Multo ng Buhay Mo
(Lk. 9: 7-9)
Takot tayo sa multo. Tinatakbuhan nating yung mga lugar at pagkakataon
na may nagsabi na may kakaibang nangyayari dito na hindi maipaliwanag.
Lumalayo tayo sa mga nakakatakot na lugar. Para sa atin mas maganda na
na umiwas kesa mabiktima ng isang nakakatakot na karanasan.
Pero sa buhay ay maraming multo na mahirap takasan. Nariyan yung mga kamaliaan noong nakaraan na
hanggang ngayon ay pilit nating kinakalimutan ngunit patuloy pa ring
bumabalik sa ating kamalayan. Nariyan ang mga desisyon sa buhay na
nakasakit tayo ng ating kapwa at tayo din ay nasaktan. Ayaw na nating
balikan pa ito ngunit patuloy pa rin tayong naaapektuhan.
May
mga isyu rin tayong gustong solusyunan sa pamamagitan ng paglayo ngunit
di natin alam na dala dala pala natin na parang anino ang mga isyu sa
ating buhay. Nariyan ang mga kalungkutan at kapighatian na ayaw na
nating maranasan kaya naman naglilibang tayo sa maraming bagay ngunit
pagbalik natin sa normal na buhay ay malalaman natin na nandun pa rin
ang paghahanap natin ng kaligayahan.
Si Herodes ay minumulto ng
kanyang nakaraan. Ipinapatay niya si Juan at alam niyang ito ay
malaking pagkakamali. Kaya nga nung dumating si Hesus siya ay
litung-lito. Gusto niyang makilala si Hesus at matantya niya kung ano
ang kinalaman nito kay Juan. Pero sa ilalim nito ay gusto niyang
patunayan na hindi nabuhay si Juan na kaniyang pinapatay. Ayaw kase
niyang harapin ang kaniyang pagkakamali. Hindi siya nagsisi sa nagawa
niya.
Ganito rin ang nangyayari sa atin kapag hindi natin
hinaharap ang ating nakaraan. Kapag hindi natin natanggap ang mga
pangyayari sa nakaraan, maganda man ito o nakasusuklam, patuloy pa rin
tayong mumultuhin ng mga bagay na ito. Dadalhin natin ito kahit saan at
hindi natin ito matatakasan at makakalimutan.
Ano ang dapat gawin?
Harapin ang nakaraan. Tanggapin ang mga pagkukulang. Aminin sa sarili
na nagkamali. Matuto na humingi ng kapatawaran. At hwag ding kalimutan
na bigyan ang sarili ng kapatawaran.
Hindi ka na mabubuhay sa nakaraan sapagkat natuto ka ng harapin ang multo ng iyong buhay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento