Sabado, Agosto 24, 2013

Handaan

Handaan
(Lk. 13: 22-30)

May isang kwento tungkol sa isang mag-ama na nakatira sa isang parang. Ang ama ay matagal ng nasa banig ng karamdaman. Matagal na siyang inaalagaan ng kanyang anak. Napagod na ang anak sa pag-aalaga dito kaya naisip niya na dalhin na lang sa bundok ang kanyang ama at iwan dito upang doon na mamatay.

Kaya nga isang araw ay binuhat niya ang kanyang ama paakyat ng bundok. Malayo na ang kanilang napuntahan ng mapansin ng anak na habang daan ay binabali ng kanyang ama ang mga sanga sa gilid ng kanilang madaanan.

Tinanong ng anak ang kanyang ama kung bakit niya binabali ang mga sanga. Sumagot ang kanyang ama: “Kase anak malapit ng gumabi. Binabali ko ang mga sanga upang sa iyong pag-uwi ay hindi ka maligaw sa bundok na ito. Sundan mo lang ang mga sangang binali at siguradong makakuwi ka sa ating tahanan.”

Nung marinig ng anak ang sagot ng ama, umuwi na siya sa kanilang tahanan buhat pa rin niya ang kanyang ama na ang hangad ay ang kabutihan ng kanyang anak.

Ang Panginoong Diyos ay isang ama na hindi nagnanais na mapahamak ang kahit isa niyang nilikha. May plano ang Diyos na sa huli ay meron ang bawat isa na lugar sa piging ng Kaharian ng Diyos. Ngunit hindi lahat ay makakarating sa salu-salong ito. Merong mga maiiwan sa labas ng pintuan at hindi na papayagan na makipagdiwang.

Isang katotohanan na itinuturo ng Mabuting Balita ngayon ay: hindi pala sapat na maging kasama ni Kristo upang maligtas, hindi sapat na tawaging Kristiyano upang tanggapin sa Kaharian ng Diyos. Binabali ni Hesus ang pananaw ng maraming Hudyo na dahil sila ay mula sa lahi ni Abraham ay nakakasigurado na sila ng kaligtasan. Kapos pala ang mga bagay na ito.

Ang kaligtasan ay parang isang handaan. Nakalatag na ang mga pagkain. Inihanda na ito ng Diyos. Inaanyayahan ang bawat isa na kunin ang mga pagkaing ito. Nasa bawat isa kung siya ay lalapit o kakain ng mga handa.

Iniligtas na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Pero ang kaligtasang ito ay hindi ipinipilit ng Diyos. Nakasalalay din sa paggawa kung handa ba ang bawat isa na tanggapin ito. Kaya nga ang panawagan niya ay: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan…”

Ang Panginoon ay isang ama na naghahangad na makasama ang lahat niyang mga anak sa kanyang tahanan ngunit hindi siya namimilit. Malaya ang bawat isa na pumili.

Piliin natin na makasama sa Kaharian niya sa pamamgitan ng pagsunod sa kalooban niya…

Tara...Kain tayo...Hwag mag-alala, walang pork dito!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento