Sabado, Mayo 18, 2013

Hangin



Hangin
(Pentecostes)

Subukan ninyong hipan ang inyong hintuturo nang maliit lang ang buka nang inyong bibig. Subukan nyo ding hipan ito nang malaki ang buka nang inyong bibig. Ano ang pagkakaiba? Ang hangin na nagmumula sa maliit na buka nang bibig ay hindi mainit sapagkat ito ay nagmumula lang sa bibig samantalang kapag malaki ang buka nang bibig ito ay maiinit palibhasa ito ay galing sa kalooban.

Ito rin ang pwede nating gamitin simbolo sa pagbibigay ni Hesus nang Banal na Espiritu. Ang sabi sa Mabuting Balita: “…hiningahan niya sila at sinabi: ‘Tanggapin ang Espiritu Santo’.” Ang hininga ni Hesus ay nagmula sa kaibuturan nang kanyang kalooban at dahil dito ito ay may init. Ito ay galing sa loob. Ito ang Banal na Espiritu.

Sa Lumang Tipan alam natin na ang hangin na nagmula sa hininga nang Diyos ang nagbigay nang buhay sa putik na kanyang binuo. Ang hininga nang nilikha ay karugtong nang hininga nang Diyos. Kung ganoon kapag pala tayo ay humihinga, ipinagpapatuloy natin ang buhay at sinasariwa natin ang buhay na ipinagkaloob nang Diyos.

Sa Pagkakatawang tao naman ni Hesus ang hangin na nagmula sa kanyang kalooban ay ipinagkaloob sa mga alagad bilang tanda nang pagkakaloob nang Banal na Espiritu. Ang Espiritung ito din ang tinatanggap natin noong tayo ay binyagan at kumpilan. Sa pagtanggap nito binibigyan tayo nang responsibilidad na ipagpatuloy ang misyong sinimulan ni Kristo.

May isang kwento tungkol sa mga parte nang katawan na minsan daw ay nagpayabangan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Ang sabi nang kamay siya daw ang pinakamagaling sapagkat kung wala siya ay mahihirapang gumawa ang tao. Hindi nagpatalo ang pa at ang sabi niya ay siya daw ang pinakamagaling sapagkat kung wala siya ay hindi makakarating sa paroroonan ang tao. Ang sabi naman nang mata ay siya daw sapagkat dahil sa kanya ay nakikita nang tao ang kagandahan nang paligid. Ang sabi naman nang tenga ay siya sapagkat kung wala siya ay magiging tahimik ang lahat. Di rin nagpatalo ang puso at ang sabi niya ay siya ang pinakamagaling sapagkat siya ang nagpapadaloy nang dugo. Ang utak din ay di nagpatalo kase siya daw ang nag-iisip upang magawa nang tao ang lahat.

Pero sa kabila nito may isang parte nang katawan na tahimik lang. Ito ang butas nang puwet. Dahil sa nakita niyang pagpapagalingan siya ay nagsara. Ilang araw na hindi makadumi ang tao. Nanghina ang katawan, paa, mata at tenga nang tao. Pati ang kanyang puso ay bumagal na din ang pagpapadaloy nang dugo. Hindi na rin makapag-isip ang tao. Nakiusap sila sa butas nang puwet na bumukas na at nangako sila na hindi na magpapagalingan sapagkat natutunan nila na ang bawat isa pala ay may kanya kanyang mahahalangang ginagampanan.

Angkwentong ito ay masasalamin din natin sa Simbahan ngayon. Marami ang nagpapagalingan at minamaliit ang kakayahan nang iba. Pero nang ipagkaloob sa atin ang Banal na Espiritu, binigyan tayo lahat nang ating kabahagi sa Simbahan. May kanya-kanya tayong mahahalagang ginagampanan at pag hindi gumampan ang isa ito ay may epekto sa pangkalahatang buhay nang Simbahan. Hindi na lamang tayo dapat na tumahimik at hwag makiaalam. Bahagi tao nang Simbahan at dapat nating kilalanin an gating papel na gagampanan.

May iba’t-ibang ministeryo ang Simbahan at nangangailangan nang taong gagawa. Kulang ang pari. Kulang ang katekista. Kulang ang Lectors and Commentators. Gayun din ang Lay Ministers of the Eucharist. Kulang din an gang mga Collectors. Pwede tayong sumali sa iba’t-ibang religious organization. Pag bata ka pwede kang maging Altar Server o kaya ay sumali sa Parish Youth Ministry. Kailangan ka nang Simbahan…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento