Biyernes, Mayo 24, 2013

Minsan Naging Bata Ka Rin

Minsan Naging Bata Ka Rin
(Mk. 10: 13-16)

Paano mo tinatanggap ang mga bata? Sila ba ay itinuturing mong walang alam? Tinitingnan mo ba sila na mahina at walang maitutulong? Sila ba para sa iyo ay pahirap lamang?

Tingnan natin ang karanasan nang mga bata. Kapag may mga usapan ang mga matatanda, hindi pinapasabat ang mga bata. Kapag may pagtitipon ang mga may edad, bihira din na matanong ang mga bata. Karaniwan na din na kapag sila ay nagsalita, hindi sila pinapakinggan o kung pinapakinggan man ay diretso naman sa kabilang tenga.

Ganito din kaya ang pagtrato ni Hesus sa mga bata?

Sa Mabuting Balita ngayon pinagalitan nang mga alagad ni Hesus ang mga bata. Ayaw nilang palapitin kay Hesus. Marahil ay naisip nila na pang-abala lang ang mga bata. Marahil naisip nila na ang mga bata ay dapat na kasama lang nang ibang mga bata at hindi nakikisali sa gawain nang matatanda.

Pero iba si Hesus. Sabi niya : “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.” Tinanggap ni Hesus ang mga bata. Tuwang-tuwa si Hesus sa mga bata. Para sa kanya ang mga bata ay kapantay nang mga may edad na. Hindi mahalaga kung may alam o wala ang mga ito. Hindi mahalaga kung may maitutulong sila o wala. Hindi mahalaga ang edad. Ang mahalaga ay sila ay lumalapit kay Hesus.

Ganyan kase si Hesus. Lahat nang lumalapit sa kanya ay tinatanggap niya. Ang totoo niyan ay gusto ding ipahayag ni Hesus na kailangang tanggapin nang mga tagasunod niya ang mga aba at ang mga walang boses sa lipunan. Ang bata kase ay simbolo nang mga mahihirap at mga nasa laylayan nang lipunan na hindi kinikilala lalo na nang mga nasa kapangyarihan. Gustong ituro ni Hesus na may malaking puwang sa puso niya ang mga walang mukha sa lipunan.

Hamon ito sa mga Kristiyano. Isang malaking iskandalo sa Simbahan na ang mga taong sumusunod kay Kristo ay hindi tumatanggap sa mabababa sa lipunan. Hamon ito na tanggapin natin ang mga bata. Tanggapin natin at tulungan ang mga nasa laylayan nang lupunan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento