Sabado, Pebrero 15, 2014

Change

Change
(Lk. 21: 29-33)

“The only permanent in this world is change.”

Ang nag-iisang permanente sa mundong ito ay ang pagbabago. Lahat nagbabago. Ang puno nagkakaroon ng dahon na berde, pagkalipas ng ilang panahon matutuyo ito at magiging brown, malalaglag at mabubulok…

Nagbabago ang kulay, ang taas, ang hitsura, ang chemical composition, …

Ang tao din nagbabago. Nagbabago ang pisikal na kaanyuan, nagbabago ugali, pagtingin sa buhay, nagbabago ang isip, at pati na rin ang puso ay nagbabago rin (ouch!).

Pero may isang hindi nagbabago. Ang Diyos ay hindi nagbabago. Perpekto na kase siya. Kung siya ay magbabago ibig sabihin ay may kakayahan siya upang “maging.” Ibig sabihin ay dati hindi siya perpekto at ngayon ay nagbago siya. Pero hindi ganun ang Diyos. Hindi limitasyon ng kaniyang kapangyarihan ang hindi niya pagbabago. Hindi siya nagbabago kase nasa sukdulan na ang kaniyang pag-iral.

Hindi nagbabago ang Diyos. Hindi nagbabago ang kaniyang pagmamahal. Kahit na ikaw ay nagkakamali at nakagagawa ng mga kasalanan hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal ng Diyos. Ang pagmamahal kase ng Diyos ay buong-buo. Hindi ito mababawasan kahit na nga ng kasalanan.

Sabi ni Hesus: “ Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.” Si Hesus ang Salita ng Diyos Ama. Ang Salitang ito ay ang pagkakatawang-tao ng pag-ibig ng Diyos. Hindi magbabago ang kasaysayan na dumating si Hesus upang magpadama ng pagmamahal. Ipinadala si Hesus upang maranasan ng tao ang kaibuturan ng puso ng Diyos.

Kaya ng kung iniisip mo na nagbago na ang Diyos sa iyo dahil puro problema ang nararanasan mo, mag-isip baka ikaw ang nagbago sa kaniya. Kung iniisip mo na pinaparusahan ka ng Diyos kaya marami kang pinagdadaanan, tanungin ang sarili baka ikaw ang napapahirap sa sarili mo. Kung nararamdaman mo na malayo ang Diyos sa iyo kaya lagi kang lumuluha, tumigil ka muna sa iyong ginagawa at baka ikaw mismo ang naglalayo ng sarili mo sa kaniya.

PS. At kung nagtatanong ka kung bakit di ka crush ng crush mo…di ko rin alam!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento