Linggo, Setyembre 22, 2013

Sa Ilalim ng Bato

Sa Ilalim ng Bato
(Lk. 16: 1-13)

Paano mo hinaharap ang mga pagsubok sa buhay?

May isang kwento tungkol sa isang kaharian. Gustong subukin ng hari ang mga tao sa kaniyang nasasakupan. Isang araw ay naglagay siya ng isang malaking bato sa gitna ng daan. Sa di kalayuan siya siya ay naghintay ng mga taong magdaraan.

Dumaan ang mga opisyales ng kaharian. Sa kanilang paglapit sa bato sila ay lumihis ng daan. Dumaan din ang ilang mga mayayayaman ngunit lumihis din lang sila ng daan. Dumaan ang mga pari ngunit ganun din ang ginawa. Meron namang isang magsasaka na napadaan na may pasang pasan na mga gulay. Ibinaba niya ang kaniyang mga dala ay sinimulang pagulungin ang bato papunta sa gilid ng daan.

Nang maalis na niya ang bato siya ay nagulat sapagkat sa ilalim pala nito ay may kayamanan na inilagay ang hari. Lumapit ang hari at sinabi sa magsasaka: “ Ang kayamanan na iyan ay para sa iyo sapagkat ikaw lamang ang may katangian na mag-alis ng bato sa gitna ng daan upang ang mga tao ay makadaan ng walang sagabal.”

Sa Mabuting Balita ay merong isang di tapat na katiwala at dahil dito ay nahatulan siya na tanggalin na lamang. Nang malaman niya ito siya ay nag-isip ng pamamaraan kung paano siya mabubuhay. Tinanggap niya ang kaniyang kamalian. Wala siyang sinisi. Kailangan niyang harapin ang parusa sa kanya. Hinangaan siya ng kaniyang panginoon dahil sa pagharap nito sa nagawang kamalian.

Sa panahon ngayon marami ang nakagagawa ng kamalian sa kanilang trabaho ngunit kapag nabuking na ay maraming dahilan. Nariyang sisihin ang iba. Minsan din ay ipapahamak pa ang ibang wala namang kasalanan.

Nitong mga nakaraang lingo ay alam naman natin ang naging pagwaldas sa tinatawag na pork barrel. Sila na pinagkatiwalaan ay hindi tumupad sa sinumpaang paglilingkod sa bayan. Sinira nila ang pagtitiwala ng sambayanan. At marami pa silang palusot na ginagawa para ang lahat ay mapagtakpan.

Ang sabi ni Hesus: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang hindi mapagkakatiwalaan sa maliit ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki.”

Harapin ang kamalian at maging mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay...


Tandaan: Sa ilalim ng malaking bato ay may kayamanang nakatago!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento