Lunes, Hulyo 15, 2013

Band Aid Solution

Band Aid Solution
(A Reflection On Human Interaction)

Ilang taon na ang nakakaraan nang kumalat ang dengue. Marami ang nagkasakit. Marami ang naospital. Nag-isip nang solusyon ang Department of Health. Anong naging solusyon nila? Namahagi sila ng kulambo sa mga pamilya. Naiwasan man na makagat nang lamok pero nandun pa rin ang lamok na sanhi nang dengue.

Ang tawag dito ay band aid solution. Yun bang tinatakpan lang ang sugat. Sa likod nito ay nananatili pa rin. Although nakakatulong ito pero hindi talaga ito ang gamot.

Sa buhay marami din tayong ugali na ganyan. Ang nakikita ay ang pang-ibabaw na problema pero hindi nakikita ang pinagmumulan nito.


Ang mga nambu-bully sa paaralan ay pinapagalitan ng guro. Pero baka naman siya ay naging biktima din ng pambu-bully kaya siya ay bumabawi ngayon? Kailangang balikan ang dahilan kung bakit siya nagkaganyan.


Ang mga drug dependents. Hinuhuli sila at kinatatakutan. Pero baka naman ginagawa nila iyon upang takasan ang mga problema sa buhay? Kailangang tulungan sila upang harapin ang mga bagay na kanilang tinatakasan.

Ang mga batang pasaway. Naiinis tayo sa kanila lalo na yung mga matitigas ang ulo. Pero baka naman sila ay naging biktima ng rejections kaya sa pamamagitan ng pagiging pasaway ay iniisip nila na papansinin sila at bibigyan ng atensyon? Kailangan silang kausapin at ipaliwanag na sila ay katanggap-tanggap.

Ang mga taong siga at laging nakasigaw kung magsalita. Natatakot tayo sa kanila at baka tayo ay kanilang saktan. Pero baka naman pamamaraan nila iyon para pagtakpan ang kanilang kahinaan? Baka iyon ay paraan nila na pagtakpan ang kanilang kawalan ng kakayahan? Kailangang mabuksan ang kanilang isip at puso upang matanggap nila ang sariling kahinaan.

Ang mga taong masungit at mataray. Iniiwasan natin sila at sinasabihan natin na masama ang ugali. Pero baka naman sila ay nagsusungit at nagtataray sapagkat meron silang itinatagong masamang karanasan? Baka naman pamamaraan nila ito upang hindi mapansin ang kanilang pusong sugatan? Kailangang maakay sila na tanggapin ang karanasan ng pagkasugat. Kailangang matulungan sila na hilumin ang sugat ng nakaraan.

Sa isyu ng kahirapan. Sabi ng gobyerno marami daw ang naghihirap kasi sobrang dami na ng tao. Pero baka naman hindi lang pantay-pantay ang distribusyon ng yaman kaya marami pa din ang nangangailangan? Baka naman may mga tao ang kumukuha ng yaman na di para sa kanya kaya wala ng matira para sa nakararaming nasa laylayan ng lipunan? Kailangang suriin ang iba't-ibang elemento at ng mabigyan nang karampatang kasagutan.

Sa isyu ng kawalan ng lupa ng maraming magsasaka. Baka naman ang mga lupang pansakahan ay nasa kamay na lang ng iilan? Baka naman ang mga lupa na dapat taniman ay pag-aari na ng mayayaman? Kailangang kausapin ang mga magsasaka upang malaman ang kanilang karaingan.

Band aid solution. Ito ang karaniwan nating ginagawa. Pero mahalaga na ugatin nating ang mga bagay bagay na inihaharap sa atin upang ito ay lubos na maunawaan at masulusyunan. Kailangan ito upang hwag tayong mahawa sa kung anuman ang mga rejections at fixations nang iba. At tayo rin sa sarili natin ay matanggap at maproseso ang lahat ng ating pinagdaanan.

Sabi ni dok: Alamin ang sugat, linisin, lagyan ng betadine at takpan ng sterilized gauze pad…pag wala ay pwede narin ang dahon ng bayabas…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento