Martes, Setyembre 3, 2013

Imbudo

Imbudo
(Lk. 4: 38-44)

Alam nyo ba ang imbudo?

Sa English ito ay funnel. It is a cone-shaped utensil with a large opening at the top and a small opening or tube at the bottom and is used in pouring liquids and other substances into containers. (Encarta)

May tindahan kami sa palengke at noong bata pa ako (mas mukhang bata kesa ngayon) ang imbudo ang isa sa laging ginagamit. Uso kase noon ang tingi tingi (papiso-piso) na pagbili ng mantika, toyo, palamig o kaya ay gaas. Ang bibili ay may dala dala ng bote o kaya ay plastic na na kung saan ilalagay ang ang binili. Sa pagsasalin ng binili ay kailangan ang imbudo upang diretso sa lalagyan at ng walang masayang.

Pero nakakatuwa ang imbudo. Inilalagay sa kanya ang binibili pero ito ay dumadaan lang sa kanya. Hindi niya itinatago ang inilalagay sa kanya. Katunayan niyan ay walang natitira sa kanya. Pero sa pamamagitan nito ay ginagampanan niya ang kanyang tunay na esensya: ang tagapagdaloy para malipat ang kung anuman sa ibang lalagyan.

Pero maganda rin tayong matuto sa imbudo. Yun bang kapag tayo ay nakatanggap ng biyaya ay ininabahagi natin. Hindi natin sinasarili.

Sa Mabuting Balita ganito ang ginawa ng biyanang babae ni Simon. Noong dumating si Hesus sa bahay ng babae ito ay may sakit. Pero pinagaling siya ni Hesus. Nung siya ay gumaling na, pinili niya na paglingkuran sila Hesus. Tumanggap siya ng kagalingan at ginamit naman niya ito upang makapaglingkod.

Hindi ba’t ganun din si Hesus? Dahil sa kanya ay dumaloy ang biyaya ng kaligtasan para sa lahat. Siya ay naging instrumento ng pagbuhos ng grasya ng Diyos.

Maging imbudo. Maging masaya na naging instrumento ng pagmamahal ng Diyos…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento