Huwebes, Agosto 8, 2013

Scouts

Scouts
(Mt. 16: 24-28)

Am back!

Kanina sa barko nagutom ako kaya bumili ako ng pagkain. Tinamad na akong tumayo kaya yung mga kalat mula sa pinagkainan ko ay isiningit ko na lang sa upuan. Sa bandang unahan ko naman ay nandun yung mga estudyante galing sa aming bayan at may nagsabi na pupunta sila sa pagtitipon ng Girl Scouts sa Laguna (I did not confirm this). Mga kilala ko din yung iba. Naka-shades ako nun kaya di nila alam na pinapanood ko sila.

Maya-maya may isang tumayo at malakas na nagtanong: “Saan ba ang basurahan dito?” Nung makita niya ay itinapon niya doon yung mga pinagkainan nila. Napangiti na lang ako. Kinuha ko yung basurang isiningit ko sa upuan at inilagay sa bag ko. Kaya nga hanggang dito ay dala ko ang basura.

Ang tawag sa ginawa ng estudyante ay disiplina. Discipline is basically self-restraint. Yun bang may kakayahan kang gawin ang isang bagay pero pinipili mong hindi gawin sapagkat ito ay mali. May kapangyarihan kang gawin pero hindi ginagamit ito sapagkat hindi naaayon sa kabutihan.

Ang disiplina ay kakambal ng salitang disipulo. Ang pagiging tagasunod pala ay dapat na masalamin din ang disiplina. Sabi ni Hesus: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil and kanyang sarili, kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin.” Hindi dapat ang sarili ang iniisip…dapat ay ang kabutihan ng iba, dapat ang kalooban ng Diyos ang inuuna.

Kahit na kaya mong gawin ang isang bagay ay nagdedesisyon kang hindi gawin sapagkat may pinipili kang mas mabuti. Hindi porke na kaya mong malusutan ang isang bagay ay gagawin mo na. Hindi porke may kapangyarihan ka ay aabusuhin mo na. Hindi porke magaling at matalino ka ay hindi ka na makikinig sa iba. Hindi porke malakas kay ay mambu-bully ka na. At hindi porke may gusto sa iyo ang isang tao ay papaglaruan mo na!

Gusto mong maging tagasunod ni Kristo? Disiplinahin mo ang sarili mo!

*With energetic and disciplined students like them the future of Mamburao looks bright. Kudos to their teachers who instill in them the value of self-restraint. Sila ay mabuting disipulo…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento