Ang Ostrich, Ang Bulkan, at Ang Libingan
(Jn. 14: 23-29)
Kapayapaan. Lahat tayo naghahangad nang kapayapaan. Pero anong klaseng kapayapaan kaya ang ating hinahanap?
Ayon kay Fr. Willy Villas mayroon daw tatlong uri nang kapayapaan na
alam ang daigdig: kapayapaang ostrich, kapayapaang bulkan, at
kapayapaang libingan.
Ang kapayapaang ostrich. Ang ostrich daw kapag nasa panganib ay itinatago na lamang
ang kayang ulo upang di niya makita ang panganib na nasa kanyang
paligid. Pag di niya nakikita ang panganib, pakiramdam niya ay ligtas na
siya at ang lahat ay payapa. May mga taong katulad din nang ostrich ang
pagtingin sa kapayapaan. May mga tao na kapag may mga di magagandang
nangyayari sa paligid ay ipipikit na lang ang mga mata upang di ito
makita. May mga tao na kapag may mga kamalian sa lipunan ay ititikom na
lang ang bibig at magbubulag-bulagan na tila ba walang nangyayaring
masama. Ito yung mga taong walang pakialam at hindi nakikialam sapagkat
para sa kanila kapag sila ay nakialam ay maaapektuhan ang kanilang
“mapayapang buhay.” Ang kanilang pamantayan ay: “Basta masaya ako,
bahala sila sa buhay nila.”
Ang ikalawang uri nang kapayapaan
na alam nang daigdig ay ang kapayapaang bulkan. Ang bulkan sa panlabas
ay payapa. Ilang lingo na ang nakakaraan ay nakita naming ang bulkang
Mayon. Napakaganda nito at maswerte kami sapagkat walang gaanong ulap at
nakita naming ang tuktok nito. Pero sabi nang mga tao doon nakakatakot
ito sapagkat payapa man sa labas sa loob naman nito ay mainit at
kumukulong “magma.” Para din itong mga tao na sa panlabas ay tila ayos
lang yun pala ay nasa loob ang kulo. Para sa kanila mas mabuting itago
ang nararamdaman kesa ipahayag ito at baka hind imaging maayos ang
samahan. Ugali din ito nang mga taong nagpapadala na lang sa agos minsan
ay dahil sa takot at minsan ay dahil sa may kapangyarihan.
Ang
ikatlong uri nang kapayapaan ay ang kapayapaang katulad nang libingan.
Ang mga bangkay na nasa libingan ay walang pakialam. Hindi na alintana
ang kapangitan nang paligid. Hindi na pinapansin ang anumang nagyayari
dahil nga sa sila ay wala nang buhay. Maraming taong ganito. Talagang
walang pakialam. Kahit na nga nakikita na kailangan ang tulong nila,
hindi pa rin kumikibo upang magbigay nang tulong. Sila ay: “Hindi
nagpapahirap pero hindi rin naman sila nakakatulong!”
Ang sabi ni
Hesus: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibibigay ko sa inyo ang aking
kapayapaan. Hindi tulad nang pagbibigay nang mundo ang pagbibigay ko
nito sa inyo.” Ang kapayapaang gusto ni Hesus para sa atin ay hindi
kapayapaang katulad nang ostrich; hindi katulad nang bulkan, at hindi
rin katulad nang libingan. Sila ay buhay na patay.
Ang
kapayapaang gusto ni Hesus ay base sa katotohanan. Hindi nagpipikit nang
mata sa mga nangyayari sa paligid. Ito yung kapayapaang bunga nang
pakikisangkot kung anuman ang nangyayari sa paligid. Ito yung
kapayapaang hindi nagtatago kapag may nangangailangan
Ang
kapayapaang kaloob ni Kristo ay makakamtan natin kung tatahakin din
natin ang daang tinahak ni Hesus. Ito ang daan nang pakikipag-kapwa-tao,
pagdamay sa nangangailangan, pagtutuwid sa struktura nang kamalian,
pagtulong sa naghihirap at inaapi nang lipunan, pagmamahal na walang
pinipili.
Gusto mo nang kapayapaan? Tinig ni Hesus ay iyong pakinggan! Ang daan ni Hesus ay iyong sundan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento