Miyerkules, Mayo 15, 2013

Ama Na May Pusong Ina

Ama na May Pusong Ina
(Jn. 16: 23-28)

Meron ka bang alagang manok sa inyo? Nakakatuwang pagmasdan yung mga inahing manok. Kapag mag-aalas sais na nang gabi, nag-iingay na ang inahing manok at tinatawag niya ang kanyang mga sisiw. Kung dati ay sa sanga nang puno ito natutulog, ngayong may sisiw siya, sa ibaba na siya natutulog at ang kanyang mga anak ay sa ilalim nang kanyang mga pakpak natutulog. Ito ang paraan niya para maging ligtas ang mga ito. Ito ang paraan niya upang maging maayos ang mga sisiw.

Ang mga inahing hayop ay nagbabago ang ugali kapag nagkakaroon na sila nang anak. Halimbawa ang aso, kung dati rati ay mabait ito at madaling lapitan, ito ay nagiging mabangis naman at nagiging agresibo upang protektahan ang kanilang mga anak. Kaya nga di na tayo nagugulat kapag tayo ay nakakita nang nakapaskil sa bahay na : “MAG-INGAT SA ASO. BAGONG PANGANAK!”

Lahat nang nanay ay gustong protektahan ang kanyang mga anak. Ibinibigay niya ang mga pangangailangan nito dahil alam niya nang kailangan siya nang mga ito para mabuhay.

Ito rin ang magandang isipin natin tungkol sa Diyos. Ang sabi sa Mabuting Balita; “Humiling kayo ngayon at tatanggap kayo at malulubos ang galak ninyo.” Alam nang Diyos an gating pangangailangan at ito ay kanyang ibinibigay. Ang kailangan lang nating gawin ay manalangin at humiling sa ngalan ni Hesus. Ang totoo nyan ay alam na nang Diyos ang ating kailangan pero kailangan pa rin nating manalangin sapagkat ito ang paraan upang maging handa tayo sa pagtanggap sa biyayang ipapagkaloob nang Diyos.

Katulad nang mga sisiw na tinatawag nang kanilang ina kapag malapit nang gumabi at kapag may nakaambang panganib, tayo din sana ay tumakbo palapit sa Diyos kapag meron tayong pangangailangan. Kpag tayo ay naliligaw, pakinggan natin ang kanyang tinig at tumakbo tayo palapit sa kanya. Katulad nang inang manok, ang Diyos ay meron malapad na pakpak upang yakapin tayo at maprotektahan sa kung anuman ang pwedeng masamang mangyari sa atin.

Alalahanin natin lagi ang mga sakripisyo nang ating mga nanay. Pasalamatan natin sila sa kanilang walang kupas at purong na pagmamahal na hindi naghihintay nang kapalit.

Alalahanin din natin ang ating Diyos. Tinatawag man natin siyang Diyos Ama, siya naman ay may pusong katulad nang sa mga ina. Siya ang Ama na may pusong ina…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento