Huwebes, Hulyo 11, 2013

UNLAD

UNLAD
(Mt. 10: 16-23)

Lahat tayo gustong umunlad. Gusto nating umasenso sa buhay. Gusto nating maging maganda ang pakikitungo natin sa loob nang pamilya. Gusto nating na maging maayos an gating pakikisalamuha sa ibang tao.
At higit sa lahat ay gusto natin na lumago ang ating relasyon sa Diyos.

Naalala ko tuloy yung paboritong i-homily ni Bishop Tony tungkol sa UNLAD:

U –Unahin
N – Natin
L – Lagi
A – Ang
D – Diyos

Kung gusto nating mag-improve ang kahit anong bahagi nang ating buhay, dapat pala ay inuuna ang Diyos. Ito pala ang dapat na maging pundasyon nang lahat.

Sa Mabuting Balita sinabi ni Hesus ang isa sa pinakanakakatakot na mga pangitain: “Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila.”

Kaunting background…Ang bahaging ito nang Bibliya ay nasulat nung kapanahunan na pinag-uusig ang mga tagasunod ni Kristo. Marami sa kanila ang hinuli at pinatay. Dahil sa pagsunod na ito, ang naging kapalit ay ang kanilang buhay.

Sabi nung mga nag-aaral nang Bibliya, maaaring ito ay turo ng mga naunang Simbahan at inilagay sa bibig ni Hesus na tila siya ang nagsabi. Gayunpaman, nagpapahayag ito ng katotohanan na kailangang gumawa ang isang tao ng desisyon kung siya ay magpapatuloy sa pagsunod o hindi. Para kay Hesus, mas mahalaga ang relasyon sa Diyos kesa anumang pagpapahalaga dito sa mundo. Mas mahalaga pa ito kahit na sa relasyon sa dugo o sa loob ng pamilya.

Ito rin ang magandang tandaan: Unahin Natin Lagi Ang Diyos. Merong pangako si Hesus: “Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang nyong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.”

Addendum: Sabi ni Munding pwede rin daw tandaan ang bagong pari nang Mamburao si Fr. ONAD: Onahin Natin Ang Diyos!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento