Lunes, Setyembre 30, 2013

Reading Lessons

Reading Leasons

Intramurals ng St. Joseph’s College of Quezon City. Nagpunta ako at nanood ng cheer dance competitions. Dahil sa maraming taong nanonood sa gilid na lang ako pumwesto katabi ang mga nagtitinda ng mga libro. Nang matapos ang ilang presentations maraming mga estudyante ang pumunta upang tumingin sa mga books.

Lumapit ang isang bata sa akin na may dalang libro at nagtanong: “Kuya ikaw ba ang nagtitinda dito ng mga books?” Napangiti ako at sinabi sa kaniya na hindi. Itinuro ko yung nagtitinda. Tinanong ng bata yung tindero: “Magkano po itong book?” “P80 pesos” sagot ng lalaki. Itinuro ng bata ang isa pang libro at nagtanong: “Yun po magkano?” “P80 din.” Nagtanong muli ang bata: “Alin po diyan yung libro na tigsa-sampo?

Dahil walang tigsa-sampong pesong libro umalis na lang yung bata at nanood ng cheer dance. Inisip ko na lang mamaya babalik yung bata at kasama na niya ang magulang niya upang magpabili ng libro…

Nakakatuwa yung mga bata. Kabaliktaran ng iniisip ko na tamad na ang mga bata ngayon na magbasa, hindi pala totoo. Gusto nilang magbasa yun nga lamang kulang ang mga oppurtunities. At shempre mahal din ang mga books at kung aasa lamang ang bata sa kaniyang baon upang makalibili ng libro hindi iyon sasapat.

Mahalaga ang magbasa. Ang utak kase natin kapag hindi ginagamit ay “kinakalawang” din. Ang isip natin ay humuhina din kapag hindi ito “ini-exercise.” An gating isip ay “pumupurol” din kapag hindi hinahasa. Ang pagkatuto kase ay hindi lamang sa loob ng silid-aralan. Ang totoo nyan ay ang mga guro ay mga taga-gabay lang natin upang ang mga estudyante ay matuto.

Kung meron man akong gustong maimbento ay yung isang gadget na pwedeng gamitin upang pumasok sa utak natin ang kaalaman. Ito yung machine katulad nung sa pelikulang Matrix. Ilalagay lang ang isang information o kaya ay program sa isang machine at ito na ang magpo-proseso upang malagay sa utak ang anumang gustong matutuhan…Hindi na kailangang mag-enroll sa school (magagalit sa akin sigurado ang mga guro! Ha ha ha).

Pero wild idea lang yan. Upang matuto kailangang mag-aral…kailangang magbasa. Hindi pwedeng yung mga guro ang mag-aral para sa atin. Hindi pwedeng yung mga magulang ang magbasa para sa atin. Kailangan tayo mismo ang magtyaga na mag-aral. Ito ang tunay na paraan para matuto. And it takes time to learn…

So panu yan…basa basa din hindi lamang pag may time!

Biyernes, Setyembre 27, 2013

Titanium

Titanium
(Lk. 16: 19-31)

Ang alamat ng Guro.*

Noong ika-anim na araw, nilikha ng Diyos ang tao.

Noong ika-pitong araw, ang Diyos ay nagpahinga.

Hindi dahil sa napagod siya sa ginawa niya sa nakalipas na anim na araw upang lumikha. Ginawa niya ito upang maghanda sapagkat sa ika-walong araw nilika niya ang unang Guro.

Ang Guro na ito kahit na mula sa mga nilikhang tao ay kakaiba. Nilikha ng Diyos ang Guro na matatag kesa sa ibang tao. Nilikha siya upang gumising ng maaga at matulog ng gabing-gabi na. At di siya nagpapahinga na mga oras na yun.

Ang Guro ay nilikha upang makaya na makatagal sa loob ng silid-aralan sa loob ng mahigit anim na oras kasama ang mahigit limampung “halimaw.” Nilikha siya upang makaya niyang basahin at ituwid ang daan daang mga exams.

Nilikha niya ang Guro na malakas…ngunit malumanay din. Ang kaniyang mga kamay ay malumanay upang pahirin ang luha ng mga na iniiwan at nalulungkot na mag-aaral.

Ang Guro din ay biniyayaan ng sobra sobrang pagpapasensya. Inuunawa niya ang kakulitan ng mga estudyante na hindi nakikinig sa kaniyang itinuturo, sa mga estudyante na sabay sabay na magsalita kaya naman ang ingay nila ay abot hanggang sa opisina ng principal.

Ang Guro din ay biniyayaan ng pagiging matyaga sa paghihintay. Paghihintay sa pagdating ng mga bagoong school supply at sa paghihintay ng kanilang salary kahit na nga lampas na ang 15 at 30 sa kalendaryo.

Nilikha ng Diyos ang Guro na mas malaki ang puso kesa sa ibang tao. Sapagkat ang puso ng Guro ay kailangang mas malaki upang mahalin ang mga batang pasaway, mga batang sigaw ng sigaw, mga estudyanteng tila hindi nakaranas ng pagmamahal sa buhay. Puso na handang magmahal kahit na nga di pinasasalamatan!

At biniyayaan din ng Diyos ang Guro ng pag-asa. Pag-asa na balang araw ang mga estudyante ay matututo na bumasa at sumulat, matuto na mahalin ang pag-aaral at matuto sa buhay. Pag-asa na sana ay byernes na, na sana madagdagan ang kanilang salary at bonus.

Ng matapos likhain ng Diyos ang Guro, pinagmasdan niya at hinangaan ang kaniyang Gurong nilikha. At nakita ng Diyos na ang Guro ay Mabuti. Nakita niya na ang Guro ay Maganda.

Napangiti ang Diyos sa kaniyang pagsulyap sa Guro sapagkat nakita niya ang bukas. Ang kinabukasan ay nakasalalay sa kamay ng mga Guro.

At dahil mahal na mahal niya ang mga Guro, noong ika siyam na araw nilikha niya ang TEACHERS Day!

Ngayong Teachers Day alalahanin natin an gating mga naging guro. Marahil yung iba ay nasa dapithapon na ng kanilang buhay. Marahil yung iba ay nasa banig na ng karamdaman. Hindi na nila marahil tayo natatandaan. Malabo na marahil ang kanilang paningin. Mahina na marahil ang kanilang pandinig. Pasalamatan natin sila. Ating dalawin at bigyan ng mumunting regalo. Kung wala sila wala din tayo…Salamat sa Guro ng buhay ko!

*Ito ay translated at editedversion mula sa isang post sa internet.

San Lorenzo Ruiz

San Lorenzo Ruiz

Taong 1636, isang Pilipino ang sumama sa mga paring Dominikano papuntang Japan. Sa pagdating nila doon, hinuli sila at ikinulong. Pinahirapan din sila upang itakwil ang kanilang pananampalataya. Hindi niya itinakwil ang pagiging katoliko.

Sinabi niya: "Isa akong Katoliko at buong-pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung ako man ay may isanlibong buhay, lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kanya." Namatay siya na pinanghahawakan ang pananampalataya kay Kristo.

Yan si San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipino na naideklarang santo.

Ngayong ginugunita natin ang ating Patron, alalahanin natin ang kaniyang pinanghawakang pananalig kay Hesus. Tularan natin siya.

Ang pananampalataya ay hindi lamang isang pribadong bagay. Ito rin dapat ay ibinabahagi. Sabi nga ni Cardinal Rosales: “Kahit saan nandoon ang mga Pilipino, ang katapatan sa Diyos ay dala-dala ng Pinoy.”

San Lorenzo Ruiz, Ipanalangin mo kami!

Huwebes, Setyembre 26, 2013

Likaw ng Bituka

Likaw ng Bituka
(Lk. 9: 18-22)

“Alam ko na ang likaw ng bituka mo.” Yan ang sinasabi natin sa isang tao na lubos na ang pagkakilala natin. Kapag naging kaibigan natin isang tao doon lumalalim ang pagkakilala natin. Hindi ito basta basta nangyayari. Kinakailangan ng mahabang panahon. Sa bawat sitwasyon na ating pinagdadaanan doon lumalalim ang pagkakilala sa isa’t isa. Ganito din sa Mabuting Balita.

Nakakatuwa itong si Pedro. TalaGang napakabibo. Noong nagtanong si Hesus kung sino siya para sa mga alagad, sumagot agad si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” Sabi ng ibang tao si Hesus daw ay si Juan,si Elias o kaya isang propeta na nabuhay noong una. Paano kaya nangyari na nasambit ni Pedro ang kasagutan na iyon samantalang iba naman ang naging sagot ng ibang tao?

Ang dahilan ay sapagkat nakasama ni Pedro si Hesus. Naging kasama niya sa paglalakbay. Naging kasama niya sa pagtuturo. Naging kasama niya sa hapag-kainan at mga inuman. Naging kasama sa puyatan. Naging kasama niya sa pagdarasaL.

SA kanilang pagsasama marahil ay marami silang napagkwentuhan. Si Pedro ay maraming nalaman tungkol kay Hesus. Marami siyang nakita kay Hesus. Nakita ni Pedro kung paano magalit si Hesus sa mga taong mapagbalatkayo at ginagamit ang templo para sa personal na pagyaman.

Nakita rin niya kung gaano kamahal ni Hesus ang mga nasa laylayan ng lipunan. Naranasan niya kung paanong pinakain ni Hesus ang mga libu-libong tao. Nakita ng kaniyang mga mata kung paanong pinagagaling ni Hesus ang mga may karamdaman. At dahil dito lumalim din ang pagkakilala niya kay Hesus.

Yun pala ang dahilan. Yung mga tao na nagsabing si Hesus ay si Juan, Elias, o kaya Isang propeta ay mababaw ang pagkakilala kay Hesus. Hindi kase nila nakasama si Hesus. Hindi nila naging kalakbay. Hindi nila naging kaibigan si Hesus.

Samantalang si Pedro halos alam na niya ang “likaw ng bituka” ni Hesus. Nagbigay si Pedro ng mahabang oras upang makalakbay si Hesus. Naging kaibigan niya si Hesus.

Yun din ang hamon sa atin. Kung gusto nating lubos na makilala si Hesus, maglaan tayo ng panahon sa kanya. Magsimba tayo. Magbasa ng Bibliya. Magtanong sa nakakaalam tungkol sa pananampalataya. Sumali sa gawaing pansimbahan. Kaibiganin natin si Hesus.

Sa pamamagitan nito, ang ating pananampalataya ay hindi na lamang pananampalataya natin sa paniniwala ng mga lideR ng Simbahan o kaya ay ng mga unang Kristiyano ngunit inaari nating atin talagang pananampalataya sapagkat personal nating kilala si Hesus at ito ay nasasalamin sa buhay. Yun ang tunay na pananampalataya.

Ikaw, alam mo ba ang likaw ng bituka ni Hesus?

Multo ng Buhay Mo

Multo ng Buhay Mo
(Lk. 9: 7-9)

Takot tayo sa multo. Tinatakbuhan nating yung mga lugar at pagkakataon na may nagsabi na may kakaibang nangyayari dito na hindi maipaliwanag. Lumalayo tayo sa mga nakakatakot na lugar. Para sa atin mas maganda na na umiwas kesa mabiktima ng isang nakakatakot na karanasan.

Pero sa buhay ay maraming multo na mahirap takasan. Nariyan yung mga kamaliaan noong nakaraan na hanggang ngayon ay pilit nating kinakalimutan ngunit patuloy pa ring bumabalik sa ating kamalayan. Nariyan ang mga desisyon sa buhay na nakasakit tayo ng ating kapwa at tayo din ay nasaktan. Ayaw na nating balikan pa ito ngunit patuloy pa rin tayong naaapektuhan.

May mga isyu rin tayong gustong solusyunan sa pamamagitan ng paglayo ngunit di natin alam na dala dala pala natin na parang anino ang mga isyu sa ating buhay. Nariyan ang mga kalungkutan at kapighatian na ayaw na nating maranasan kaya naman naglilibang tayo sa maraming bagay ngunit pagbalik natin sa normal na buhay ay malalaman natin na nandun pa rin ang paghahanap natin ng kaligayahan.

Si Herodes ay minumulto ng kanyang nakaraan. Ipinapatay niya si Juan at alam niyang ito ay malaking pagkakamali. Kaya nga nung dumating si Hesus siya ay litung-lito. Gusto niyang makilala si Hesus at matantya niya kung ano ang kinalaman nito kay Juan. Pero sa ilalim nito ay gusto niyang patunayan na hindi nabuhay si Juan na kaniyang pinapatay. Ayaw kase niyang harapin ang kaniyang pagkakamali. Hindi siya nagsisi sa nagawa niya.

Ganito rin ang nangyayari sa atin kapag hindi natin hinaharap ang ating nakaraan. Kapag hindi natin natanggap ang mga pangyayari sa nakaraan, maganda man ito o nakasusuklam, patuloy pa rin tayong mumultuhin ng mga bagay na ito. Dadalhin natin ito kahit saan at hindi natin ito matatakasan at makakalimutan.

Ano ang dapat gawin?

Harapin ang nakaraan. Tanggapin ang mga pagkukulang. Aminin sa sarili na nagkamali. Matuto na humingi ng kapatawaran. At hwag ding kalimutan na bigyan ang sarili ng kapatawaran.

Hindi ka na mabubuhay sa nakaraan sapagkat natuto ka ng harapin ang multo ng iyong buhay!

The Eleventh Insight

The Eleventh Insight

Sometimes a special person comes into your life in a time you do not expect. When that person comes, your life turns upside down. You begin to change the way you look at things. You change the way you understand life. You change the way you know yourself. And your world becomes so different, different that you could feel that all the stars aligned and brought together just for you. Everything seems to be perfect for you. And you become so beautiful. You become so sure about life.

When that person comes you are suddenly become vulnerable by choice. You opted to lay down you’re your walls. You chose to give up your defenses. You show everything you have. Even your insecurities begin to show. There are no secrets, only pure faith. You entrust the whole of you. You believe that the person who promises to be with you all the time will catch you when you fall. And that person did.

That person has the shoulder for you to lean on is always available. Ran for you when you call. Defended you when you are in trouble. Affirm you when you find it hard to see the good in you. Cheer you up when you feel down. Encourage you to hold on when your situation appears difficult and you want to go away. Make you appreciate even small things. Make your day with a simple smile. That person who is always there for you in tears, joys, happiness…You wish this could never end.

But then you suddenly wake up to the realization that everything changes. You do not have the power to stop it. You could only look at the way things are happening and that person slowly getting away. You wanted to hold that person to no avail. You realize you do not have the power to control the other person. You came back to the real world. You realize that this is an imperfect world.

An angel broke your heart. You can only fall down to your knees and beg God not to let it happen. You wish father time flies back so you can fix the things necessary to go on. You feel suddenly lost. You feel betrayed. You want the world to stop for you. You want to shout to all people to stop their life and look at you. Tears flow. Energy lost. You become weak and helpless. Sleep. Rest.

But the sun rises. Another new day. You tell yourself enough! Enough of being “emotera/o.” You realize that life is good and God is great. That the difficult and trying part of life is ended. You begin to accept that some good things in this life have an end. You chose to be happy.

You learn to forgive the person who hurt you. You still love the person. You still wait for the person to come back. But you learned. What you are sure is that the person became part of your life and that will never change. You still treasure every single moment you are with that person. You still treasure the person. And you love the person that’s why you allowed the person to make a choice.

You learn that life is also about taking risk. You risk nothing, you gain nothing. Nope, you are not a loser. You are still a winner. You learned about life and that is what is more important. You learned to forgive, to accept, to trust and to hold on to love. You are most thankful for everything that happened. You are not only living. You are alive! You are love!

*risk on God and you are a sure winner…big time!

Lunes, Setyembre 23, 2013

Kwentong Baboy

Kwentong Baboy
(Lk. 8: 19-21)

May isang kwento tungkol sa isang abogado na umuwi ng probinsya. Sakay ng kanyang kotse siya ay naglakbay. Malapit na siya sa kanilang bayan ng biglang nagkatrapik sa daan. Maraming mga sasakyan ang di makadaan. Tinanong niya yung isang taong malapit sa kaniya kung anong nangyayari. Sinabi nito na may naaksidente sa may unahan ng kalsada at pinagkakaguluhan ng mga tao kaya matrapik.

Bumaba ng sasakyan ang abogado at pumunta sa pinangyarihan ng aksidente. Di siya makalapit sapagkat maraming tao kaya umisip siya ng paraan para makita niya ang naaksidente. Bigla siyang sumigaw ng: “Paraanin nyo ako, kamag-anak ko ang naaksidente.”

Lumingon ang mga tao sa kaniya at binigyan siya ng daan. Paglapit niya nagulat siya sapagkat ang naaksidente ay isang baboy…

Sa totoong buhay maraming ganyan. Yun bang ginagamit ang titulo para malamangan ang iba at sila ay mangibabaw. Yun bang mga taong ang tingin sa sarili ay napakataas. Yun bang mga taong gusto lagi ay nauuna…

Ganyan din ang marami sa mga Hudyo noong panahon ni Hesus. Iniisip nila na dahil sila ay mula sa lahi ni Abraham at sila ang piniling bayan ng Diyos ay sila na ang nangunguna sa mata ng Diyos. Binali ni Hesus ang kaisipang ito.

Sabi niya: “Ang mga nakikinig ng Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”

Yun pala… Sa kultura nila mahalaga ang relasyon ng dugo. Totoo sa kanila ang kasabihan na: “Blood is thicker than water.” Itinuturo ni Hesus na meron pa palang mas malapit na relasyon maliban sa relasyon ng magkadugo. Ito ang pagkakaroon ng isang puso at isp sa Diyos. Ito yung pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang batayan ng pagiging ina at kapatid ni Hesus.

Maging mapagpakumbaba. Sundin ang kalooban ng Diyos. Diyan ka mapapalapit kay Hesus…

Hwag maging kamag-anak ng baboy!

Linggo, Setyembre 22, 2013

Shine Bright Like a Diamond

Shine Bright Like A Diamond
(Lk. 8: 16-18)

Ang sasakyan pag di ginamit ay kinalawang at mas madaling masira.

Ang utak kapag di ginagamit ay pumupurol din;

Ang paa kapag matagal na di ginagamit ay hindi na makalalakad pa;

Ang mata kapag laging nasa dilim kapag napunta sa liwanag ay masisilaw;

Ang ganda ng boses kapag di ginamit ay tumitimbalag at nawawala din sa tono;

Ang makina kapag di ginagamit ay kinakalawang…

Sabi ni Hesus: “…bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman, kahit na ang akala niyang kanya, ay aagawin sa kanya.”

Ganun pala… Pag di ginagamit ay nasasayang lang. Ang mga biyayang galing sa Diyos ay dapat na ginagamit para sa kabutihan sapagkat kapag ito ay di ginagamit ay nawawalan ng kabuluhan ang pagiging biyaya.

Kaya nga maganda na alamin ang sa sarili ang mga magagandang bagay at katangian. Hwag mainggit sa kagalingan ng iba. Marami ka ding magagandang biyaya na matatagpuan sa sarili. Ito ang iyong magiging puhunan para makarating sa makalangit na kaharian.

Sabi nga ni Rihanna: “We’re beautiful like diamonds in the sky…”

Mag-Isip Ka Din...

Mag-Isip Ka Din…
(Lk. 16: 10-13)

Dinalaw namin minsan yung kaibigan naming. Mahaba ang pinagkwentuhan naming hanggang sa mapadako ang usapan tungkol sa relihiyon. Sabi niya siya ay Katoliko pero hindi nagsisimba. Tinanong naming siya kung bakit di siya nagsisimba. Sumagot siya:

“Pag nagsimba ka ay magdarasal ka at ipipikit mo pa ang iyong mata,
Pero pagmulat mo… wala na ang iyong bag na dala-dala;
Praising praising ka, Taas ang kamay, alleluia, alleluia…
Pero paglabas mo ng simbahan…wala na ang iyong pitaka,
Kaya dapat pag magsisimba ka,
Ang iyong kamay ay laging nasa bulsa para di ka mawalan ng pera,
Kaya di na lang ako nagsisimba.”

Bakit nga kaya may mga tao na ginagamit ang kanilang galing at kakayahan para sa panlalamang ng iba?

Marami ang matalino ngunit ginagamit ang katalinuhan para yumaman sa ilegal na pamamaraan.

Marami ang malalakas ang katawan pero ginagamit ito para takutin ang iba at magkaroon siya ng kapangyarihan.

Marami ang magaling magsalita ngunit ginagamit ito upang ang ibang tao ay maligaw at mapaniwala sa masama.

Marami din ang mga gwapo at magaganda ngunit ginagamit ito para paglaruan ang puso ng iba. (ehemmm…)

Sabi ni Hesus: “ Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapakakatiwalaan din sa malaking bagay, at ang hindi mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki.”

Tayong lahat ay katiwala kaya gamitin natin ang mga biyaya ng kakayahan at kagalingan para sa buhay na walang hanggan…

Sa Ilalim ng Bato

Sa Ilalim ng Bato
(Lk. 16: 1-13)

Paano mo hinaharap ang mga pagsubok sa buhay?

May isang kwento tungkol sa isang kaharian. Gustong subukin ng hari ang mga tao sa kaniyang nasasakupan. Isang araw ay naglagay siya ng isang malaking bato sa gitna ng daan. Sa di kalayuan siya siya ay naghintay ng mga taong magdaraan.

Dumaan ang mga opisyales ng kaharian. Sa kanilang paglapit sa bato sila ay lumihis ng daan. Dumaan din ang ilang mga mayayayaman ngunit lumihis din lang sila ng daan. Dumaan ang mga pari ngunit ganun din ang ginawa. Meron namang isang magsasaka na napadaan na may pasang pasan na mga gulay. Ibinaba niya ang kaniyang mga dala ay sinimulang pagulungin ang bato papunta sa gilid ng daan.

Nang maalis na niya ang bato siya ay nagulat sapagkat sa ilalim pala nito ay may kayamanan na inilagay ang hari. Lumapit ang hari at sinabi sa magsasaka: “ Ang kayamanan na iyan ay para sa iyo sapagkat ikaw lamang ang may katangian na mag-alis ng bato sa gitna ng daan upang ang mga tao ay makadaan ng walang sagabal.”

Sa Mabuting Balita ay merong isang di tapat na katiwala at dahil dito ay nahatulan siya na tanggalin na lamang. Nang malaman niya ito siya ay nag-isip ng pamamaraan kung paano siya mabubuhay. Tinanggap niya ang kaniyang kamalian. Wala siyang sinisi. Kailangan niyang harapin ang parusa sa kanya. Hinangaan siya ng kaniyang panginoon dahil sa pagharap nito sa nagawang kamalian.

Sa panahon ngayon marami ang nakagagawa ng kamalian sa kanilang trabaho ngunit kapag nabuking na ay maraming dahilan. Nariyang sisihin ang iba. Minsan din ay ipapahamak pa ang ibang wala namang kasalanan.

Nitong mga nakaraang lingo ay alam naman natin ang naging pagwaldas sa tinatawag na pork barrel. Sila na pinagkatiwalaan ay hindi tumupad sa sinumpaang paglilingkod sa bayan. Sinira nila ang pagtitiwala ng sambayanan. At marami pa silang palusot na ginagawa para ang lahat ay mapagtakpan.

Ang sabi ni Hesus: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang hindi mapagkakatiwalaan sa maliit ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki.”

Harapin ang kamalian at maging mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay...


Tandaan: Sa ilalim ng malaking bato ay may kayamanang nakatago!

Hwag Paupo-Upo

Hwag Paupo-Upo
(Mt. 9: 9-13)

Kuntento ka na ba sa buhay mo? Masaya ka na ba sa nangyayari sa buhay mo ngayon?

Si Mateo ay kuntento na sa kanyang buhay. Isa siyang maniningil ng Buwis. Malaki ang kaniyang perang kinikita. May kapangyarihan pa siya. Kaya niyang diktahan kung magkano ang ibabayad na buwis ng isang tao. Kaya niyang taasan o kaya ay bawasan kung makikipagtulungan ang magbabayad ng buwis.

Isang simbolo na si Mateo ay kuntento na sa buhay ay ang kaniyang pagkakaupo. Ito ay simbolo na tumigil sa isang lugar o kaya naman ay tumigil sa buhay. Ito yung pakiramdam na narating na ang lahat ng pangarap sa buhay. Yun bang tila wala ng hahanapin pa. Na lubos na ang kasiyahan sapagkat meron ng kasiguraduhan.

PEro dumating si Hesus. Mula sa pagkakaupo siya ay tinwag ni Hesus na sumunod. Tumayo si Mateo at sumunod kay Hesus. Ang pagtayo ay isang simbolo ng paggalaw at pagbabago. Dun na bumaliktad ang kaniyang buhay. Doon na nagulo ang kaniyang tahimik na buhay.

Ang isang maniningil ng buwis na mayaman at makapangyarihan…inutusan ng isang karpentero, ng isang nasa laylayan ng lipunan? Unbelievable!

Pero si HesuS ang tumawag. Doon napagtanto ni Mateo kung gaano siya karukha sa paningin ng Diyos. Mayaman man siya sa karangyaan ng buhay, pulubi naman siya sa Kaharian ng Diyos. Makapangyarihan man siya sa lipunan, belewala naman ito sa makalangit na Kaharian.

Noong 1972 hanggang 1981 ay ideneklara ang Pilipinas na mapailalim sa Martial law. Ang mga karapatan ng mga tao ay sisuspinde. Marami ang walang katarungang hinuli, ikinulong, nakaranas ng turure, marami ang walang awang pinatay at marami din ang bigla na lang nawala at hanggang ngayon ay di pa malaman kung anong nangyari sa kanila.

Salamat na lang at maraming taong hindi na lamang umupo at pinanood ang nangyayari. Marami ang tumayo at nakipaglaban upang maibalik ang demokrasya at maibigay muli ang inagaw na karapatan. Marami sa kanila ay maayos ang buhay ngunit pinili na magsakripisyo at makipaglaban. Ang iba pa nga ay nagbuwis ng buhay. Sila ay mga tunay na bayani ng lipunan. Never again to martial Law!

Kuntento ka na ba sa buhay mo? Hwag ng magpa-upo-upo. Tumayo Tayo at sumunod kay Kristo…

Huwebes, Setyembre 19, 2013

In Memory of Her

In Memory of Her
(Lk. 8: 1-30

Sa mga simbahan lagi tayong makakakita ng manang na naglilingkod. Sila yung mga kababaihan na hindi na natin matandaan kung kailan sila naging laman ng simbahan. Sila din yung mga babaeng laging nandyan kahit na magpalit ng pari. Kahit anong ugali ng pari, kahit na ilang ulit silang paiyakin at pahirapan, sila ay makikita mo pa rin sa loob ng simbahan na tahimik na naglilingkod. Wala na yatang makapipigil sa kanila kaya nga sila ay naging mukha na ng simbahan…Yun bang tila hindi kumpleto ang kulay ng simbahan kung sila ay walang puwang.

Maaaring sila ay nasa choir kaya nga ng boses niya at tila naging opisyal na boses na ng mga misa. Sila din ay mga Lectors and Commentators na dahil sa katagalan nila sa paglilingkod ay tila hindi kumpleto ang pagdiriwang pag wala sila. Sila din yung mga Collectors na kahit na yata nakapikit ay alam na alam na nila ang kanilang tungkulin. Sila din yung mga ushers na pag may misa ay gumagabay sa mga nagsisimba.

At kung titingnan mo ang nasa loob ng simbahan habang nagmimisa, karamihan diyan ay mga kababaihan. Ano kaya ang mukha ng Simbahan kung wala ang mga kababaihan?

Nakakatuwa sapagkat sa Mabuting Balita ay nabanggit ang mga kababaihan na kasama ni Hesus sa kanyang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Sila sina Maria Magdalena, Juana, at Susana. Hindi man natala dito ang kanilang mga ginagawa alam naman natin na sa likod ng mga gawain ni Hesus at ng mga alagad, hindi mawawala ang mga kababaihan. Hindi man sila naging sikat pero kaligayahan na nila na makatulong kay Hesus.

Sabi ni Pope Francis: "Women in the Church have had and have a special role in opening the doors to the Lord, in following him, in communicating his message."

Malaki talaga ang papel ng mga kababaihan sa Simbahan. Kaya nga sa tuwing pupunta tayo sa simbahan, hwag kalimutan na sila ay pasalamatan.

At lagi nating tandaan, ang Simbahan ay di lamang para sa mga kalalakihan…Ang mga kababaihan ay meron laging mahalagang ginagampanan sa paglago ng Simbahan…

Buksan

Buksan
(Lk. 7: 31-35)

Sala sa init sala sa lamig!

Kausapin mo galit. Hwag mong kausapin galit pa rin.

Dalawin mo masama ang loob. Hwag mong dalawin masama pa rin ang loob.

Hwag mong bigyan, masama ang tingin sa iyo. Bigyan mo, masama ka pa rin.

May mga taong ganyan. Yun bang kahit anong gawin mo ay wala pa ring silang kasiyahan. Kahit anong gawin mo ay sablay ka pa rin sa paningin nila. Yun bang wala kang pausuutan. Ito yung mga taong sarado na ang puso at isip. Sarili na lang lagi ang tama. Nakakahon ka na para sa kanila.

Ito rin ang mga taong tinutukoy ni Hesus na hindi tumanggap kay Juan Bautista at hindi rin tumanggap sa kanya. Ayaw nila kay Juan sapagkat di nila matanggap ang panawagan nito ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabagong-buhay. Ayaw nila kay Juan na nag-aayuno at namuhmuhay na walang-wala. Sabi nila ay nasisiraan ng ulo si Juan.

Ayaw din nila kay Hesus. Di nila matanggap na si Hesus ang kanilang hinihintay na pangako ng Diyos dahil nakikisalamuha siya sa mga makasalanan at mga mabababa ng lipunan. Di nila maunawaan na mas kakampihan ng Anak ng Diyos ang mga itinuturing ng lipunan na mga walang alam kesa sa kanila ng dalubhasa sa mga Batas at Propeta.

Ano ba talaga kuya?

Sarado na kase ang puso at isip nila. Ganiyan ang nangyayari kapag di bukas ang sarili. Sabi nga ni Mimo sa kaniyang kantang Buksan: “Basong may tubig lagyan mong muli, aapaw dahil wala ng silid…Pusong may galit di maaring umibig, bulag sa wasto, alipin ng isip…”

Anong dapat gawin? Sabi pa rin ni Mimo: “Buksan ang ‘yong mga mata kahit may luha, mamahalin pa rin kita at tutulungang lumaya…” Kung gustong lumaya dapat maging bukas ang sarili para sa kalooban ng Diyos. Kung gusto mong lumaya yakapin ang pagmamahal ng Diyos.

Di ka na magiging sala sa init at sala sa lamig sapagkat punum-puno ka na ng pag-ibig…

Lunes, Setyembre 16, 2013

Saving Private Ryan

Saving Private Ryan
(Lk. 7: 11-17)

“Hwag ka ng umiyak!”

World War II. Apat na magkakapatid na Ryan ang ipinadala sa labanan upang harapin ang mga Germans. Nasawi sa labanan ang tatlo sa magkakapatid at isa na lang, si Private First Class James Francis Ryan, ang nabubuhay ngunit hindi malaman kung saan siya nakikipaglaban.

Nalaman ng isang General sa Washington ang pagpanaw ng tatlong magkakapatid. Naisip niya ang kalungkutan na mararamdaman ng ina nila sa pagkawala ng mga anak. Upang mabawasan kahit papaano ang kalungkutan ng ina, nagbigay ng utos ang General na hanapin si James Ryan upang ibalik sa kaniyang ina.

Bumuo sila ng grupo upang hanapin si Private Ryan. Natagpuan nila siya ngunit nasawi naman ang ilan sa mga sundalong naghanap sa kaniya. Naibalik si Private Ryan sa kaniyang ina na naging lubos ang kagalakan kahit na nasawi ang kaniyang tatlong anak sa pakikipaglaban.

“Huwag ka ng umiyak!”

Nakita ni Hesus ang paglilibing sa isang bangkay. Nag-iisang anak ito ng isang biyuda kaya nga sobra sobra ang kalungkutan na nadarama ng ina. Wala na siyang kasama sa buhay. Wala ng tutulong sa kaniya. Wala ng mag-aalaga sa kaniya lalo na sa kaniyang katandaan.

Alam ito ni Hesus kaya sinabi niya: “Huwag ka ng umiyak.” Alam ni Hesus ang kapighatian at sakit ng mawalan ng anak. Binuhay ni Hesus ang anak at ibinalik sa kaniyang ina.

Sa pagbalik ni Hesus sa anak na yumao sa kaniyang ina, ibinalik din niya ang pag-asa na meron na muli siyang makakasama, meron na siyang makakatulong, meron na siyang lakas na harapin ang bukas sapagkat di na siya mag-iisa. Ibinalik ni Hesus ang kaniyang pinakamamahal.

May nawala ba sa iyo? Hwag mag-alala…Ibabalik yan ni Hesus!

“Hwag ng umiyak.”

Linggo, Setyembre 15, 2013

Pusong Butas

Pusong Butas
(Lk. 7: 1-10)

Sa college seminary pa kami noon. Isang seminarista ang sumama ang pakiramdam at nahirapang huminga. Pumunta siya sa ospital upang magpasuri. Sabi ng doktor ay may butas daw ang kanyang puso. Nag-iyakan na sila. Pati ang rektor ng seminary ay napaiyak din. Isinama na sa intension sa misa ang paggaling ng kanyang may butas na puso.

Sinundo ang seminarista ng kaniyang mga magulang, Pumunta sila sa Maynila at humingi ng second opinion sa sakit kung totoong may butas ang puso ng kanilang anak. Nalaman sa mga pagsusuri na walang butas ang kaniyang puso. May hika lamang siya kaya nahihirapan siyang huminga…

Mahirap ang maysakit. Kaya nga ang mga nagmamahal sa maysakit ay nananalangin na sana ay gumaling. Kahit na nga sa mga misa ay isinasama sa mga intension na magkaroon ng kagalingan.

Sa Mabuting Balita din nakita natin ang “concern” niya para sa kaniyang alipin na maysakit. Sabi niya: “Hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita po lamang kayo at gagaling na ang aking alipin.”

Hindi lamang ang kaniyang pagmamalasakit ang kaniyang ipinakita, nandun rin ang pagtitiwala kay Hesus. Kahit na nga si Hesus ay humanga sa kaniya. Ito ang naging daan upang gumaling ang kaniyang alipin.

Magmalasakit tayo sa ibang nangangailangan at kumapit tayo kay Hesus upang magkaroon ng kagalingan sa anumang karamdaman…

*I created a facebook page Anaknimaria for the reflections and sharings. Kindly like and promote the page. Starting next month this account meanwhile will be for personal use and advocasy...

Anak

Anak
(Lk. 15: 1-10)

Naalala nyo pa ba ang awit ni Freddie Aguilar na Anak. Pero hindi lamang iyan awit. Yan din ay kwento ng buhay niya. Hindi ipinagpatuloY ni Freddie ang kanyang pag-aaral. Gusto ng ama niya na siya ay maging abogado pero siya ay naglayas at lumayo sa pamilya. SA kaniyang paglayo ay naligaw siya ng landas.

Matapos ang limang taon ng paglalagalag, inamin niya ang pagkakamali at sinulat ang kantang ito. Bumalik siya sa kanilang tahanan at tinanggap naman siya ng kaniyang pamilya. Ipinakita niya ang kanta sa kanyang ama at naging malapit na sila sa isa’t-isa. Ang kantang ito ay ang kwento ng pagsisisi at muling pagbalik sa yakap ng kanyang ama.

Ang awit ding ito ay kwento ng buhay ng bawat isa sa atin…

Ang DiYos ay isang Diyos na mapagmahal. Hindi lamang siya naghihintay sa pagbabalik ng nawawalang mga nilikha niya. Siya pa mismo ang naghahanap sa mga nagkakasala sa kaniya. Ito ang nais ituro ni Hesus sa pamamagitan ng dalawang talinghaga.

Iiwan ng Diyos ang 99 na na tupa upang hanapin ang isang nawawala. Ang Diyos din ang babae na naghanap ng kaniyang nawawalang salapi. Sa dalawang talinghagang ito, kasiyahan ang nadama noong makita ang nawawala.

Ang bawat isa pala sa atin ay mahalaga sa Diyos. Ang “value” ng bawat isa ay walang katumbas sapagkat itinuturing ng Diyos na kanya ang lahat. At hindi rin nakakalimot ang Diyos. Ang sabi nga sa Salmo ay: “Hindi kita malilimUtan, Nakaukit magpakailanman sa aking palad ang iyong pangalan.”

Hindi nawawala ang Diyos. Tayo ang nawawala sa tuwing tayo ay nagkakasala. Laging nandiyan ang Diyos. Ang totoo niyan ay sa tuwing tayo ay nagkakasala tayo mismo ang lumalayo at umiiwas sa Diyos. Hindi na nga natin siya sinusunod ay tinataguan pa natin siya.

Hwag ng magtago. Hinahanap tayo ng Diyos hindi upang parusahan kundi upang ibalik sa kanyang tahanan. Kapag tayo ay nagiging palaboy dahil sa katigasan ng ating ulo nawawalan din ng kasiguruhan ang ating buhay. Sa tahanan ng Diyos tayo ay ligtas at mapupuno ng kagalakan.

So…tama na ang pakikipag-hide-and-seek natin sa Diyos. Tama na ang ating pagtatago. Hinahanap ka na niya. Papasanin ka niya pabalik sa ugoy ng mga kamay ni Hesus…

Balik na…

Slum Notes

Slum Notes
(Jn. 3: 13-17)

Naalala mo pa ba ang slum notes? Ito yung isang noteBook na sinulatan ng mga tanong na kung saan ito ay sasagutan ng iyong mga kaibigan. At ang isa sa mga tanong na iyon ay: What is love? At iba’t-iba ang mga kasagutan na mababasa dito katulad ng:

Love is like a rosary full of mysteries.
Love is blind.
To lovE is to give…’til it hurts.
(dagdagan nyo na lang…may kilig kilig pa…)

Pero ano nga ba ang tunay na pagmamahal?

Sabi sa Mabuting Balita: “Hindi nga sinugo sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.” Ito pala ang dahilan kaya ipinanganak si Kristo. “For God So loved the world that he gave His only Son.” AT sa pagbibigay na ito ng Anak ng Diyos nariyan ang krus. Hindi nga maihihiwalay ang simbolo ng krus kay Kristo.

Ayon sa mga alamat ang krus ni Kristo ay nadiskubre ni Sta. Elena sa Jerusalem at dahil dito ay nagtayo ng simbahan sa utos na rin ni Emperor Constantine. Nawala ang krus na ito subalit naibalik rin. Naipasok ang krus sa Church of the Holy Sepulchre noong September 14, 335 at dito nag-umpisa ang pagdiriwang ng kapistahan ng Banal na Krus.

Ang krus ay simbolo ng pagmamahal sa tao. Ito ang katunayan ng tunay na pagmamahal. Pero tandaan natin na walang kabuluhan ang krus kung wala dito si Kristo.

Ang pagmamahal ay hindi isang pakiramdam na mabuti. Hindi ito isang damdamin na magaan. Hindi ito isang kasiyahan. Hindi ito makasarili.
Ang tunay na pagmamahal ay ang pag-iisip, paggawa at paghahangad ng kung anong mabuti para sa minamahal. Ang pagmamahal ay pagbibigay…

Next question is: Who is your love?

Selfie Not!

Selfie Not!

Kanina may lumapit na bata upang mangumpisal. Ang problema ay apa siya (di makapagsalita at di rin makarinig). Kaya nagpakuha ako ng papel at ballpen upang sa pagsulat kami magkaintindihan. Ako ang unang sumulat. Tinitigan niya ang sinulat ko at saka tumingin siya sa magulang niya. Sabi nung mga magulang: “Father English po ang naiintindihan niya.” Ayun…buti na lang may baon akong English kanina.

Pero nakakatuwa yung bata. Kahit may kapansanan siya ay jolly pa rin. Tuwang tuwa niya nung matapos ang pangungumpisal. At dahil nakapangumpisal na siya maaari na siyang tumanggap ng komunyon. Matagal nap ala niyang gustong makapag-communiom. Nakaka-touch talaga.

Nung paalis na ako, sinabihan siya ng nanay nya na pasalamatan ako sa pamamagitan ng isang flying kiss (di ko alam kung flying kiss talaga yun o kung ganun lang talaga ang sign language ng thank you…he he he).

Magandang tularan yung bata. Kahit na ganun siya ay positive pa rin ang tingin sa buhay!

Kaya nga sa mga nakakaramdam diyan na tila api, na walang pumapansin, na broken-hearted, na nagse-selfie at self-pity, na nalulungkot, na tila nakalimutan na ng Diyos, na parang walang magandang bukas, na walang nagmamahal…be positive!

So cheer up! Maikli lang ang buhay para gugulin pa natin sa mga kalungkutan…

Martes, Setyembre 10, 2013

ANAWIM

ANAWIM
(Lk. 6: 20-26)

Imagine this…
Sa isang baryo ay may nakatirang mayaman at mga mahihirap. Kapag nagkasakit ang mayaman dinadala nila sa hospital ito at ipinapa-check-up sa magagaling na doctor. Pero kapag nagkakasakit ang mga mahihirap, dahil sa kakapusan sa kayamanan, hindi nila madala sa pagamutan ang maysakit upang ipasuri sa doktor at sa halip sa mga albularyo na lang nila dinadala at umaasa na madala sa bulong at tapal tapal ang mga karamdaman.
Pero isang araw ay nagpatayo ng health center ang pamahalaan sa lugar na iyo at may doktor pang dumadalaw at nanggamot ng libre sa mga tao doon. Sino kaya ang higit na matutuwa sa pagbabagong iyon, yung mayaman na kayang magpagamot sa mamahaling ospital  yung mga mahihirap na walang kakayahan na dalhin sa doktor sang kanilang mga maysakit?
Ang “Beatitudes” o “Mapalad” ay HINDI  isang payo o pangaral para sa pagsasabuhay! Sa unang pagtingin tila ito ang nais iparating ni Hesus:  na gusto ni Hesus na maging mahirap tayo; na gusto ng Diyos na naghihirap tayo; na kung gusto nating makarating sa Kaharian ng Diyos ay kailangang maghirap tayo. HINDI ito ang nais iparating ni Hesus.
Ang “Beatitudes ay isang proklamasyon o isang announcement. Upang lubos nating maintindihan ito kailangan nating mas bigyan ng pansin ang pangalawang bahagi ng bawat “Mapalad”:
*sa iyo ang kaharian ng Diyos
*bubusugin kayo
*tatawa kayo
*malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos

Ito pala ang mga dahilan ng pagiging mapalad.

Hindi gusto ni Hesus na may naghihirap. Ayaw niya na may kahit isa na nagugutom. Gusto niya na ang lahat ay maraming biyaya. Ang Kaharian ng Diyos na ipinahayag niya ay ang pangako na ang lahat ay may kagalakan sapagkat wala ng nangangailangan.

Binabago rin nito ang kaisipan at turo na “okei lang na maghirap ka ngayon kase sa kabilang buhay ay mananagana ka naman.” Ang turo ni Hesus ay ngayon pa lang ay maranasan na ang Kaharian ng Diyos. Ito rin ang dahilan kaya itinuro ni Hesus na kailangang magbigay sa mga nangangailangan, magbahagi sa mga naghihirap, tulungan ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Kaya nga kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, masasabi nating isinasabuhay na natin ang Kaharian ng Diyos.

Sa Kaharian ng Diyos wala ng Anawim!


Lunes, Setyembre 9, 2013

Hire Me Please...

Hire Me Please…
(Lk. 6: 12-19)

Kung sa Human Resources Division nagtatrabaho si Hesus siguradong sisante na siya. Sabi nung isang internet site ito daw ang mga kailangang hanapin para sa mga bagong kukunin na aplikante sa kung anuman ang trabaho: Job skills and education; Honesty and integrity; Communication skills; Pride in the job and work ethic; Problem solving skills.

I-apply nga natin ang mga ito sa mga pinili ni Hesus na maging katrabaho niya.

Job skills and education: bagsak sigurado ang mga alagad. Karamihan sa kanila ay mga mangingisda at ito ay hindi naaayon sa pagiging tagapagpalaganap ng Salita ng Diyos. Hindi sila edukado na katulad ng mga Pariseo at mga Eskriba. Wala silang pinag-aralan. Wala silang karanasan at training sa ipapagawa ni Hesus.

Honesty and Integrity: Bagsak din ang ilan sa mga alagad na pinili ni Hesus. Ang isa ay nagkanulo sa kanya at may magkapatid pa na gustong maungusan ang ibang alagad sa paghahangad na maupo sa kanan at kaliwa ni Hesus kapag naging hari na si Hesus. Meron pa ngang maniningil ng buwis na hindi tapat at alam iyon ng mga tao.

Communicaion skills: magagaling man sa kanilang trabaho ang mga alagad pero wala silang karanasan sa pakikisalamuha sa tao lalo na sa mga nakatataas. Wala silang background sa pagsasalita sa harap ng maraming tao at magpaliwanag ng mga Salita ng Diyos.

Pride in the job and Work Ethic: Hindi rin sila papasa. Yun ngang dalawang alagad na isinama nji Hesus sa bundok ay di nakatagal at tinulugan si Hesus habang siya ay nagdarasal. Noong nagkahulihan ay itinatwa nila si Hesus at sila ay tumakas. Iniwan nila sa ere si Hesus.

Problem solving skills: Bagsak din ang mga alagad. Noong gagabi na at maraming tao ang sumunod sa kanila, sinabi ng mga alagad na pauwiin na lang ang mga tao sapagkat walang pagkain sa lugar na iyon. Solving by elimination, ito ang nasa isip nila. Pag wala na yung mga tao wala na din silang problema. Bahala na ang mga tao na mamroblema sa sarili nila.

Kung Human Resources Director si Hesus sigurado sisante na siya. Babagsak ang kumpanya na magha-hire sa kanya…

Pero yan ay kung standard ng mundo ang pag-uusapan!

Marunong si Hesus. Hindi pamantayan ng mundo ang kaniyang ginagamit.
Hindi man perpekto ang kaniyang pinili meron naman silang katangian na hinahanap ni Hesus. Ano kaya yung mga yun?

Kahandaan na tumugon sa pagtawag ni Hesus: Kapos man sa kakayahan ang mga alagad, meron naman silang katapangan na iwan ang lahat para kay Hesus. Wala mang kasiguraduhan ang pagsunod kay Hesus pero sumunod pa rin sila at nagtiwala kay Hesus.

Pagiging bukas upang matuto: Dukha sila pag kaalaman ang pinag-usapan pero handa silang matuto mula kay Hesus. Nagkakamali man sila pero bumabangon at bumabalik pa rin kay Hesus. Salat man sa kaalaman pero mayaman naman sa pagtitiwala.

Totoong kaibigan: Kasama nila si Hesus saan man ito magtungo. Lumalim ang kanilang pagkakilala sa isa’t-isa. Sa iisang hapag sila ay nagsasalu-salo. Hindi sila perpektong kaibigan pero sila ay totoong kaibigan. Dahil dito ay sinusunod nila si Kristo.

Dahil dito si Hesus ang pinakamagaling na HRD. Hindi pamantayan ng mundo ang kanyang basehan pero ang kalooban ng Diyos.

Mag-aaplay ka ba ng trabaho? Alalahanin mo ang mga bagay na ito…Hindi ka man tanggapin sa kumpanya na inaaplayan mo pero tanggap ka naman sa kaharian ni Kristo…

Trabaho na tayo…

Potek

Potek!
(Lk. 6: 6-11)

Hindi makakarating yung dalawang pari na tumutulong sa parokya sa araw ng linggo kaya kami na lang ng parish priest ang kumuha ng schedule nila. Sabi ko kahapon, kailangan kong makapag-reserve ng lakas kaya maaga akong matutulog at iyon nga ang aking ginawa. Nag-set ako ng alarm ng 4:00AM.

Nagising ako sa isang boses na nagsasalita sa microphone. Balikwas agad ako kase kala ko boses galing sa commentator at magsisimula na ang misa. Nagtaka ako kung bakit hindi nag-alarm. Doon ko nakita…1:OOAM pa lang pala. Ang boses na aking napakinggan ay mula sa plasa sapagkat may program sila. Buti na lang hindi agad ako naligo…

Nahirapan na akong makatulog. Alas-kwatro na ng umaga natapos ang program. Hindi lang sila ang puyat, pati ako puyat din. At umaga pa lang ay umatake na agad ang acid sa tiyan ko. Uminom ako ng tubig na akin ding isinuka. Kaya hayun, groggy maghapon…Wala lang ibang gagawa kaya napilitan.

Potek talaga!

Pero teka…si Hesus kaya, ganito rin kaya?

Si Hesus napalaban na naman sa mga kontrabidang Pariseo. Inabangan siya kung magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga para may maiparatang sila sapagkat ipinagbabawal iyon ng batas. Alam yun ni Hesus. Pero pinagaling pa rin ni Hesus ang maysakit. Para sa kanya ang pinakamahalaga ay ang gumawa ng kabutihan para sa iba. Ito ang esensya ng batas.

Para kay Hesus hindi dahilan na may mga kontrabida para tumigil sa paggawa ng mabuti. Hindi excuse na maraming sumasalungat para tumigil sa pagtulong sa iba. Hindi dahilan na marami ang di naniniwala para sumuko na maging bahagi ng buhay ng ibang tao. Hindi siya napipilitan lamang. Yan si Hesus…sana maging ganyan din tayo.

Potek ba? Ha ha ha…you can survive! Huwag maging potek…

Anaknimaria

Anaknimaria
(Mama Mary’s Birthday)

May isang kwento tungkol sa isang mayamang binata. Birthday ng kanyang nanay kaya naman siya ay pumunta sa isang tindahan ng bulaklak upang ipadala sa kanyang nanay. Pagdating niya sa tindahan ay may nakita siyang isang batang umiiyak. Tinanong niya ito kung bakit umiiyak. Sabi nung bata: “Kase po gusto kong bilhan ng bulaklak si nanay kase birtdey niya kaya lang ay kulang ang pera ko.”

Sinabi naman ng lalaki: “Sige ako na lang ang magbabayad ng bulaklak para sa nanay mo.” Pumasok sila sa tindahan at binayaran ng lalaki ang bulaklak na kinuha ng bata. Paglabas nila, sinabi ng lalaki: “Gabi na at madilim pa ang daan kaya ihahatid na lang kita sa nanay mo. Ituro mo na lang ang daan.”

Isinakay ng binata ang bata sa kanyang sasakyan pero laking gulat niya sapagkat sa sementeryo itinuro ng bata sila pumunta. Doon niya nalaman na patay na pala ang nanay nito at gusto lang ng bata na alayan ng bulalak dahil kaarawan nito.

Pagkatapos niyon, hindi na ipinadala ng binata ang bulaklak sa kanyang ina at sa halip ay siya na lamang ang nagdala nito at nag-abot sa kanyang ina.

Sa kaarawan ng ating Mahal na Inang Maria, inaala-ala natin ang kanyang naging tungkulin para sa pagdaloy ng biyaya ng kaligtasan sa atin sa pamamagitan ng pag-oo sa plano ng Diyos na siya ay maging ina ni Hesus. Malaking reponsibilidad ang kanyang tinanggap at kumapit siya sa pananampalataya sa Diyos na ang lahat ng mangyayari ay naaayon para sa kabutihan ng lahat.

Si Maria ay naging Ina ni Hesus at ina din nating lahat. Siya ang halimbawa ng turo ni Hesus kung paano ang pagsunod: pagpasan ng krus at pagsunod sa kalooban no Diyos. Si Maria ang ehemplo ng isang pagiging tunay na alagad. Kaya nga sa Simbahan siya ay ating pinararangalan sa pamamagita ng pag-ala-ala sa kanyang kapanganakan.

May regalo ka na ba sa kanya?

Tularan natin siya. Ito na ang ating magandang regalo para sa ating mahal na Ina. Lagi natin siyang tatandaan. At kung tao ay nakakalimot, tumingin lang tayo sa ating mga palad at makikita nating ang dalawang letra na “M” na magpapaalala sa atin kay Mama Mary.

Kanta Kanta Muna Tayo

Kanta Muna Tayo
(walang kinalaman ito sa gospel)

I was in Araneta Coliseum last night and watched the concert of George Benson and Patti Austin. At shempre naka-relate ako sa mga kinanta nila. Kala ko ang mga manonood dito ay mga naunang pinanganak sa akin. Pero maraming mga kabataan ang nandun. Sila pa nga yung tuwang tuwa na nag-cheer sa mga kanta.

Pero ang isa sa mga realizations ko ay yung mga classical songs ay hindi nalalaos. Relate pa rin kahit na ang mga younger generations. Meron pa ngang dahil sa kantang ito ay pinag-aawayan…at may mga namatay na dahil sa kantang ito.

Kung ikukumpara yung mga bagong awit para sa akin ay pipiliin ko pa rin yung mga lumang kanta. Pansinin natin yung mga bagong kanta…mabilis sumikat pero madali ring nalalaos, madaling makalimutan. Like na like ngayon pero forgotten na agad agad…

Ano kaya ang pagkakaiba?

Hindi ako musikero pero sa palagay ko ang pagkakaiba ay yung pinagdaanan at kasaysayan ng kanta. Marami sa mga kanta ngayon ay tinatangkilik dahil sa beat o rhythm ng mga awit. May mga awit pa nga na sumisikat dahil magaling ang marketing strategy at pumapatok sa masa pero bokya naman ang content. Ang kanta ay ginawa na lang upang pagkakitaan.

Yung mga lumang kanta ay may istorya at ito ay tumatagos sa puso. Pag naririnig ang mga kantang ito ay tila sariling buhay ang inaawit. Kasama na rin siguro sa nakakaimpluwensya ay kung saan nagmumula ang pagkanta…sa puso nagmumula…may puso ang kanta.

Puso ng composer + puso ng kanta + puso ng singer + puso ng listener = classic

My two cents…

Huwebes, Setyembre 5, 2013

Juan Tamad

Juan Tamad
(Lk. 5: 33-39)

Naalala nyo pa ba yung kwento ni Juan Tamad? Nakita niya ang hinog na bunga ng bayabas. Dahil sa tinatamad siyang kunin ito, humiga na lang siya sa papag sa tapat ng bungang ito upang hintayin na mahulog ito. Ibinuka niya ang kanyang bibig para pag nahulog ang bunga diretso na niya itong makakain.

Anong nangyari? Ayun, inunahan siya ng mga ibon. Sa halip na bunga ng bayabas ang bumagsak, mga dumi ng ibon ang nakuha ni Juan Tamad.
Sa buhay pala, dapat ay di tatamad-tamad. Kapag may gustong mangyari, dapat na pinagsisikapan at pinaghihirapan.

Kung gusto mong maging sexy….dapat ay mag-diet at mag-exercise ka.
Kung gusto mong makapasa sa exam….dapat ay magreview ka at mag-aral na mabuti (subukan mo ding ilagay yung notes mo sa ilalim ng unan mo pag ikaw ay natutulog).

Kung gusto mong yumaman…dapat magsikap at magsipag ka.

Kung gusto mong magka-girlfriend…dapat manligaw ka.

Kung gusto mong malaman kung makakashoot ka sa basketball…dapat tumira ka.

Kung gusto mo ng maraming kaibigan…dapat maging mabait ka.

Kung ayaw mong magkasakit…alagaan at hwag mong abusuhin ang iyong sarili, tigilan na ang bisyo.

Kung gusto mong bumango…maligo ka.

Sabi ni Hesus: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago.

At wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati sisidlan. Sa halip ay sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak.”

Ganun pala. Kapag nakilala natin si Kristo dapat magkaroon ng pagbabago sa sarili. Hindi pwedeng sabihin na kilala niya si Kristo pero patuloy pa rin siya sa kaniyang mga bisyo. Hindi pwedeng sabihin na alam nya si Kristo kung sa buhay niya ay wala pa ring pagbabago.

Hindi pwedeng simba ng simba pero pag-uwi pangit pa din ang ugali. Hindi pwedeng dasal ng dasal pero pangit pa rin ang asal. Hindi pwedeng sermon ng sermon pero ang mga tao ay ikinakahon.

Kaya nga kilalanin si Kristo at ilagay sa puso ang pagbabago.

At kung gusto mong gumanda at gumwapo…i-like mo na ang article na ito! (hwag mahiya…)

Miyerkules, Setyembre 4, 2013

Ganyan Tayo Eh!

Ganyan Tayo Eh!
(Lk. 5: 1-11)

Ganyan tayo eh!

Kapag nadapa…bumangon ulet.
Kapag nalugi…magsimula ulet.
Kapag di nakapasa sa exam…mag-aral, mag-revalida.
Kapag din naka-graduate…mag-enroll ulet.

Kapag natanggal sa trabaho…mag-apply ulet.
Kapag natalo…lumaban ulet.
Kapag pinagsarhan ng pinto…may bintana pa naman.
Kapag nabasted…manligaw ulet.

Kapag iniwan ng kasintahan?...YUN LAANG! (hikbi hikbi..hu hu hu...)

Sabi ni Hesus: "Pumalaot kayo at ihulog ang lambat upang manghuli." Pero sabi ni Pedro: "Guro magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli, ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat." Suko na sana si Pedro sa pangingisda at mamamahinga na sila. Ngunit hinamon siya ni Hesus. Ayun dami nilang nahuli, sa sobrang dami ay kinailangan pa nila ng katulong upang makuha ang mga isada.

Ganun pala. Minsan ay sumusuko na agad tayo, minsan ay nawawalan tayo ng pag-asa, minsan ay bumibitiw na tayo. Pero sa ganitong pagkakataon ay hinahamon tayo ni Hesus na kumapit pa...to hold on a little bit...to stay a little longer...to walk an another step...to trust a little more...to dig deeper...to go into the deep! Duc in altum!

Nakakatakot man ang pagpunta sa kalaliman pero dito natin matatagpuan ang pag-asa. Sa banda roon naghihintay siya. Sabi nga ni Aiza: "Malay mo balang araw dumating din yun..."

Ganyan tayo eh. Binibigyan tayo ng second chance. Hindi lang second chance pero maraming pagkakataon para makabawi at makapagsimula ulet. Kailangan lang natin umusad sa banda roon, sa mas malalim. Iiyak man ngayon pero smile smile na sa banda roon.

Ganyan tayo eh!

Martes, Setyembre 3, 2013

Chito Tagle

Chito Tagle
(Lk. 4: 31-37)

Ang isa sa pinakamagaling na speaker sa panahon ngayon ay walang iba kundi si Cardinal Tagle. Siya ay napakatalino. Mahilig siyang magbasa. Marunong din siyang makinig ng kaisipan ng ibang tao. At dahil napakagaling niya magsalita, marami ang kumukuha sa kanya upang maging speaker.

Pero saan kaya niya kinukuha ang kanyang mga ibinabahagi? Bakit kapag siya ay nagsalita ang mga tao ay nakikinig sa kanya?

Naalala ko yung kwento ng kaklase naming sa Tagaytay. Kahit na naging Obispo siya ay nanatili pa rin siyang rector ng seminary. Si bishop Tagle ay laging nauuna tuwing umaga sa kapilya upang magdasal.

Minsan ay naisip ng seminarista na unahan si bishop sa kapilya upang magdasal. Kaya nga maaga pa siyang gumising at nagpunta sa kapilya. Laking gulat niya sapagkat pagpasok niya sa kapilya ay naroon na si bishop Tagle na nagdarasal. Hindi niya naunahan sa pagdarasal…

Yun pala ang dahilan kaya ang mga winiwika ni bishop Tagle ay may kapangyarihan at katotohanan at ito ay nanonoot hindi lamang sa isip pero mas lalo na sa puso ng bawat isang nakakapakinig. Ang kanyang salita pala ay bunga ng kanyang pagdarasal at pakikikipag-usap sa Diyos. Ang kanyang mensahe at ginagawa ay nagmumula sa pakikipagkaibigan sa Diyos.

Hindi ba’t ganun din ang ginawa ni Hesus nung siya ay nagkatawang-tao? May mga oras na inilalaan si Hesus upang mapag-isa at makipag-usap sa Diyos. Hindi dahilan na maraming tao ang nangangailangan sa kanya upang hindi manahimik at makipagniig sa kanyang Ama.

Para kay Hesus, ang kanyang ginagawa ay bunga ng kaniyang relasyon sa kanyang Ama. Ito ang dhilan kaya nasabi ng mga tao: “May kapangyarihan ang kanyang mga salita.”

Ito rin ang maganda nating tularan. Ang lahat sana ng ating winiwika ay nagmumula sa pakikipag-usap sa Diyos. Ang lahat sana ng ating ginagawa at nagmumula sa pakikipag-kaibigan natin sa Diyos.

*Marami din naman sa atin ang gumigising ng maaga pero hindi upang magdasal...gumigising ng maaga upang sumilip sa facebook!

Imbudo

Imbudo
(Lk. 4: 38-44)

Alam nyo ba ang imbudo?

Sa English ito ay funnel. It is a cone-shaped utensil with a large opening at the top and a small opening or tube at the bottom and is used in pouring liquids and other substances into containers. (Encarta)

May tindahan kami sa palengke at noong bata pa ako (mas mukhang bata kesa ngayon) ang imbudo ang isa sa laging ginagamit. Uso kase noon ang tingi tingi (papiso-piso) na pagbili ng mantika, toyo, palamig o kaya ay gaas. Ang bibili ay may dala dala ng bote o kaya ay plastic na na kung saan ilalagay ang ang binili. Sa pagsasalin ng binili ay kailangan ang imbudo upang diretso sa lalagyan at ng walang masayang.

Pero nakakatuwa ang imbudo. Inilalagay sa kanya ang binibili pero ito ay dumadaan lang sa kanya. Hindi niya itinatago ang inilalagay sa kanya. Katunayan niyan ay walang natitira sa kanya. Pero sa pamamagitan nito ay ginagampanan niya ang kanyang tunay na esensya: ang tagapagdaloy para malipat ang kung anuman sa ibang lalagyan.

Pero maganda rin tayong matuto sa imbudo. Yun bang kapag tayo ay nakatanggap ng biyaya ay ininabahagi natin. Hindi natin sinasarili.

Sa Mabuting Balita ganito ang ginawa ng biyanang babae ni Simon. Noong dumating si Hesus sa bahay ng babae ito ay may sakit. Pero pinagaling siya ni Hesus. Nung siya ay gumaling na, pinili niya na paglingkuran sila Hesus. Tumanggap siya ng kagalingan at ginamit naman niya ito upang makapaglingkod.

Hindi ba’t ganun din si Hesus? Dahil sa kanya ay dumaloy ang biyaya ng kaligtasan para sa lahat. Siya ay naging instrumento ng pagbuhos ng grasya ng Diyos.

Maging imbudo. Maging masaya na naging instrumento ng pagmamahal ng Diyos…

Linggo, Setyembre 1, 2013

Napoles: An Appeal

Napoles: An Appeal

By this time, tila wala na yatang hindi nakakalilala sa apelyidong Napoles. At kapag nabanggit na ito siguradong ang karugtong nito ay ang usapin ng nawawalang baboy. Laman ng mga balita ang tungkol sa pork barrel at kung papaano ito winawaldas at ibinubulsa ng iilan.

Noong unang sumiwalat ang balitang ito galit agad ang naramdaman natin. Pangkukutya ang ating iginante kay Napoles. Maraming imahe ang kumalat sa facebook na ang mukha niya ay ikinabit sa buwaya. Gusto natin siyang parusahan. Gusto natin siyang hiyain. Hindi lang siya, pati na rin ang kanyang pamilya ay hindi rin nakaligtas sa pangungutya at pag-aalimura. Gusto natin sabihin sa kaniya: Buti nga sa iyo!

Pero kung sa panahon kaya ngayon nagkatawang-tao si Hesus, ganun din kaya ang kanyang gagawin? Lalaitin kaya siya ni Hesus? Kukutyain kaya siya ni Hesus? Sasabihin kaya ni Hesus: “Buti nga sa iyo. Magdusa ka!”
Ngayong sumuko na si Napoles, sana ay hwag na nating pag-isipan siya ng masama. Sana ay ipagdasal natin siya. Sana ay bigyan natin siya ng pagkakataong makabangon muli mula sa pagkakamali. Sana ay aminin niya ang pagkakamali. Sana ay matuto na siya.

Hindi naman ibig sabihin nito ay kakalimutan na lang basta ang kanyang ginawa. Dapat pa rin siyang managot sa batas. Kung siya man ay makulong ito ay para sa kanyang kabutihan…para siya ay matuto at para din hindi na siya makagawa pa ng katulad ng kanyang ginawa.

Dapat din na mabawi ang kayamanan na hindi niya kinita sa makatarungang pamamaraan. At syempre hindi rin dapat na palusutin ang mga taong kasabwat sa nakawan na ito lalo na yung mga taong umabuso sa kapangyarihan.

Hwag na nating tapakan ang isang taong nadapa. Tulungan na lang natin siyang makabangon.

Hindi ba’t marami din tayong pagkakamali pero tinutulungan pa rin tayo ng Diyos na makabangon muli? Hindi ba’t kahit na paulit-ulit tayong nakakagawa ng kasalanan ay binibigyan pa rin niya tayo ng pagkakataon na makapagsimula ulit? Hindi ba’t kahit na hindi natin siya sinusunod ay tapat pa rin ang Diyos sa kanyang pagmamahal?

Ang Alamat ng Nawawalang Baboy

Ang Alamat ng Nawawalang Baboy
(A Jeepney Reflections)

Nakabalik na ulit ako (miss me?)

Am back with a vengeance…(trans. babawi ako!)

Ilang araw din akong nawala sa sirkulasyon. Umakyat muna ako ng bundok upang sumamyo ng sariwang hangin. Naging mabunga naman ito.

Sumuko na pala si Napoles kay Pnoy. Bilyong piso pala ang nawawala sa kaban ng bayan at napupunta sa bulsa ng iilan. Ang masakit pa dito ay kasabwat pa ang mga taong nasa itaas ng lipunan.

Kanina din ay napanood ko sa telebisyon na tila ka-close din ni Napoles ang isang mataas na miyembro ng Hudikatura. Nagsimula na din ang imbistigasyon sa Senado pero ang katanungan ng marami ay: Saan hahantong ang kwento ng nawawalang baboy?

Ang pagnanakaw daw ay hindi basta na lang nangyayari. Ito ay nagsimula sa maliit. Maaaring noong bata pa ay kumukupit na sa bulsa ni nanay at ni tatay. Papiso-piso muna. Nung tumagal ay palaki na ng palaki ang kinukuha. Hanggang sa lugar ng trabaho ay dinala ang ugaling ito. Hindi na-correct kaya nagkakalyo na ang pagpili ng tama.

Pero sa lahat ng nangyayaring ito mas malalim na katanungan ay: May pag-asa pa kaya ang Pilipinas?

Marami na ang lumisan sa Pilipinas at pumunta sa bansang may magandang opurtunidad para sa kanila at sa pamilya. Marami dito ay wala ng balak bumalik ng Pilipinas. Marami din sa atin dito sa Pinas na naghahangad na makarating sa ibang bansa upang hanapin ang kanilang magandang kapalaran. Ito ay mga patunay na tila palubog na talaga ang Pilipinas.

Kanina sa pag-uwi ko ay sumakay ako ng jeep. May dalawang estudyante na sumakay. Nagbayad sila ng 20pesos. Sinuklian sila ng konduktor. Nung maiabot sa kanila ang sukli, ibinalik nila ito sa konduktor. Anim na piso ang naisukli sa kanila. Sabi nila: “Kuya labis ang isinukli nyo. Anim na piso ang isinukli nyo dapat ay kwatro lang.” Binigyan sila ng kwatro pesos ng konduktor.

Mabuti pa yung mga bata tapat…

Pero ng makita ko ang ginawa ng mga bata, naisip ko na may pag-asa pa ang Pilipinas. Hanggat may mga pasahero ng jeep na nag-aabot ng tamang pasahe sa driver, may pag-asa pa ang Pilipinas. Hanggat may mga pasahero na handang abutin ang pasahe ng nasa dulong pasahero upang maiabot sa driver ng hindi binabawasan, may pag-asa pa rin ang Pilipinas.

Gising Pilipinas. Hwag patulog-tulog…

Budol-budol

Budol –budol
(Lk. 14: 1, 7-14)

Kanina lang may nabiktima na naman ang budol budol gang. Ginamit ang pangalan ng isang pari at nag-order ng pagkain upang ipa-deliver dito sa kumbento. Nag-alok pa siya na kung gusto nilang magpabarya ng pera kase marami daw barya sa opisina ng simbahan.

Dinala ng isang crew ng isang food outlet ang order kasama ang mahigit labindalawang libong piso. Sinalubong siya ng nag-order at kinuha ang pera at sinabihan ang crew na maghintay na lang siya sa loob ng simbahan at dadalhin sa kanya ang mga barya. Matagal siyang naghintay. Hindi niya alam ay tumakas na ang lalaki dala ang pera. Kawawa naman ang crew na ito. Nabiktima ng manloloko.

Pero ang nakakainis dito ay ginamit ng manloloko ang pangalan ng pari. Nagtiwala ang crew sapagkat ang alam niya ay taong simbahan ang kanyang kausap. Nagtiwala sila sapagkat akala nila ay simbahan ang kanilang kausap.

Mataas kase ang pagtingin ng tao sa mga pari. Sa panahon ngayon hwag basta basta magtitiwala lalo na kapag ang pinag-uusapan ay pera. May mga tao na ginagamit ang identity ng iba upang makapanlamang. May mga tao na nagnanakaw ng karangalan ng iba upang mayroon siyang makuha.

Sa Mabuting Balita, itinuturo sa atin ni Hesus ang tunay na kahulugan ng karangalan. May mga tao na gustong upuan ang magandang upuan na hindi naman para sa kanya. May mga tao na inuunahan ang iba upang mapasakanya ang karangalan.

Nais ni Hesus na matutunan natin na ang karangalan ay maging kakambal ng kapakumbabaan. Hindi dapat na maging mapagmataas. Hindi dapat na nagyayapak ng ibang tao lalo na ng maliliit. Habang umaangat ay dapat na lalong nagiging mapagpakumbaba.

Alam natin ang mga kwento ng mga taong may narating lang ay naging mataas na ang tingin sa sarili. May mga taong yumaman lang ay hindi na iginagalang ang mga mahihirap at dukha. Nagkaroon lang ng mataas na pusisyon ay tila nakalimutan na ang kanyang pinanggalingan. Nagkaroon lang ng yuniporme ay tila siya na ang naging batas.

Sabi ni Hesus: “Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Ang tunay na karangalan ay hindi hinihingi. Hindi ito ipinipilit. Ang tunay na karangalan ay kusang ibinibigay mula sa puso ng ibang tao. Ang respeto at karangalan ay pinaghihirapan, hindi ito ninanakaw.

Tandaan natin yung kwento nung isang pari. Paglipat niya sa bagong parokya ay napansin niya na masyadong maingay ang tunog ng makina nito. Dinala niya ito sa talyer at ipinasuri. Tinanong ng pari yung mekaniko kung bakit maingay ang makina. Sabi nung mekaniko: “Father, maingay po yang tunog ng makina kase matanda na yang makina!”

Ang tunay na karangalan ay nasa kapakumbabaan. Hwag paloloko sa budol-budol gang!