Linggo, Agosto 4, 2013

Teacher...Teacher...

Teacher…Teacher…
(Mt. 14: 13- 21)

Gusto mo bang magkaasawa ng teacher?

Nagkita-kita kami minsan magkakabarkada at napag-usapan namin ang tungkol sa pag-aasawa. Sabi nung isang barkada namin: “Ay naku pare, kapag mag-aasawa ka ay hwag na hwag na isang guro.” “Bakit naman?” tanong nung isa naming kasama.

Sumagot naman siya: “Kase pag teacher ang asawa mo…wala nang panahon sa iyo. Hanggang sa bahay dala ang trabaho. Maghahanda ng lessons…mag-check ng exams…mag-research…maagang aalis ng bahay at late na uuwi…at minsan pa uuwi ng bahay na masama ang loob kase pasaway ang mga estudyante, at sa akin ibinabaling ang galit.”

Wala daw panahon sa tahanan ang teacher…pero yung barkada namin, hayun…nakakatatlo na ang anak at magkasama pa rin silang mag-asawa!

Busy…Busy…Busy…Yan ang mga teacher. Kaya nga marami din sa kanila ay tumatanda na at nakakalimutan ng mag-asawa kase masyado silang natuon ang pansin sa pagtuturo. Lampas na sa walong oras ang trabaho pero pagdating sa bahay ay may responsibilidad pa rin.

Kahanga-hanga ang isang guro.

Sa Mabuting Balita si Hesus ay busy din. Pero hindi lang siya busy sa gawain. Mabigat din ang kanyang damdamin sapagkat nabalitaan niya ang nangyaring pagpatay kay Juan Bautista. Gusto niyang manahimik upang harapin ang nararamdaman niyang kalungkutan. Gusto niya na mapag-isa at lumayo muna upang pakalmahin ang kanyang sarili. Pero sinundan siya ng maraming tao.

Ganun man ang nararamdaman ni Hesus, hindi niya tinalikuran ang mga tao na sumunod sa kanya. May pinagdadaanan man si Hesus pero hindi niya tinakasan ang mga tao sapagkat alam niya meron ding pinagdadaanan ang mga tao. Sinundan siya sapagkat meron silang pasanin at si Hesus ang kanilang pag-asa.

Ganun pala ang buhay. Kahit may pinagdadaanan tuloy pa rin ang paglalakbay. Hindi dahilan na may pinagdadaanan para hindi tumulong sa nangangailangan. Hindi dahilan ang kalungkutan para magbahagi ng kasiyahan. At hindi dahilan ang kasawian para hindi magpakita ng pagmamahal. Sa pagbabahaging ito ng sariling buhay masasalamin ang tunay na kadakilaan.

So…Mag-aasawa ka pa ba ng teacher?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento