Huwebes, Agosto 22, 2013

Lara

Lara
(Mt. 22: 34-40)

Naalala mo pa ba noong bata ka kapag ikaw ay may sakit?

Uso lalo na ngayon ang sakit. Kapag naambunan ka…magkakasipon…tapos lalagnatin na. Kahit na nga umiinom ka ng vitamins at laging kumakain ng gulay na tinatawag na french fries ay di mo pa rin maiwasan na magkasakit (sabi dun sa isang blog gulay daw talaga ang french fries).

Hindi lang paracetamol at aspilet ang ibinibigay sa iyo. Ang ibibigay pa sa iyo ng iyong mga magulang ay Royal at sky flakes. Pag naubos mo na ito, siguradong gagaling ka na.

Hindi ko alam kung paano nagsimula ito at kung papaano kumalat sa maraming lugar. Pero sa maraming lugar ay ito talaga ang ibinibigay sa mga may sakit. Hindi ko na maalala ang titulo nung pelikula pero sa Africa kapag malubha na ang sakit at hindi na kayang gamutin ang ibinibigay na lang nila ay cola. Para sa mga pasyente ito ang pinaka-pangmalakasang gamot…

Scientifically ay hindi nga gamot ang Royal at skyflakes. Pero ang pagbibigay ng mga ito sa maysakit ay isang pagpapakita at pagpapadama ng pagmamahal.

Sabi ni Hesus ang pinakamahalagang utos ay: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, at nang buo mong pag-iisip…Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”

Tandaan natin na kapag tayo ay nagbibigay ipinapahayag natin ang ating pagmamahal. Sa pamamagitan nito ay sinusunod natin ang utos ng Diyos. Kaya matuto tayong magbigay.

At tandaan din natin na ang pagmamahal ay nakakapagpagaling.

Pagaling ka Lara...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento