Huwebes, Agosto 15, 2013

Martilyo

Martilyo
(Mt19: 3-12)

May isang kwento tungkol sa isang pari sa isang parokya. Itago na lang natin siya sa pangalang Fr. Mike. Minsan ay may lumapit sa kanya na mag-asawa. Sabi nila kay Fr.Mike ay gusto na nilang maghiwalay kase hindi sila magkasundo at wala ng dahilan kung bakit sila magsasama pa. Umalis si Fr. Mike at may kinuha sa kanyang kwarto. Pagbalik niya ay may dala na siyang martilyo.

Tinanong ng mag-asawa kung anong gagawin ni Fr. Mike sa kinuha niyang martilyo. Sumagot siya: “Di ba gusto ninyong maghiwalay? Ito ang martilyo na ipupukpok ko sa mga ulo ninyo.” Sabi ng mag-asawa: “Hwag po Fr. Mamamatay kami pag ginawa nyo yun.” Sumagot si Fr. Mike: “Kaya nga, kamatayan lang ang makakapaghiwalay sa inyo kaya papatayin ko na lang kayo…”

Ayun….Habol habol ni Fr. Mike yung mag-asawa. Di ko lang alam kung inabutan niya….

Ang sabi ni Hesus: “…iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at sila ay magiging isa…hwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”

Wala namang perpektong asawa o maybahay. Dumadating talaga ang panahon na masama ang gising. May mga oras na lumalabas ang mga insecurities. Pero ang mahalaga ay laging binabalikan ang kasaysayan ng pag-iibigan, ang sumpaan sa harap ng altar na magsasama at magmamahalan habambuhay.

Dagdag pa ni Hesus na dahil ssa katigasan ng ulo kaya pinayagan ni Moises ang paghihiwalay. Kaya nga hwag matigas ang ulo. Kung hindi, lagot ka kay Fr. Mike sa kanyang martilyo…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento