Sr Myrna, DC
(Mt. 10: 34 -11: 1)
Si Sr. Myrna ay matagal ding naging kalakbay nang mga katutubong
Mangyan sa Mindoro. Mahigit isang lingo na ang nakakaraan ay binawian
siya ng buhay sa isang aksidente. Pumunta ako sa funeral mass para sa
kanya. Sabi noong isa niyang kamag-anak: “Noong pumasok siya bilang
madre ng Daughters of Charity ipinagkatiwala na namin siya sa
kongregasyon, ipinagkatiwala na namin siya sa Diyos.”
Noong ako ay nasa San Jose pa, malimit ko din siyang nakita. Lagi
siyang nakangiti. Pag kasama mo siya ay di mo mamamalayan ang oras na
tumatakbo sapagkat marami siyang kwento, mga kwento na puno nang
kasiyahan. Lahat pala ng kanyang naging assignment ay mahihirap na
lugar. Gayunpaman ay nanatili pa rin siya sa paglilingkod kahit na
mahirap at nakakapagod ang misyon.
Si Sr. Myrna ang isa sa
pwedeng maging halimbawa ng Mabuting Balita ngayon. Sabi ni Hesus:
“Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina
kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang nagmamahal sa kanyang anak
kaysa akin.”
Iniwan niya ang kanyang pamilya upang tumugon sa
tawag ni Hesus na maglingkod. Sa kanyang buhay, naging number one si
Hesus. Ipinaubaya niya ang kanyang pamilya na kung meron mang
pangangailangan ang kanyang pamilya at hindi siya makakatulong, nandun
naman ang pagtitiwala na ang Diyos na ang bahalang tumulong sa kanila.
Ang Diyos na ang magpupuno sa responsibilidad sa pamilya na kanyang
iniwan.
Sabi pa ni Hesus: “Hindi karapat-dapat sa akin ang
sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin.” Mahirap
ang kanyang naging misyon. Nakipamuhay siya sa mga nasa laylayan ng
lipunan. Niyakap niya ang pinaglalaban ng mga mahihirap lalo na ng mga
katutubo. Bumabad siya sa kanila at naging katulad nila sa kahirapan.
Para kay Sr. Myrna ang mahalaga ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Dagdag ni Hesus: “Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang
nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang
sarili.” Kung hindi nagmadre si Sr. Myrna marahil ay malayo na din ang
kanyang narating. Maaaring meron na siyang magandang career. Siya
marahil ay maunlad na sa kanyang buhay at nakakatulong pa sa pamilya.
Pero kinalimutan niya ang kanyang sarili at ang pinahalagahan ay kung
papaano siya makikibahagi sa pakikipaglaban ng mga walang boses ng
lipunan.
Wala na si Sr. Myrna. Sabi nung mga katutubo na
lumuwas upang ihatid sa huling hantungan si Sr. Myrna, malaking kawalan
sa mga katutubo ang kanyang pagkawala. Gayun pa man ay hindi na siya
malilimot ng mga katutubo sapagkat siy ay naging bahagi ng buhay
mangyan. Alam din nila na sa pagharap ni Sr. Myrna sa Diyos na lumalang,
ipapakiusap pa rin niya ang mga aba at mga mahihirap lalo na ang mga
katutubong mangyan.
Nawalan man ng buhay sa mundong ito si Sr.
Myrna, nagkaroon naman siya ng buhay na walang hanggan sa piling ng
Amang mapagmahal.
Rest In Peace Sr. Myrna!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento