Huwebes, Agosto 22, 2013

Ninoy

Ninoy
(Mt. 22: 1-14)

“The Filipino is worth dying for.”

Ito ang isa sa mga paglalarawan ni Benigno Aquino, Jr. sa mga pinoy noong siya ay nabubuhay pa. Alam niya na nanganganib ang buhay niya kapag siya ay bumalik ng Pilipinas pero dahil sa kanyang pagnanais na mabalik ang demokrasya sa bansa at matigil na ang kaguluhan at patayan, pinili niya na bumalik sa kanyang bansang minamahal.

Noong August 21, 1983, sa pagbaba niya mula sa eroplano siya ay binaril at pinatay sa ngayon ay Ninoy Aquino International Airport. Sabi ni Jovito Salonga na si Ninoy ay “the greatest president we never had.” Si Ninoy ay isang bayani. Inuna niya ang kabutihan ng iba kesa sa kanyang pansariling kapakanan.

Ginugunita natin ang pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria. Ang kanyang pag-oo sa dakilang plano ng Diyos na maging Ina ni Hesus ang isa sa mga naging susi upang magkaroon ng kaganapan ang planong pagliligtas ng Diyos. Hindi niya inuna ang sariling kapakanan bagkus nagtiwala siya na ang kalooban ng Diyos ang dapat na masunod.

Sa kanyang pag-oo ay marami siyang pinagdaanan kasama na diyan ang hirap ng makita ang kanyang anak na pinapatay. Gayun pa man ay hindi siya bumitiw sa pananampalataya sa Diyos. At dahil dito siya ay kinikilala bilang Reyna ng langit at lupa. Pero tandaan natin na ang pagiging Reyna niya ay hindi upang paglingkuran. Ito ay isang simbolo ng paglilingkod at pagtulong sa atin na makalapit tayo kay Kristo.

Katulad ni Ninoy, tularan natin ang ating Mahal na Ina sa pananampalataya. Tularan natin siya na unahin ang kung ano ang mabuti para sa iba lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan. Sana ay matuto tayo na magsakripisyo para sa iba.

Tandaan mo na ikaw ay katulad ng iba na “worth dying for.”

*Tama na ang Pork! Let our voice be heard. Pnoy please remove the pork barrel!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento