal na sila kay Hesus para sa mga gawain. Pero ang sabi ni Hesus: “…makabubuti sa inyong umalis ako sapagkat kung hindi ako aalis, hindi makakarating sa inyo ang Tagapagtanggol.” Babalik pala siya sa Ama upang isugo ang banal na Espiritu na gagabay sa mga alagad upang sila din ay makabalik sa Ama.

Pagod ka na ba sa buhay mo? Di mo ba alam kung saan ka pupunta? Nalilito ka ba kung anong gusto mong mangyari sa buhay mo? Naghahanap ka ba nang kapahingahan?

Magpaakay sa Banal na Espiritu. Magbalik ka na sa Ama. Hinihintay ka na niya…