Sabado, Hulyo 20, 2013

Busy

Busy
(Lk. 10: 38-42)

Busy ka ba sa maraming bagay sa iyong buhay?

May isang kwento tungkol sa dalawang magsasaka na sina Juan at Pedro na naatasan na mag-ani ng palay. Nagkasundo sila na hatiin ang kanilang aanihin: Si Juana kanan at si Pedro sa kaliwa. At nagsimula na sila sa kanilang pag-aani. Nakakailang oras sila sa pagtatrabaho nang tumayo si Juan at napunta sa lilim ng isang puno. Pagkalipas ng ilang minuto ay nagbalik na muli siya sa pag-aani.

Makalipas ulit ang ilang oras si Juan ay muling nagbalik sa lilim ng puno at pagkalipas ng ilang minuto ay bumalik sa pagtatrabaho. Ilang ulit niyang ginawa iyon kaya nga sabi ni Pedro: “Sigurado akong hindi siya makakatapos sa ng trabaho kase ang dami niyang pahinga."

Mataas pa ang sikat ng araw nakatapos na sa trabaho si Juan pero si Pedro hindi pa tapos sa kanyang aanihin. Nagtaka si Pedro at nilapitan niya si Juan at tinanong: “Paano mong nagawang maunahan ako sa trabaho gayung maraming beses kang nagpahinga samantalang ako ay tuloy tuloy sa pagtatrabaho? Sumagot si Juan: “Ikaw ay tuloy tuloy sa pagtatrabaho kaya mapurol na ang iyong karit samantalang ako ay naghahasa habang ako ay nagpapahinga kaya matalas na ito at madaling makapag-ani.”

Marami tayong pinagkakaabalahan. Marami tayong mga dala dalahin sa buhay na ating pinagsisikapan na mapunan. Marami tayong responsibilidad na kailangang solusyunan. At tila kulang ang maghapon para matapos ang lahat ng ito. Tila kulang kahit na nga ang buong buhay natin para ang lahat ay malagpasan.

Ganito din ang karanasan ni Marta. Masyado siyang abala. Gusto niyang handaan at ibigay ang kailangan ni Hesus. Pagod na siya. Nagsumbong siya kay Hesus para sabihin kay Maria na tulungan siya sa paghahanda.

Pero may paalala sa atin si Hesus. Gaano man tayo ka-busy sa ating buhay ay kailangan nating huminto, kailangan nating umupo sa harap ni Hesus, kailangan nating makinig sa kanyang turo. Ganito ang ginawa ni Maria.

Ayon sa mga biblical scholars, si Hesus ay malapit na sa kanyang pagpasan sa krus at ninais niya na lumayo muna sa mga tao upang manahimik kahit papaano sa bahay nila Marta. Hindi niya kailangan nang magarbong handa. Ang gusto lang niya ay simpleng salu-salo na kung saan ay makakasama niya sa hapag kainan ang kanyang mga alagad at kung saan siya ay mkakapagturo. Nandun si Maria para makinig at samahan si Hesus.

Sa panahon ngayon abala tayo sa maraming bagay. Ang ating isip ay napupuno ng maraming isipin. Sa pagtatrabaho ang ating katawan ay inaabuso natin. Ang ating lakas ay ginagamit natin para sa maraming gawain. At ang pananahimik ay kinakalimutan na natin.

Kailangan nating manahimik. Kailangan nating magpatalas ng ating sarili upang pagbalik natin sa gawain ay handa na natin itong harapin. Kailangan nating umupo sa harap ni Hesus at makinig sa kanyang turo upang ang ating ginagawa ay magkaroon ng tamang direksyon.

Hwag magbisi-bisihan. Huminto, manahimik at tinig ni Hesus ay pakinggan!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento