Kwentong Baboy
(Lk. 8: 19-21)
May isang kwento tungkol sa isang abogado na umuwi ng probinsya. Sakay
ng kanyang kotse siya ay naglakbay. Malapit na siya sa kanilang bayan ng
biglang nagkatrapik sa daan. Maraming mga sasakyan ang di makadaan.
Tinanong niya yung isang taong malapit sa kaniya kung anong nangyayari.
Sinabi nito na may naaksidente sa may unahan ng kalsada at
pinagkakaguluhan ng mga tao kaya matrapik.
Bumaba ng sasakyan ang abogado at pumunta sa pinangyarihan ng
aksidente. Di siya makalapit sapagkat maraming tao kaya umisip siya ng
paraan para makita niya ang naaksidente. Bigla siyang sumigaw ng:
“Paraanin nyo ako, kamag-anak ko ang naaksidente.”
Lumingon ang mga tao sa kaniya at binigyan siya ng daan. Paglapit niya nagulat siya sapagkat ang naaksidente ay isang baboy…
Sa totoong buhay maraming ganyan. Yun bang ginagamit ang titulo para
malamangan ang iba at sila ay mangibabaw. Yun bang mga taong ang tingin
sa sarili ay napakataas. Yun bang mga taong gusto lagi ay nauuna…
Ganyan din ang marami sa mga Hudyo noong panahon ni Hesus. Iniisip nila
na dahil sila ay mula sa lahi ni Abraham at sila ang piniling bayan ng
Diyos ay sila na ang nangunguna sa mata ng Diyos. Binali ni Hesus ang
kaisipang ito.
Sabi niya: “Ang mga nakikinig ng Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
Yun pala… Sa kultura nila mahalaga ang relasyon ng dugo. Totoo sa
kanila ang kasabihan na: “Blood is thicker than water.” Itinuturo ni
Hesus na meron pa palang mas malapit na relasyon maliban sa relasyon ng
magkadugo. Ito ang pagkakaroon ng isang puso at isp sa Diyos. Ito yung
pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang batayan ng pagiging ina at
kapatid ni Hesus.
Maging mapagpakumbaba. Sundin ang kalooban ng Diyos. Diyan ka mapapalapit kay Hesus…
Hwag maging kamag-anak ng baboy!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento