Juan Tamad
(Lk. 5: 33-39)
Naalala nyo pa ba yung kwento ni Juan Tamad? Nakita niya ang hinog na
bunga ng bayabas. Dahil sa tinatamad siyang kunin ito, humiga na lang
siya sa papag sa tapat ng bungang ito upang hintayin na mahulog ito.
Ibinuka niya ang kanyang bibig para pag nahulog ang bunga diretso na
niya itong makakain.
Anong nangyari? Ayun, inunahan siya ng mga ibon. Sa halip na bunga ng bayabas ang bumagsak, mga dumi ng ibon ang nakuha ni Juan Tamad.
Sa buhay pala, dapat ay di tatamad-tamad. Kapag may gustong mangyari, dapat na pinagsisikapan at pinaghihirapan.
Kung gusto mong maging sexy….dapat ay mag-diet at mag-exercise ka.
Kung gusto mong makapasa sa exam….dapat ay magreview ka at mag-aral na
mabuti (subukan mo ding ilagay yung notes mo sa ilalim ng unan mo pag
ikaw ay natutulog).
Kung gusto mong yumaman…dapat magsikap at magsipag ka.
Kung gusto mong magka-girlfriend…dapat manligaw ka.
Kung gusto mong malaman kung makakashoot ka sa basketball…dapat tumira ka.
Kung gusto mo ng maraming kaibigan…dapat maging mabait ka.
Kung ayaw mong magkasakit…alagaan at hwag mong abusuhin ang iyong sarili, tigilan na ang bisyo.
Kung gusto mong bumango…maligo ka.
Sabi ni Hesus: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at
itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi
pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago.
At
wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlan. Kung hindi’y
sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak
at masisira pati sisidlan. Sa halip ay sa bagong sisidlan dapat ilagay
ang bagong alak.”
Ganun pala. Kapag nakilala natin si Kristo
dapat magkaroon ng pagbabago sa sarili. Hindi pwedeng sabihin na kilala
niya si Kristo pero patuloy pa rin siya sa kaniyang mga bisyo. Hindi
pwedeng sabihin na alam nya si Kristo kung sa buhay niya ay wala pa ring
pagbabago.
Hindi pwedeng simba ng simba pero pag-uwi pangit
pa din ang ugali. Hindi pwedeng dasal ng dasal pero pangit pa rin ang
asal. Hindi pwedeng sermon ng sermon pero ang mga tao ay ikinakahon.
Kaya nga kilalanin si Kristo at ilagay sa puso ang pagbabago.
At kung gusto mong gumanda at gumwapo…i-like mo na ang article na ito! (hwag mahiya…)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento