Circa 2005
(Ang Mabuting Samaritano)
Bago ang graduation sa college sa Lipa ay may retreat kami sa
Tagaytay. Galing pa akong Mindoro nun at sabi ko ay diretso na ako dun.
Pero masyadong mabagal ang barko at matrapik pa. Alas sais na nang gabi
ako nakarating sa Talisay, Batangas na kung saan ako sana ay sasakay
nang jeep paakyat nang Tagaytay. Pero wala nang Jeep. Naiwan ako ng last
trip.
Pasan ko ang backpack ay
naglakad-lakad ako sa gilid ng kalsada at nag-isip kung ano ang aking
gagawin. Kung babalik ako sa Lipa ay mahuhuli ako sa retreat. May isang
owner type jeep na dumaan. Lumampas sa akin pero biglang tumigil at ako
ay tinawag ng driver. Lumapit ako at tinanong niya kung paakyat ako ng
Tagaytay. Nag-iisa siya ay sabi niya ay sumabay na lang ako sa kanya
sapagkat siya ay paakyat din.
Habang naglalakbay kami ay
nalaman ko na siya ay nagtatrabaho sa isang casino doon. Sabi pa niya ay
malaya daw akong papapasukin sa casino hanapin ko lang siya. Sa mismong
gate ng seminary ako ibinaba ng taong ito. Hindi ko na maalala ang
pangalan niya pero para sa akin sya isa siyang mabuting Samaritano.
Sa Mabuting Balita ngayon, sinagot ni Hesus kung sino ang ating kapwa.
Sinabi ni Hesus na ang mabuting Samaritano ang tunay na kapwa sa taong
nangangailangan.
Pwede rin natin itong gawing modern: May
isang nabiktima ng holdap at matapos kunin lahat ng gamit ay binugbog
pa. Dumaan ang isang pari pero nagtuloy lang siya sa kanyang paglakad
sapagkat sabi niya ay baka malagyan ng dugo ang habito niya at baka di
siya umabot sa oras ng misa. Dumaan din ang mayor ng lugar na iyon pero
di nya pinansin ang biktima sapagkat sabi niya ay meron pa siyang
dadaluhang pasinaya sa isa niyang proyekto. Sa huli ay may dumaang isang
Muslim. Kanyang tinulungan ang biktima at dinala sa pagamutan…
Sino ang naging kapwa sa taong nabiktima? Walang iba kundi ang Muslim.
Inuna niya ang pagtulong sa nangangailangan kesa sa pansariling
kapakanan.
Ang mabuting kapwa ay hindi nakasalalay sa titulo.
Hindi rin ito nakakabit sa pagiging kadugo. At mas lalong hindi ito
nakasalalay sa pagiging kasama o miyembro ng isang grupo. Ang pagiging
mabuting kapwa pala ay yung handang tumulong sa mga taong
nangangailangan kahit na hindi niya ito kaanu-ano o hindi kakilala. Ang
mabuting kapwa din ay hindi naghihintay ng kapalit. Masaya na siya na
nakatulong sa iba.
May alam ka bang kwento ng mabuting Samaritano? Ang sabi ni Hesus: “Humayo ka at ganoon din ang iyong gawin!”
Post Script: Di ako nakapunta sa casino. Kung pumunta ako doon baka mayaman na ako ngayon, ha ha ha…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento