Huwebes, Setyembre 19, 2013

Buksan

Buksan
(Lk. 7: 31-35)

Sala sa init sala sa lamig!

Kausapin mo galit. Hwag mong kausapin galit pa rin.

Dalawin mo masama ang loob. Hwag mong dalawin masama pa rin ang loob.

Hwag mong bigyan, masama ang tingin sa iyo. Bigyan mo, masama ka pa rin.

May mga taong ganyan. Yun bang kahit anong gawin mo ay wala pa ring silang kasiyahan. Kahit anong gawin mo ay sablay ka pa rin sa paningin nila. Yun bang wala kang pausuutan. Ito yung mga taong sarado na ang puso at isip. Sarili na lang lagi ang tama. Nakakahon ka na para sa kanila.

Ito rin ang mga taong tinutukoy ni Hesus na hindi tumanggap kay Juan Bautista at hindi rin tumanggap sa kanya. Ayaw nila kay Juan sapagkat di nila matanggap ang panawagan nito ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabagong-buhay. Ayaw nila kay Juan na nag-aayuno at namuhmuhay na walang-wala. Sabi nila ay nasisiraan ng ulo si Juan.

Ayaw din nila kay Hesus. Di nila matanggap na si Hesus ang kanilang hinihintay na pangako ng Diyos dahil nakikisalamuha siya sa mga makasalanan at mga mabababa ng lipunan. Di nila maunawaan na mas kakampihan ng Anak ng Diyos ang mga itinuturing ng lipunan na mga walang alam kesa sa kanila ng dalubhasa sa mga Batas at Propeta.

Ano ba talaga kuya?

Sarado na kase ang puso at isip nila. Ganiyan ang nangyayari kapag di bukas ang sarili. Sabi nga ni Mimo sa kaniyang kantang Buksan: “Basong may tubig lagyan mong muli, aapaw dahil wala ng silid…Pusong may galit di maaring umibig, bulag sa wasto, alipin ng isip…”

Anong dapat gawin? Sabi pa rin ni Mimo: “Buksan ang ‘yong mga mata kahit may luha, mamahalin pa rin kita at tutulungang lumaya…” Kung gustong lumaya dapat maging bukas ang sarili para sa kalooban ng Diyos. Kung gusto mong lumaya yakapin ang pagmamahal ng Diyos.

Di ka na magiging sala sa init at sala sa lamig sapagkat punum-puno ka na ng pag-ibig…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento