Ang Totoong Mapalad
(Mt. 13: 18-23)
“Mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.”
Naranasan mo na bang mabingi? Yung wala kang mapakinggan? Mahirap ang mabingi…
Noong minsan ay sumakit ang tenga ko. Di ko malinaw na mapakinggan ang
sinasabi ng kausap ko. May parang ugong na naririnig sa loob ng tenga
ko. Nagpunta ako sa hospital at nagpasuri sa doctor. Sinilip ng doctor ang tenga ko. Namamaga raw ang aking eardrum. Maaring nasundot ito habang nililinis ko ang tenga ko.
Niresitahan ako ako ng pampatak sa tenga ko. Sabi ng doctor ay hwag ko
daw susundutin ang loob ng tenga ko at maaapektuhan ang aking pandinig.
Parteng labas lang daw ang linisin. Dagdag pa nung doctor: “Yang earwax
ay inilagay ng Diyos para maprotektahan ang iyong tenga.”
Gumaling ang aking tenga at mula noon ay hindi na ako naglilinis ng aking tenga….parteng labas na lang nito.
Mapalad tayo na malinaw ang ating pandinig. Pero sabi ni Hesus ay
mapalad yung mga tao na nakasama niya sapagkat hindi lang sila
nakapakinig, ang napakinggan nila ay yung mga salita ni Kristo. Mapalad
sila na nakakakita, ang nakita nila ay si Hesus. Matagal ng hinulaan ng
mga propeta ang kaniyang pagdating at mapalad ang mga tao na nakasama
siya.
Ang gusto natin ay may personal na karanasan sa isang
taong ating hinahangaan. Tingnan na lang natin yung mga pinoy na pumila
ng matagal upang makakuha ng tiket upang makita ng personal si Lebron
James. Para sa kanila, sulit ang paghihirap sapagkat napanood nila ng
personal na maglaro ang kanilang idolo kahit na saglit lang. Mapalad
sila.
Ganun din sa relasyon kay Hesus. Siguro kung dadating si
Hesus sa isang isang taon marami sa atin ang ngayon pa lang ay pipila na
upang makita si Hesus at mapakinggan ang kanyang tinig. Mapalad kase
ang may personal na karanasan sa kanya.
Pero meron pang mas mapalad sa kanila. Sabi ni Hesus: “Higit na mapalad ang nakikinig ng Salita ng Diyos at tumutupad nito.”
Malinaw na nakakita ang mata mo, mapalad ka!
Malinaw na nakakapakinig ang iyong tenga, mapalad ka!
Tinutupad mo ang Salita ni Kristo, mas mapalad ka!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento