Saving Private Ryan
(Lk. 7: 11-17)
“Hwag ka ng umiyak!”
World War II. Apat na magkakapatid na Ryan ang ipinadala sa labanan
upang harapin ang mga Germans. Nasawi sa labanan ang tatlo sa
magkakapatid at isa na lang, si Private First Class James Francis Ryan,
ang nabubuhay ngunit hindi malaman kung saan siya nakikipaglaban.
Nalaman ng isang General sa Washington ang pagpanaw ng tatlong magkakapatid.
Naisip niya ang kalungkutan na mararamdaman ng ina nila sa pagkawala ng
mga anak. Upang mabawasan kahit papaano ang kalungkutan ng ina,
nagbigay ng utos ang General na hanapin si James Ryan upang ibalik sa
kaniyang ina.
Bumuo sila ng grupo upang hanapin si Private
Ryan. Natagpuan nila siya ngunit nasawi naman ang ilan sa mga sundalong
naghanap sa kaniya. Naibalik si Private Ryan sa kaniyang ina na naging
lubos ang kagalakan kahit na nasawi ang kaniyang tatlong anak sa
pakikipaglaban.
“Huwag ka ng umiyak!”
Nakita ni Hesus
ang paglilibing sa isang bangkay. Nag-iisang anak ito ng isang biyuda
kaya nga sobra sobra ang kalungkutan na nadarama ng ina. Wala na siyang
kasama sa buhay. Wala ng tutulong sa kaniya. Wala ng mag-aalaga sa
kaniya lalo na sa kaniyang katandaan.
Alam ito ni Hesus kaya
sinabi niya: “Huwag ka ng umiyak.” Alam ni Hesus ang kapighatian at
sakit ng mawalan ng anak. Binuhay ni Hesus ang anak at ibinalik sa
kaniyang ina.
Sa pagbalik ni Hesus sa anak na yumao sa
kaniyang ina, ibinalik din niya ang pag-asa na meron na muli siyang
makakasama, meron na siyang makakatulong, meron na siyang lakas na
harapin ang bukas sapagkat di na siya mag-iisa. Ibinalik ni Hesus ang
kaniyang pinakamamahal.
May nawala ba sa iyo? Hwag mag-alala…Ibabalik yan ni Hesus!
“Hwag ng umiyak.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento