Likaw ng Bituka
(Lk. 9: 18-22)
“Alam ko na ang likaw ng bituka mo.” Yan ang sinasabi natin sa isang
tao na lubos na ang pagkakilala natin. Kapag naging kaibigan natin isang
tao doon lumalalim ang pagkakilala natin. Hindi ito basta basta
nangyayari. Kinakailangan ng mahabang panahon. Sa bawat sitwasyon na
ating pinagdadaanan doon lumalalim ang pagkakilala sa isa’t isa. Ganito
din sa Mabuting Balita.
Nakakatuwa itong si Pedro. TalaGang napakabibo. Noong nagtanong si Hesus
kung sino siya para sa mga alagad, sumagot agad si Pedro: “Ang Mesiyas
ng Diyos.” Sabi ng ibang tao si Hesus daw ay si Juan,si Elias o kaya
isang propeta na nabuhay noong una. Paano kaya nangyari na nasambit ni
Pedro ang kasagutan na iyon samantalang iba naman ang naging sagot ng
ibang tao?
Ang dahilan ay sapagkat nakasama ni Pedro si Hesus.
Naging kasama niya sa paglalakbay. Naging kasama niya sa pagtuturo.
Naging kasama niya sa hapag-kainan at mga inuman. Naging kasama sa
puyatan. Naging kasama niya sa pagdarasaL.
SA kanilang
pagsasama marahil ay marami silang napagkwentuhan. Si Pedro ay maraming
nalaman tungkol kay Hesus. Marami siyang nakita kay Hesus. Nakita ni
Pedro kung paano magalit si Hesus sa mga taong mapagbalatkayo at
ginagamit ang templo para sa personal na pagyaman.
Nakita rin
niya kung gaano kamahal ni Hesus ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Naranasan niya kung paanong pinakain ni Hesus ang mga libu-libong tao.
Nakita ng kaniyang mga mata kung paanong pinagagaling ni Hesus ang mga
may karamdaman. At dahil dito lumalim din ang pagkakilala niya kay
Hesus.
Yun pala ang dahilan. Yung mga tao na nagsabing si Hesus
ay si Juan, Elias, o kaya Isang propeta ay mababaw ang pagkakilala kay
Hesus. Hindi kase nila nakasama si Hesus. Hindi nila naging kalakbay.
Hindi nila naging kaibigan si Hesus.
Samantalang si Pedro halos
alam na niya ang “likaw ng bituka” ni Hesus. Nagbigay si Pedro ng
mahabang oras upang makalakbay si Hesus. Naging kaibigan niya si Hesus.
Yun din ang hamon sa atin. Kung gusto nating lubos na makilala si
Hesus, maglaan tayo ng panahon sa kanya. Magsimba tayo. Magbasa ng
Bibliya. Magtanong sa nakakaalam tungkol sa pananampalataya. Sumali sa
gawaing pansimbahan. Kaibiganin natin si Hesus.
Sa
pamamagitan nito, ang ating pananampalataya ay hindi na lamang
pananampalataya natin sa paniniwala ng mga lideR ng Simbahan o kaya ay
ng mga unang Kristiyano ngunit inaari nating atin talagang
pananampalataya sapagkat personal nating kilala si Hesus at ito ay
nasasalamin sa buhay. Yun ang tunay na pananampalataya.
Ikaw, alam mo ba ang likaw ng bituka ni Hesus?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento