Ang Alamat ng Nawawalang Baboy
(A Jeepney Reflections)
Nakabalik na ulit ako (miss me?)
Am back with a vengeance…(trans. babawi ako!)
Ilang araw din akong nawala sa sirkulasyon. Umakyat muna ako ng bundok
upang sumamyo ng sariwang hangin. Naging mabunga naman ito.
Sumuko na pala si Napoles kay Pnoy. Bilyong piso pala ang nawawala sa
kaban ng bayan at napupunta sa bulsa ng iilan. Ang masakit pa dito ay kasabwat pa ang mga taong nasa itaas ng lipunan.
Kanina din ay napanood ko sa telebisyon na tila ka-close din ni Napoles
ang isang mataas na miyembro ng Hudikatura. Nagsimula na din ang
imbistigasyon sa Senado pero ang katanungan ng marami ay: Saan hahantong
ang kwento ng nawawalang baboy?
Ang pagnanakaw daw ay hindi
basta na lang nangyayari. Ito ay nagsimula sa maliit. Maaaring noong
bata pa ay kumukupit na sa bulsa ni nanay at ni tatay. Papiso-piso muna.
Nung tumagal ay palaki na ng palaki ang kinukuha. Hanggang sa lugar ng
trabaho ay dinala ang ugaling ito. Hindi na-correct kaya nagkakalyo na
ang pagpili ng tama.
Pero sa lahat ng nangyayaring ito mas malalim na katanungan ay: May pag-asa pa kaya ang Pilipinas?
Marami na ang lumisan sa Pilipinas at pumunta sa bansang may magandang
opurtunidad para sa kanila at sa pamilya. Marami dito ay wala ng balak
bumalik ng Pilipinas. Marami din sa atin dito sa Pinas na naghahangad na
makarating sa ibang bansa upang hanapin ang kanilang magandang
kapalaran. Ito ay mga patunay na tila palubog na talaga ang Pilipinas.
Kanina sa pag-uwi ko ay sumakay ako ng jeep. May dalawang estudyante na
sumakay. Nagbayad sila ng 20pesos. Sinuklian sila ng konduktor. Nung
maiabot sa kanila ang sukli, ibinalik nila ito sa konduktor. Anim na
piso ang naisukli sa kanila. Sabi nila: “Kuya labis ang isinukli nyo.
Anim na piso ang isinukli nyo dapat ay kwatro lang.” Binigyan sila ng
kwatro pesos ng konduktor.
Mabuti pa yung mga bata tapat…
Pero ng makita ko ang ginawa ng mga bata, naisip ko na may pag-asa pa
ang Pilipinas. Hanggat may mga pasahero ng jeep na nag-aabot ng tamang
pasahe sa driver, may pag-asa pa ang Pilipinas. Hanggat may mga pasahero
na handang abutin ang pasahe ng nasa dulong pasahero upang maiabot sa
driver ng hindi binabawasan, may pag-asa pa rin ang Pilipinas.
Gising Pilipinas. Hwag patulog-tulog…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento