Sabado, Pebrero 15, 2014

Questions!

Questions!
(Lk. 19: 45-48)

Bakit second collection lang sa mga simbahan ang ibinigay para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda? Hindi ba pwedeng yung collection sa lahat ng mga misa ay ilaan para sa mga nabiktima na nangangailangan ng pagkain, tubig na maiinom at lugar na matutulugan?

Ginusto kaya ni Hesus na magkaroon ng magagara at magagandang simbahan para sa kaniya? Ginusto kaya niya na ang grupo na kaniyang sinimulan ay gumamit ng mga mamahaling kagamitan? Hinangad kaya niya na siya ay ikulong at sambahin sa loob ng isang estruktura na tinatawag na simbahan? Si Kristo ba ay para lamang sa mga Kristiyano? Pag-aari lang ba siya ng mga Katoliko?

Hindi kaya napapakamot ng ulo si Hesus kapag nakikita niya na ginagamit ang kaniyang pangalan sa mga gawain na kaniyang tinutulan at nilabanan nung siya ay nabubuhay pa? Hindi kaya mapapailing si Hesus kapag nakikita niya na katabi ng malapalasyong simbahan at katedral ay mga taong nakatira sa lansangan at mga taong ang sikmura ay kumakalam?

Bakit kaya pinagtabuyan ni Hesus ang mga nagtitinda sa templo? Sila ba ay nakakagulo sa pagdiriwang ng pag-aalay kaya nagalit sa kanila si Hesus? O nagalit si Hesus kase ginagamit ang templo para sila ay yumaman? Na ginagamit ng mga nagtitinda ang pangalan at kautusan ng Diyos para pahirapan ang mga nasa ibaba ng lipunan at sila naman ang makinabang? Na nagalit si Hesus kase kasabwat ang mga namumuno sa lahat ng ito?

Sabi ni Hesus: “Nasusulat, ‘Magiging bahay dalanginan ang aking bahay, pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento