Magkano Ka Anne Curtis?
(Mt. 18: 12-14)
Sa pelikula o sa totoong buhay man nagagalit tayo sa mga taong
nagtatanong ng: “Magkano ka!” Sa katanungang ito kase tila ang buhay ng
isang tao ay kayang tumbasan ng pera. Sa tanong na ito tila pinababa ang halaga ng tao.
Kaya nga nung sabihin ni Anne na “I can buy you, your friends and this
club!” marami ang nag-react at nagalit sa kaniya. Dahil sa epekto ng
alak kaya daw nya ito nasabi. Gayun pa man ay hindi maiiwasan na siya ay
kainisan kase hindi sapat na dahilan na lasing ang isang tao upang
maliitin at tapatan ng pera ang kahit na sinuman. Walang halaga ang pera
kung ihahambing sa tao.
Pero magkano ka nga ba talaga?
Sabi ni Hesus kapag may isandaang tupa at nawala ang isa, iiwan ng
may-ari ang 99 na tupa upang hahanapin ito. Kapag natagpuan na ay
malaking kasiyahan ang mararamdaman ng may-ari ng tupa.
Ganito ang halaga ng tao. Mahalaga sa paningin ng Diyos.
Hindi tinitingnan ng Diyos kung mayaman, kung ano ang titulo, kung
sikat, kung may kapangyarihan, kung maraming ari-arian, kung may
kagandahan o kagwapuhan, kung anong relihiyon na kinaaaniban, kung
makasalanan…
Kaya nga kapag napakinggan mo ulit ang katanungan
na “magkano ka?” ituro mo ang krus at sabihing: “Ipinadala ng Diyos ang
kaniyang bugtong na anak upang ako ay tubusin!”
Kaya nga kapag
akala mo ay wala kang kwenta dahil hindi ka pinapansin sa buhay ng ito
at pakiramdam mo ay walang nagmamahal at nagpapahalaga sa iyo, lagi kang
tumungin sa krus at masdan ang ipinakong si Hesus na nag-alay ng buhay
para sa iyo.
Magkano ka Anne Curtis? Nasa nakabayubay na katawan sa krus ang kasagutan…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento