Budol –budol
(Lk. 14: 1, 7-14)
Kanina lang may nabiktima na naman ang budol budol gang. Ginamit ang
pangalan ng isang pari at nag-order ng pagkain upang ipa-deliver dito sa
kumbento. Nag-alok pa siya na kung gusto nilang magpabarya ng pera kase
marami daw barya sa opisina ng simbahan.
Dinala ng isang crew ng isang food outlet ang order kasama ang mahigit labindalawang libong piso. Sinalubong siya
ng nag-order at kinuha ang pera at sinabihan ang crew na maghintay na
lang siya sa loob ng simbahan at dadalhin sa kanya ang mga barya.
Matagal siyang naghintay. Hindi niya alam ay tumakas na ang lalaki dala
ang pera. Kawawa naman ang crew na ito. Nabiktima ng manloloko.
Pero ang nakakainis dito ay ginamit ng manloloko ang pangalan ng pari.
Nagtiwala ang crew sapagkat ang alam niya ay taong simbahan ang kanyang
kausap. Nagtiwala sila sapagkat akala nila ay simbahan ang kanilang
kausap.
Mataas kase ang pagtingin ng tao sa mga pari. Sa
panahon ngayon hwag basta basta magtitiwala lalo na kapag ang
pinag-uusapan ay pera. May mga tao na ginagamit ang identity ng iba
upang makapanlamang. May mga tao na nagnanakaw ng karangalan ng iba
upang mayroon siyang makuha.
Sa Mabuting Balita, itinuturo sa
atin ni Hesus ang tunay na kahulugan ng karangalan. May mga tao na
gustong upuan ang magandang upuan na hindi naman para sa kanya. May mga
tao na inuunahan ang iba upang mapasakanya ang karangalan.
Nais
ni Hesus na matutunan natin na ang karangalan ay maging kakambal ng
kapakumbabaan. Hindi dapat na maging mapagmataas. Hindi dapat na
nagyayapak ng ibang tao lalo na ng maliliit. Habang umaangat ay dapat na
lalong nagiging mapagpakumbaba.
Alam natin ang mga kwento ng
mga taong may narating lang ay naging mataas na ang tingin sa sarili.
May mga taong yumaman lang ay hindi na iginagalang ang mga mahihirap at
dukha. Nagkaroon lang ng mataas na pusisyon ay tila nakalimutan na ang
kanyang pinanggalingan. Nagkaroon lang ng yuniporme ay tila siya na ang
naging batas.
Sabi ni Hesus: “Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang tunay na karangalan ay hindi hinihingi. Hindi ito ipinipilit. Ang
tunay na karangalan ay kusang ibinibigay mula sa puso ng ibang tao. Ang
respeto at karangalan ay pinaghihirapan, hindi ito ninanakaw.
Tandaan natin yung kwento nung isang pari. Paglipat niya sa bagong
parokya ay napansin niya na masyadong maingay ang tunog ng makina nito.
Dinala niya ito sa talyer at ipinasuri. Tinanong ng pari yung mekaniko
kung bakit maingay ang makina. Sabi nung mekaniko: “Father, maingay po
yang tunog ng makina kase matanda na yang makina!”
Ang tunay na karangalan ay nasa kapakumbabaan. Hwag paloloko sa budol-budol gang!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento