Walang Hiya
(Mt. 20: 20-28)
“Saan kayo kumukuha nang kapal ng mukha?”
Ito ang mga matatapang na salita na sinabi ni Pangulong Noynoy tungkol
sa mga ahensya ng pamahalaan na ayaw sumunod sa kanyang pamumuno na daan
ng matuwid. Ito ang katanungan niya sa mga kawani ng pamahalaan na
kunwari ay naglilingkod at nagsisilbi sa bayan pero sariling interes din
lang pala ang inuuna, ang iniisip din lang pala ay ang sariling kapakanan.
Pero hindi lang ito tanong para sa mga kawani ng gobyerno. Ito ay
tanong din para sa ating lahat: “Saan ka kumukuha ng kapal ng mukha?”
Sa Mabuting Balita pinakiusapan ng ina ng dalawang alagad si Hesus na
ang kanyang dalawang anak ang siyang umupo sa kanan at kaliwa ng
luklukan ni Hesus sa kaharian nito. Malaki ang hinihingi ng ina. Sabi ng
mga biblical scholars, ang bahagi daw na ito ng Bibliya ay totoong
nangyari sapagkat malaking kahihiyan ito na malaman ng iba na sa mga
alagad ni Hesus ay may naghahangad na maging una.
Pero sumagot
si Hesus: “Ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo;
ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo.” Yun pala
ang pamantayan ni Hesus. Ang paglilingkod ng totoo ang siyang pamantayan
ng pagiging dakila.
Kaya magandang pag-isipan din ang mga
binanggit ni Sen. Miriam tungkol sa mga damit ng mga dumalo sa SONA ng
pangulo. Tila naging fashion show ang nangyari. Pagandahan, pabonggahan,
pamahalan ng damit na suot ang mga rumarampa sa red carpet. At maaari
nating maitanong: Kailangan ba ito?
At maganda ring pagnilayan
ang tungkol sa teolohiya ng pari lalo na yung statement na “you are a
priest forever.” Some are claiming na pagkatapos ng buhay dito sa lupa,
pagdating sa kaharian ng Diyos ay pari pa rin. Sa aking palagay ay wala
ng pari doon. Lahat tayo ay magiging anak ng Diyos. Pantay pantay. Lahat
ay mahal ng Diyos.
Bilang panghuli nais kong banggitin ang
kwento na narinig ko kay Bishop Gabriel Reyes sa isa niyang misa. Sa
langit daw ay binibigyan ng sasakyan ang bawat tao upang makapamasyal sa
kaharian ng Diyos at depende ito sa kabutihan at kasimplihan na nagawa
ng isang tao ang sasakyang kaniyang magagamit. Pumanaw daw ang isang
parokyano at siya ay binigyan ng sports car, yung pinakamahal. Gamit ang
sasakyang ito siya ay namasyal sa langit. Nakasalubong niya ang kanyang
kura paruko pero nagulat siya sapagkat ang gamit ng pari ay isang bike.
Kaya tinanong niya ito. “Father bakit po bike lang ang gamit nyo sa
pamamasyal dito sa langit?” Sumagot ang pari: “Hwag ka maingay. Nanjan
sa likod si bishop…naglalakad!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento