Sa Mata ng Bata
(Lk. 10: 21-24)
Upang maipagyabang sa kaniyang anak ang kanilang kayamanan, dinala ng
isang mayamang ama ang kaniyang anak sa probinsya sa lugar ng mga
magsasaka. Doon maghapon nilang pinagmasdan ang buhay ng mga ito. Umuwi sila ng bahay at tinanong ng ama ang anak kung ano ang natutunan niya. Sumagot ang bata:
“Kawawa naman pala tayo Dadi kase mahirap tayo kase nakakulong tayo sa
mataas na pader ay maliit lang ang lugar na pinaglalaruan ko samantalang
yung mga magsasaka ay mayaman kase hindi sila nakakulong sa bakod at
malawak ang laruan ng kanilang mga anak.
“Tayo pala Dadi ay
dukha kase pag gabi di natin nakikita ang kagandahan ng mga bituin sa
langit samantalang sila ay may butas ang bubong at nakikita nila lahat.
“Hindi pala tayo mayaman kase lagi kayo ni Momi na nagmamadali upang
magtrabaho upang kumita ng pera kaya wala na halos kayong oras sa amin
samantalang yung mga magsasaka ay di nagmamadali sa tanim nilang palay
at gulay upang mamunga kaya nga mahaba ang oras nila upang makapiling
ang pamilya nila.
“Ganun pala tayo kahirap Dadi!”
May
mata, pag-iisp, at puso ang bata na naiiba kesa sa mga matatanda. May
mga kaalaman sila na hindi pinapansin ng mga may edad na ngunit ang mga
kaalaman na ito ay napakahalaga.
Sabi ni Hesus: “Pinupuri kita,
Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na
ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa mga bata.”
Ang bata ay simbolo ng mga mabababa at walang boses sa lipunan, mga
taong walang kapangyarihan, mga dukha, mahihirap, mga binabalewala, mga
taong hindi nakapag-aral at nasa laylayan ng lipunan.
Dukha man
sila at salat sa kabuhayan sila naman ang tunay na nagtataglay ng
karunungan sapagkat nakilala nila si Hesus bilang katuparan ng pangako
ng Diyos. Para sa mga nasa taas ng lipunan at nag-aral ng batas ni
Moises, ang hinihintay nilang magliligtas sa kanila ay isang “military
figure”, isang malakas na hari na magpapalaya sa kanila mula sa mga
Romano. Ngunit iba ang plano ng Diyos. Nabulag sila ng kanilang antas sa
buhay at ng kanilang kaalaman.
Mabuti pa ang mga “bata” sa lipunan. Yung mga maliliit ang tunay na tumanggap sa Kaharian ng Diyos.
Tularan natin sila upang tanggapin ang muling pagsilang ni Hesus.
May malaking puwang sa puso ni Hesus ang mga dukha at aba…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento