Martes, Mayo 28, 2013

Ambisyosong Palaka

Ambisyosong Palaka
(Mk. 10: 32-45)

May isang kwento tungkol sa mga batang palaka na pagkatapos nang ilang araw na pag-ulan sila ay namasyal sa isang sapa. Nakita nila roon ang isang kalabaw at ito ay napagamalan nilang palaka rin. Umuwi sila nang kanilang bahay at sinabi ito sa kanilang ama.

“Gaano kalaki ang palaka na nakita nyo?” Mas malaki pa ba sa akin? Tanong nang ama. Sumagot ang mga batang palaka: “Mas malaki pa po sa inyo.” Huminga ang amang palaka at inipon ang hangin sa kanyang tiyan upang siya ay lumaki. “Malaki na ako ngayon sa kanya, di ba?” Umiling ang mga batang palaka.

Muling huminga ang amang palaka at inipon ang hangin sa kanyang tiyan upang mas lumaki. Pero umiiling pa rin ang mga batang palaka hudyat na maliit pa rin siya kumpara sa kanilang nakita. Huminga nang huminga ang amang palaka sapagkat gusto niyang malampasan sang laki nang nakita nang mga batang palaka…hanggang sa pumutok ang kanyang tiyan at siya ay namatay…

Ang ambisyosong palaka. Namatay dahil di matanggap na merong mas malaki sa kanya.

Ambisyoso! Social Climber! Yan ang tawag natin sa mga taong may kagustuhan na umangat sa lipunan kahit na sa masamang paraan. Nandadaya, sumisipsip sa boss, nanunuhol…ito at iba pang pamamaraan ang gagamitin para mapansin at tingalain.

May mga alagad din palang ganyan. Sabi nang magkapatid na Juan at Jaime kay Hesus: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.” Gusto nilang ungusan ang ibang alagad. Gusto nilang may magandang luklukan sila pag nagtagumpay na si Hesus. Pero sabi ni Hesus: “Ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n’yo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n’yo.”

Maraming taong ambisyoso pa panahong ito. Pagkatapos nang eleksyon kanya kanyang pa-good shot sa mga nanalo para mabigyan nang mgandang pwesto. Sa Simbahan meron ding ganyan. Dikit nang dikit sa pari o kaya ay sa Obispo para sila ang mabigyan nang kapangyarihan at magandang upuan. Kung magsalita at umasta ay parang sila ang pari o kaya sila ang Obispo!

Tularan natin si Kristo: nagkatawang-tao upang maglingkod at di upang paglingkuran.

Hwag maging ambisyosong palaka!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento