Isang Tatlo
(Trinity Sunday)
Kapag humarap ka daw sa isang malaking salamin ay makikita mo ang iyong
sarili. Parehong-pareho kayo nang imahe na nasa salamin sapgkat ito ay
repleksyon na nagbubuhat sa iyong sarili. At dahil iyo ding imahe ang
nakikita mo sa salamin magkakaroon ka nang damdamin dito at ito ay iyong
mamahalin.
Ito raw po ang pwede nating gawing pamamaraan upang kahit papaano ay maunawaan
natin ang Banal na Santatlo. Ikaw ang sumisimbolo sa Ama. Ang imahe sa
salamin ay sumisimbolo sa Anak. At ang relasyon nang pagmamahal ang
sumisimbolo naman sa Banal na Espiritu. Ang Ama ang Nagmamahal (Lover),
ang Anak ang Minamahal (Beloved), at ang Banal na Espiritu naman ang
Pagmamahal (Love) na namamayani sa dalawa.
Ang pagsasalarawang
ito ay hindi lubusang makakapagpaliwanang tungkol sa kabuuan nang
Santisimo Trinidad. Hindi kayang arukin nang ating pag-iisip ang
misteryong ito. Gayunpaman, sumasampalataya tayo sapagkat ito ang
ibinunyag sa atin ni Hesus. Ang sabi ni Hesus: “Ako at ang Ama ay iisa.”
Ipinahayag din niya na: “Sa akin magmumula ang ipapahayag nang
Espiritu.” Iisa ang Diyos pero sa kanilang walang hanggang pag-iral sila
ay Ama, Anak at Espiritu.
Sa hiwaga nang pag-iral nang Banal
na Santatlo, maganda na ang ating unawain ay ang kanilang ugnayan sa
isa’t-isa: ito ay ang pagkakapantay at pagtutulungan. Ito ang komunidad
nang misteryong ito.
Ang Banal na Santatlo ay may
pagkakapantay. Walang nauuna sa kanila. Walang nakalalamang. Walang
nakatataas at walang ding mababa. Pantay pantay sila saan mang anggulo
silipin. Kaya nga ang sabi ni Hesus: “Ang salita nang Banal na Espiritu
ay magmumula kay Hesus…” at “ang lahat nang sa Ama ay akin.”
Ang Banal na Santatlo ay merong pagtutulungan. Dahil sa kakapusan nang
ating mga salita at limitasyon nang ating pagkaunawa, ipinapahayag natin
na ang Diyos Ama ang siyang lumikha (Creator). Ang Diyos Anak ang
tagapagligtas (Redeemer), at ang Banal na Espiritu ang tagapagpabanal
(Sanctifier). Gayunpaman, sa bawat gawaing ito laging magkakasama ang
tatlong persona sapagkat meron silang pagkakaisa. Walang naiiwan sa
kanila. Sila ay iisa.
Ito rin ang magandang tingnan natin sa
ating komunidad. Meron bang pagkakapantay-pantay sa ating komunidad?
Hindi kaila sa bawat isa na meron talagang tinitingala at meron
tinitingnang mababa sa lipunan. May mga mayaman at may mga mahirap. May
mga makapangyarihan at merong dukhang dukha. May mga nasa taas at
maraming nasa laylayan nang lipunan.
Pangarap nang Diyos na ang
kanyang nilikha ay maging isa. Hindi nagkakanya-kanya. Walang
nagmamataas. Ang lahat ay itinuturing na kapantay. Ang lahat ay
nagmamahalan.
Kung meron man tayong pwedeng gamiting simbolo sa
paglalakbay na ito ay pwede nating gamiting simbolo ang karwahe na
hinihila nang mga kabayo. Kung ang isang kabayo ay papunta sa kaliwa,
ang isa naman ay papunta sa kanan, at ang isa ay hindi gumagalaw at ang
huli ay tumatakbo papunta sa unahan…wala pa ring mapupuntahan ang
karwahe. Ganun din sa pamayanan. Dapat may pagkakaisa. Iba-iba man pero
nagkakaisa dahil sa pagmamahal….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento