(Mothers Day)
Ang MYMP ang isa sa pinakapaborito kong banda. Magaling sila umawit at damang dama mo ang mensahe nang kanilang inaawit (ang tawag yata dun ay pag-e-emote?). Ang bandang ito ay inumpisahan ni Jacques “Chin” Alcantara. Ang kanyang nanay ay marunong tumugtog nang piano pero hindi niya nakita ang kanyang anak na tumugtog professionally. Pumanaw ang kanyang nanay na si Dr. Stella Lopez-Alcantara sa komplikasyon sa sakit na breast cancer noong siya ay 17years old pa lang. Noong nagtayo siya nang banda, iminungkahi nang kanyang kapatid na si Julius na bilang tribute sa kanilang nanay ay MYMP na ang itatawag dito: MYMP- Make Your Momma Proud. At dito nagsimula ang MYMP.
Iba-iba ang katawagan natin sa mga ina. Mommy. Mama. Nanay. Mutter (German). Inang. Nanang. Mamsky. Momsy. Ma. Nay. Mudra. Mamang. Iba-iba man an gating tawag sa ating mga ina, ipinapahayag naman nito ang katotohanan na tayo ay ipinag-dalang tao nila at tayo ay nagmula sa kanila (di totoo yung putok sa buho!) Ipinapakita din nito na tayo ay nasa kanila nang maraming buwan hanggang sa tayo ay isilang.
Ngayong Happy Mothers Day maganda na tanungin natin ang ating sarili kung nagagawa ba nating proud ang ating mga nanay dahil sa ating mga ginagawa.
Alalahanin din natin ang ating Simbahan sapagkat siya ay atin ding ina. Sa lunes tayo ay pupunta sa mga presento upang bumoto. Alalahanin natin ang mga paalala nang ating Inang Simbahan sapagkat ito ay para din sa ating kapakanan:
Hwag magbenta nang boto.
Piliin ang mga kandidato na karapat dapat, yung may kakayahan para sa posisyon na kanyang tinatakbuhan.
Iboto ang mga kandidato na may pusong tulad nang isang ina, ang unang iniisip ay kung ano ang mabuti para sa iba at hindi ang kabutihan niya o nang kanyang pamilya.
Manalangin muna bago bumuto.
Ngayong Happy Mothers Day, alalahanin natin ang lahat nang mga ina at pasalamatan natin sila sa kanilang dakilang pagmamahal sa kanilang mga anak.
Nais ko ding ibahagi ang sulat nang isang ina para sa kanyang anak na sinulat ni Fr. Ariel Robles. Maaring nabasa at napakinggan nyo na ito pero hayaan ninyong muling balikan at sariwain ngayong Mothers Day.
Minamahal Kong Anak,
Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.
Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!" paki-ulit nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang.
Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako. Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.
Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo nalang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo 'yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.
Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.
Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.
At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.
Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.
At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana ... dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...
(http://www.youtube.com/
Nagmamahal,
Nanay
Ngayong Mothers Day sana ikaw ay MYMP. Make Your Momma Proud!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento