The family Man
(Lk. 12: 32-48)
What if?
Naranasan nyo na ba na tanungin ninyo ang sarili ng katanungang ito?
Kapag naalala mo ang isang pagkakataon na iyong pinalampas at gumawa ka
ng isang malaking desisyon noon, itinatanong mo ba ngayon kung anong
nangyari kung iba ang naging desisyon mo?
Ang The Family Man ay isang pelikula na pinagbidahan ni Nicolas Cage bilang si Jack, isang mayaman na nakatira
sa New York. Christmas Eve noon at may isang malaking kontrata siyang
inaasikaso. Para sa kanya ay walang halaga ang pamilya at ang dapat na
inuuna ay ang career. Isang tawag ang kanyang natanggap mula kay Kate
(Tea Leoni), ang kanyang dating girlfriend na kanyang iniwan para
ipagpatuloy ang kanyang pangarap na yumaman. Matagal na silang hindi
nagkikita at nagkakausap. Dumating pala si Kate para sa isang trabaho.
Sa pagtulog ni Jack ay nanaginip siya. Magkasama sila ni Kate, may
dalawang anak, simple ang pamumuhay, hindi sila mayaman, pero masaya
sila. Sa kanyang paggising isang katotohanan ang bumulaga sa kanya:
hindi pala siya lubusang masaya sa kanyang kayamanan; pinalampas pala
niya ang pagkakataon na mapasakanya si Kate, ang kasiyahan na kanyang
hinahanap.
Bago magtapos ang pelikula, nagkita silang dalawa at
nagpaalam si Kate upang pumunta ng Paris at doon na manirahan. Nakiusap
si Jack na mag-usap muna sila. Sinabi niya kay Kate ang kanyang
panaginip na isang simpleng pamilya. Silang dalawa na magkasama pero
masaya…
What if?
Sa Mabuting Balita itinuturo ni Hesus
sa kanyang mga alagad na maging laging handa at gumawa ng tamang
desisyon para sa pagdating ng Anak ng Tao.
Inakala ng mga unang
kristiyano na darating na agad si Hesus. Marami ang sa kanilang
paghihintay ay inusig, pinahirapan at ang iba pa ay pinatay dahil sa
pananampalataya kay Hesus. Sa ganitong karanasan may paalala para sa
bawat isa: “Maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras
na hindi ninyo inaasahan.”
Walang nakakaalam kung kelan ang
panahon na darating si Hesus. Kaya nga hinahamon tayong lahat na sana ay
maging laging handa. Hindi dapat isinasawalang-bahala ang mga bagay na
tungkol sa kaligtasan. Dapat din na gumagawa ng tamang desisyon,
pinag-isipan at pinagdasalan, upang makasiguro sa kung anumang daan ang
tatahakin. Alalahanin natin: “Laging nasa huli ang pagsisisi!”
So, what if? Nyehhh…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento