Biyernes, Mayo 31, 2013

Facebook Express

Facebook Express

Nakakatuwa ang facebook. Sari-sari ang mga naka-post. Merong masayang post, merong nagpapatawa, merong malungkot na post, merong galit, merong nagyayabang, merong nag-eemote…pero meron ding wala lang, basta lang may mai-post, masabi lang na may post…(kaya kahit recipe ipinost na din!)

May mga nagpo-post na ang mensahe ay para sa lahat pero meron din namang post na mensahe para sa isang tao. Pero bakit ng ba kailangan pang mag-post? Bakit kailanganga isigaw pa sa sangka-internitan ang mga nangyayari o nararamdaman?

Para kanino ang post? Para sa ibang tao. Inilalagay sa facebook para maiparating ang kung ano man ang message nya na gustong sabihin sa isang tao. Ang totoo nyan pwede naman natin i-PM ang tao o mga taong gusto nating sabihan pero pinipili pa rin na sa status ilagay marahil ay sapagkat hindi kayang sabihin nang direkta sa tao. Walang lakas nang loob o kaya ay nahihiya kahit one text or one click away ang isang tao. Pero minsan naisip ko din na ang facebook ang makabagong pamamaraan nang tsismisan! (ehemmm…) Sabi nang lola ko chat daw ang translation nang salitang tsismis…

Inilalagay natin sa facebook para makahanap nang kakampi o kaya ay mga taong makaka-identify sa ating nararamdaman. Gusto kase natin meron tayong kasama sa kung ano man ang ating nararamdaman.( Kaya nga tuwang tuwa tayo kapag ang daming likes…) Sa ganitong sitwasyon para na din nating isinisigaw na tayo ay tama at dapat na kampihan. Pero minsan hindi rin ito maganda sapagkat may mga pagkakataon na ina-affirm natin ang ibang tao kahit na hindi natin alam ang totoong pangyayari sapagkat ang atin lamang nalaman ay ang damdamin nang isang tao.

Pero minsan nagpo-post din ang isang tayo nang message nya para sa kanyang sarili. Di ko rin maintindihan kung bakit. Siguro para hindi mapagkamalang maluwag ang turnilyo kapag may nakakita na kinakausap ang sarili. Hirap kayang kausapin nang sarili…subukan mo kaya.

Kaya nga kapag magpo-post sa facebook isipin muna kung bakit ipo-post. Public ba or for friends only? Kailangan ba talagang sa fb? May interesado ba sa iyong post? Baka naman pampasikip lang nang web?

And now for the million dollar question: Bakit ko ipinost ito? Wala lang magawa…ha ha ha, :P (trans. may mai-post lang)

Huwebes, Mayo 30, 2013

Dalaw

Dalaw
(Lk. 1:39-56)

May dalaw ka ba? May bisita ka ba?

Kapag may dumadalaw sa atin siguradong busy tayo sa paghahanda. Ihahanda ang bahay. Maglilinis. Maghahanda nang masasarap na pagkain. Minsan pa nga nangungutang para sa bisita. Ilalabas ang pang-malakasang mga kutsara, tinedor at plato na nakatago. Kapag ilang araw mananatili ang bisita, sa sariling kwarto pa patutuluyin. Magtitiis sa sala matutulog ang pamilya samantalang ang mga bisita at sa aircon o dili kaya ay sa may electric fan na kwarto patutulugin. Kahit na nga ang mga itinatagong mga unan, punda, kumot at iba pa ay ilalabas at ipapagamit sa dumadalaw.

Minsan may dinalaw kaming katutubo. At dahil minsan lang kami makadalaw doon ay ipinagpatay kami nang native na manok. Nung nakahayin na, sabi nung katutubo: “Pasensya nap o kayo sa ulam. Wala po kasi ditong mabilhan nang ulam na nasa lata.” Wow…pasensya pa daw eh ang sarap sarap na nang paulam niya….
Ganyan tayong mga Pilipino. Gusto natin espesyal ang maranasan nang dumadalaw sa atin lalo na nga yung mga kamag-anak o kaibigan na mula sa malayong lugar at minsan lang makapasyal.

Si Maria ay dumalaw din. Binisita niya ang kanyang pinsang si Elizabeth na noon ay nagdadalang-tao. Pero hindi katulad nang karanasan nang mga bisita ngayon, si Maria ay siyang naglingkod.

Mahirap ang magdalang-tao lalo na nung kapanahunang iyon. Walang ospital at mga doctor na pwedeng mag-check-up. At mahirap din ang buhay nila. Alam ito ni Maria kaya naman siya na ang nagkusa at nag-alok nang tulong. Malayo ang kanyang nilakbay para marating ang tahanan ni Elizabeth pero hindi ito naging hadlang sapagkat gusto niyang maglingkod. Nanatili siya roon at tinutlungan ang kanyang pinsan hanggang sa ito ay makapanganak.

Ganito si Maria. Siya ang napiling maging Ina nang tagapagligtas pero siya pa ang naglilingkod. Kaya nga hindi kataka-taka na si Hesus ay sumunod sa yapak ni Maria na ang iniisip ay kung anong mabuti sa iba.

Tularan natin si Maria. Tayo na ang magkusang tumulong sa nangangailangan. Hwag na nating hintayin na humingi nang tulong sa atin ang iba…


NB. Hwag mo nang hintayinna hingan ka nang buhay sa candy crush. Magkusa ka na na magbigay... :P

Bartimeo

Bartimeo
(Mk. 10: 46-52)

Gusto natin maging maganda at gwapo tayo. Kaya nga pumupunta tayo sa Watsons o kaya ay sa Mercury Drug para bumili nang mga produkto na pampaganda at pampagwapo, pampaputi at pampakinis at kung anu-ano pa. Kuskos dito kuskos doon, pahid dito pahid doon…hanggang bago matulog titingin pa sa salamin at kung anu-anong ilalagay sa mukha hoping na kinabukasan mas mukha nang bata.

Ang iba naman pumupunta sa mga parlor para magpa-beauty. Nagpaparelax, nagpapa-lypo, nagpapakulay nang buhok at kung anu-ano pa.

Minsan nga may nagpost sa fb na sobrang laki daw nang problema niya. At nang tanungin kung ano ito, ang sabi niya: “tinubuan ako nang tagihawat…” (ha ha ha, sobrang laki nang problema niya!)

Pero alam nyo ba na maraming mga tao na hindi naghahangad na maging maganda o maging gwapo? Ang hinahangad lang nila ay maging normal ang kanilang buhay. Ang hinahangad nila ay maging healthy at makapamuhay nang normal at marangal.

Ang tinutukoy ko ay yung mga may kapansanan. Mahirap ang ganito. Bata ka pa lang ay makakaranas ka na nang rejection pat pambu-bully. Tutuksuhin ka, lalaiitin, mababa ang tingin, pagtatawanan…

Isa na dito si Bartimeo. Siya ay isang bulag. Ang gusto lang niya ay mapanauli ang kanyang paningin at makapamuhay nang normal at makapaghanapbuhay.

Marahil ay matagal na niyang napapakinggan at nababalitaan si Hesus na nagpapagaling. Kaya nga nang nalaman niya na si Hesus ang magdaraan hindi na siya nag-patumpik-tumpik. Gumawa siya nang ingay upang siya ay mapansin. Pero pinatatahimik siya nang mga tao. Para sa mga tao siya ay nakakaabala lamang. Hindi siya kasali sa mga gawain at usapan tungkol kay Hesus.

Pero iba si Hesus. Tinawag niya si Bartimeo. Kanya itong pinagaling. At sa wakas, ang bulag ay nakakita. May malaking puwang pala sa puso ni Hesus ang may kapansanan na tulad ni Bartimeo. Tinanggap siya ni Hesus. Hindi siya tinalikdan. Hindi siya ni-reject. Para kay Hesus siya ay isang tao na katulad nang iba.

Tularan natin si Hesus. Hwag nating i-reject ang mga may kapansanan. Tularan din natin si Bartimeo…Lumapit siya kay Hesus at humiling nang kagalingan…Nagpasalamat siya nang siya ay pagbigyan sa kaniyang kahilingan…Sumunod siya kay Hesus pagkatapos nang lahat nang ito.

Nota Bene: Hwag nating tularan si Vice Ganda na nanglalait nang kahinaan at kapulaan nang iba para makapagpatawa!

Martes, Mayo 28, 2013

Ambisyosong Palaka

Ambisyosong Palaka
(Mk. 10: 32-45)

May isang kwento tungkol sa mga batang palaka na pagkatapos nang ilang araw na pag-ulan sila ay namasyal sa isang sapa. Nakita nila roon ang isang kalabaw at ito ay napagamalan nilang palaka rin. Umuwi sila nang kanilang bahay at sinabi ito sa kanilang ama.

“Gaano kalaki ang palaka na nakita nyo?” Mas malaki pa ba sa akin? Tanong nang ama. Sumagot ang mga batang palaka: “Mas malaki pa po sa inyo.” Huminga ang amang palaka at inipon ang hangin sa kanyang tiyan upang siya ay lumaki. “Malaki na ako ngayon sa kanya, di ba?” Umiling ang mga batang palaka.

Muling huminga ang amang palaka at inipon ang hangin sa kanyang tiyan upang mas lumaki. Pero umiiling pa rin ang mga batang palaka hudyat na maliit pa rin siya kumpara sa kanilang nakita. Huminga nang huminga ang amang palaka sapagkat gusto niyang malampasan sang laki nang nakita nang mga batang palaka…hanggang sa pumutok ang kanyang tiyan at siya ay namatay…

Ang ambisyosong palaka. Namatay dahil di matanggap na merong mas malaki sa kanya.

Ambisyoso! Social Climber! Yan ang tawag natin sa mga taong may kagustuhan na umangat sa lipunan kahit na sa masamang paraan. Nandadaya, sumisipsip sa boss, nanunuhol…ito at iba pang pamamaraan ang gagamitin para mapansin at tingalain.

May mga alagad din palang ganyan. Sabi nang magkapatid na Juan at Jaime kay Hesus: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.” Gusto nilang ungusan ang ibang alagad. Gusto nilang may magandang luklukan sila pag nagtagumpay na si Hesus. Pero sabi ni Hesus: “Ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n’yo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n’yo.”

Maraming taong ambisyoso pa panahong ito. Pagkatapos nang eleksyon kanya kanyang pa-good shot sa mga nanalo para mabigyan nang mgandang pwesto. Sa Simbahan meron ding ganyan. Dikit nang dikit sa pari o kaya ay sa Obispo para sila ang mabigyan nang kapangyarihan at magandang upuan. Kung magsalita at umasta ay parang sila ang pari o kaya sila ang Obispo!

Tularan natin si Kristo: nagkatawang-tao upang maglingkod at di upang paglingkuran.

Hwag maging ambisyosong palaka!

Lunes, Mayo 27, 2013

Sakripisyo



Sakripisyo
(Mk. 10: 28-31)

Pamilyar na tayo sa salitang sakripisyo. Pag sinabing sakripisyo ibig sabihin mayroon kang igi-give-up para sa isang mas makabuluhan at mas mataas na pagpapahalaga.

Pero alam nyo ban a ang salitang sakripisyo ay galing sa salitang Latin? Ang salitang ito ay galing sa mga salitang Latin na “sacra”  na ang ibig sabihin ay banal at “facere” na ibig sabihin ay gawain. Kaya nga pag pinagsama itong dalawang salitang ito ang mabubuo ay: gawaing banal.

Sa Mabuting Balita ay binanggit ni Pedro ang kanilang mga ginawang sakripisyo. Iniwan nila ang kanilang pamilya upang sumunod kay Hesus. Sinabi naman ni Hesus na dahil sa kanilang mga sakripisyo sila ay makakatanggap nang gantimpala at sa huli ay makakamit ang buhay na walang hanggan.

Ganito pala ang nangyayari. Pag merong igini-give-up meron itong kapalit na maganda. Hindi mapupunta sa wala ang mga bagay na binitiwan na kung ito ay dahil sa pagsunod kay Hesus. Bumibitiw tayo sa pinapahalagahan natin at iniaalay natin ito sa mas lalong mahalaga. At bunga nito ang gawain ay nagiging banal at ang taong gumagawa nito ay nagiging banal.

Marami ka bang sakripisyo sa buhay mo? Hwag mag-alala, iyan ay gawaing banal…

Linggo, Mayo 26, 2013

Radikal

Radikal!
(Mk. 10: 17-27)

“Mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian nang Diyos.”

It took me years to understand this passage!

Sabi nang mga biblical scholars dapat nating unawain ang sitwasyon, lokasyon at kultura nung panahon ni Hesus upang maunawaan ang mga turo niya. Sabi nila meron daw isang maliit na pintuan papasok sa Herusalem at ito ay hugis karayom. Nakakapasok ang kamelyo dito kung wala itong mga dala at kailangan siyang yumuko dahil sa liit nang pinto. Ang mga mayayaman ay mahirap makapasok dito.. Sila kase ay maraming mga dala at mga gamit na pasan pasan nila at dahil dito hindi siya makakapasok…sasabit ang kanyang mga bitbit at ibang nakasabit sa kanyang katawan. Ang tanging paraan niya para makapasok ay tatanggalin niya ang mga nakasabit sa kanya, ibababa ang mga dala niya at saka isa-isa niya itong ipapasok at saka lamang siya makakapasok dito. Ito daw ang pinatutungkulan ni Hesus na mahirap makapasok ang isang mayaman.

Pero ang mas malalim na pagtingin dito ay ang paglalapat nito sa tunay na buhay. Pangarap ni Hesus sa kanyang Kaharian na walang naghihirap at walang nangangailangan. Lahat ay napupunan. Pero alam natin na saan mang komunidad hindi mawawalan nang mga mahihirap at mga aba. Pwedeng magbigay ang isang mayaman. Charity ang twag nang iba dito. Pero ang totoo mas malaki pa ang hinihingi sa kanya. Hindi pwedeng yung mga hindi na kailangan nang mayaman ang siyang ibabahagi sa mga nangangailangan.

Hindi makatarungan na ang isang tao ay mahimbing na natutulog sa malambot na higaan gayung maraming mga nilalamig sa kalaliman nang gabi!
Hindi rin makatarungan na ang isang tao ay bundat na bundat ang tiyan dahil sa dami nang kanyang kinain gayung marami ang itinutulog na lang ang kanilang kagutuman o di kaya ay sumisinghot nang gamot upang makalimutan na walang laman ang kanilang tiyan!

Hindi makatarungan na ang isang tao ay winawaldas ang kanyang pera sa kung anu-anong bagay gayong maraming tao ang nangangailangan para sa kanilang kalusugan!

Mahirap talagang makapasok sa Kaharian nang Diyos ang mayaman kase malaki ang hinihingi sa kanila. Kahit na pinaghirapan niya sa mabuting paraan ang anumang nasa kanya, hinihiling pa rin ni Hesus na magbahagi. Sa palagay ko ang batayan nang pagkakaroon nang kayamanan ay yung sapat lang para sa ikabubuhay niya at nang kaniyang pamilya at ang labis dito ay hindi na sa kanya…ito ay para na sa mga nasa laylayan nang lipunan.

Mayaman ka ba? Gusto mong mapabilang sa Kaharian ni Hesus? Sundin natin si Hesus…Maging radikal!

Sabado, Mayo 25, 2013

Isang Tatlo

Isang Tatlo
(Trinity Sunday)

Kapag humarap ka daw sa isang malaking salamin ay makikita mo ang iyong sarili. Parehong-pareho kayo nang imahe na nasa salamin sapgkat ito ay repleksyon na nagbubuhat sa iyong sarili. At dahil iyo ding imahe ang nakikita mo sa salamin magkakaroon ka nang damdamin dito at ito ay iyong mamahalin.

Ito raw po ang pwede nating gawing pamamaraan upang kahit papaano ay maunawaan natin ang Banal na Santatlo. Ikaw ang sumisimbolo sa Ama. Ang imahe sa salamin ay sumisimbolo sa Anak. At ang relasyon nang pagmamahal ang sumisimbolo naman sa Banal na Espiritu. Ang Ama ang Nagmamahal (Lover), ang Anak ang Minamahal (Beloved), at ang Banal na Espiritu naman ang Pagmamahal (Love) na namamayani sa dalawa.

Ang pagsasalarawang ito ay hindi lubusang makakapagpaliwanang tungkol sa kabuuan nang Santisimo Trinidad. Hindi kayang arukin nang ating pag-iisip ang misteryong ito. Gayunpaman, sumasampalataya tayo sapagkat ito ang ibinunyag sa atin ni Hesus. Ang sabi ni Hesus: “Ako at ang Ama ay iisa.” Ipinahayag din niya na: “Sa akin magmumula ang ipapahayag nang Espiritu.” Iisa ang Diyos pero sa kanilang walang hanggang pag-iral sila ay Ama, Anak at Espiritu.

Sa hiwaga nang pag-iral nang Banal na Santatlo, maganda na ang ating unawain ay ang kanilang ugnayan sa isa’t-isa: ito ay ang pagkakapantay at pagtutulungan. Ito ang komunidad nang misteryong ito.

Ang Banal na Santatlo ay may pagkakapantay. Walang nauuna sa kanila. Walang nakalalamang. Walang nakatataas at walang ding mababa. Pantay pantay sila saan mang anggulo silipin. Kaya nga ang sabi ni Hesus: “Ang salita nang Banal na Espiritu ay magmumula kay Hesus…” at “ang lahat nang sa Ama ay akin.”

Ang Banal na Santatlo ay merong pagtutulungan. Dahil sa kakapusan nang ating mga salita at limitasyon nang ating pagkaunawa, ipinapahayag natin na ang Diyos Ama ang siyang lumikha (Creator). Ang Diyos Anak ang tagapagligtas (Redeemer), at ang Banal na Espiritu ang tagapagpabanal (Sanctifier). Gayunpaman, sa bawat gawaing ito laging magkakasama ang tatlong persona sapagkat meron silang pagkakaisa. Walang naiiwan sa kanila. Sila ay iisa.

Ito rin ang magandang tingnan natin sa ating komunidad. Meron bang pagkakapantay-pantay sa ating komunidad? Hindi kaila sa bawat isa na meron talagang tinitingala at meron tinitingnang mababa sa lipunan. May mga mayaman at may mga mahirap. May mga makapangyarihan at merong dukhang dukha. May mga nasa taas at maraming nasa laylayan nang lipunan.

Pangarap nang Diyos na ang kanyang nilikha ay maging isa. Hindi nagkakanya-kanya. Walang nagmamataas. Ang lahat ay itinuturing na kapantay. Ang lahat ay nagmamahalan.

Kung meron man tayong pwedeng gamiting simbolo sa paglalakbay na ito ay pwede nating gamiting simbolo ang karwahe na hinihila nang mga kabayo. Kung ang isang kabayo ay papunta sa kaliwa, ang isa naman ay papunta sa kanan, at ang isa ay hindi gumagalaw at ang huli ay tumatakbo papunta sa unahan…wala pa ring mapupuntahan ang karwahe. Ganun din sa pamayanan. Dapat may pagkakaisa. Iba-iba man pero nagkakaisa dahil sa pagmamahal….

Biyernes, Mayo 24, 2013

Minsan Naging Bata Ka Rin

Minsan Naging Bata Ka Rin
(Mk. 10: 13-16)

Paano mo tinatanggap ang mga bata? Sila ba ay itinuturing mong walang alam? Tinitingnan mo ba sila na mahina at walang maitutulong? Sila ba para sa iyo ay pahirap lamang?

Tingnan natin ang karanasan nang mga bata. Kapag may mga usapan ang mga matatanda, hindi pinapasabat ang mga bata. Kapag may pagtitipon ang mga may edad, bihira din na matanong ang mga bata. Karaniwan na din na kapag sila ay nagsalita, hindi sila pinapakinggan o kung pinapakinggan man ay diretso naman sa kabilang tenga.

Ganito din kaya ang pagtrato ni Hesus sa mga bata?

Sa Mabuting Balita ngayon pinagalitan nang mga alagad ni Hesus ang mga bata. Ayaw nilang palapitin kay Hesus. Marahil ay naisip nila na pang-abala lang ang mga bata. Marahil naisip nila na ang mga bata ay dapat na kasama lang nang ibang mga bata at hindi nakikisali sa gawain nang matatanda.

Pero iba si Hesus. Sabi niya : “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.” Tinanggap ni Hesus ang mga bata. Tuwang-tuwa si Hesus sa mga bata. Para sa kanya ang mga bata ay kapantay nang mga may edad na. Hindi mahalaga kung may alam o wala ang mga ito. Hindi mahalaga kung may maitutulong sila o wala. Hindi mahalaga ang edad. Ang mahalaga ay sila ay lumalapit kay Hesus.

Ganyan kase si Hesus. Lahat nang lumalapit sa kanya ay tinatanggap niya. Ang totoo niyan ay gusto ding ipahayag ni Hesus na kailangang tanggapin nang mga tagasunod niya ang mga aba at ang mga walang boses sa lipunan. Ang bata kase ay simbolo nang mga mahihirap at mga nasa laylayan nang lipunan na hindi kinikilala lalo na nang mga nasa kapangyarihan. Gustong ituro ni Hesus na may malaking puwang sa puso niya ang mga walang mukha sa lipunan.

Hamon ito sa mga Kristiyano. Isang malaking iskandalo sa Simbahan na ang mga taong sumusunod kay Kristo ay hindi tumatanggap sa mabababa sa lipunan. Hamon ito na tanggapin natin ang mga bata. Tanggapin natin at tulungan ang mga nasa laylayan nang lupunan.

Sabado, Mayo 18, 2013

Hangin



Hangin
(Pentecostes)

Subukan ninyong hipan ang inyong hintuturo nang maliit lang ang buka nang inyong bibig. Subukan nyo ding hipan ito nang malaki ang buka nang inyong bibig. Ano ang pagkakaiba? Ang hangin na nagmumula sa maliit na buka nang bibig ay hindi mainit sapagkat ito ay nagmumula lang sa bibig samantalang kapag malaki ang buka nang bibig ito ay maiinit palibhasa ito ay galing sa kalooban.

Ito rin ang pwede nating gamitin simbolo sa pagbibigay ni Hesus nang Banal na Espiritu. Ang sabi sa Mabuting Balita: “…hiningahan niya sila at sinabi: ‘Tanggapin ang Espiritu Santo’.” Ang hininga ni Hesus ay nagmula sa kaibuturan nang kanyang kalooban at dahil dito ito ay may init. Ito ay galing sa loob. Ito ang Banal na Espiritu.

Sa Lumang Tipan alam natin na ang hangin na nagmula sa hininga nang Diyos ang nagbigay nang buhay sa putik na kanyang binuo. Ang hininga nang nilikha ay karugtong nang hininga nang Diyos. Kung ganoon kapag pala tayo ay humihinga, ipinagpapatuloy natin ang buhay at sinasariwa natin ang buhay na ipinagkaloob nang Diyos.

Sa Pagkakatawang tao naman ni Hesus ang hangin na nagmula sa kanyang kalooban ay ipinagkaloob sa mga alagad bilang tanda nang pagkakaloob nang Banal na Espiritu. Ang Espiritung ito din ang tinatanggap natin noong tayo ay binyagan at kumpilan. Sa pagtanggap nito binibigyan tayo nang responsibilidad na ipagpatuloy ang misyong sinimulan ni Kristo.

May isang kwento tungkol sa mga parte nang katawan na minsan daw ay nagpayabangan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Ang sabi nang kamay siya daw ang pinakamagaling sapagkat kung wala siya ay mahihirapang gumawa ang tao. Hindi nagpatalo ang pa at ang sabi niya ay siya daw ang pinakamagaling sapagkat kung wala siya ay hindi makakarating sa paroroonan ang tao. Ang sabi naman nang mata ay siya daw sapagkat dahil sa kanya ay nakikita nang tao ang kagandahan nang paligid. Ang sabi naman nang tenga ay siya sapagkat kung wala siya ay magiging tahimik ang lahat. Di rin nagpatalo ang puso at ang sabi niya ay siya ang pinakamagaling sapagkat siya ang nagpapadaloy nang dugo. Ang utak din ay di nagpatalo kase siya daw ang nag-iisip upang magawa nang tao ang lahat.

Pero sa kabila nito may isang parte nang katawan na tahimik lang. Ito ang butas nang puwet. Dahil sa nakita niyang pagpapagalingan siya ay nagsara. Ilang araw na hindi makadumi ang tao. Nanghina ang katawan, paa, mata at tenga nang tao. Pati ang kanyang puso ay bumagal na din ang pagpapadaloy nang dugo. Hindi na rin makapag-isip ang tao. Nakiusap sila sa butas nang puwet na bumukas na at nangako sila na hindi na magpapagalingan sapagkat natutunan nila na ang bawat isa pala ay may kanya kanyang mahahalangang ginagampanan.

Angkwentong ito ay masasalamin din natin sa Simbahan ngayon. Marami ang nagpapagalingan at minamaliit ang kakayahan nang iba. Pero nang ipagkaloob sa atin ang Banal na Espiritu, binigyan tayo lahat nang ating kabahagi sa Simbahan. May kanya-kanya tayong mahahalagang ginagampanan at pag hindi gumampan ang isa ito ay may epekto sa pangkalahatang buhay nang Simbahan. Hindi na lamang tayo dapat na tumahimik at hwag makiaalam. Bahagi tao nang Simbahan at dapat nating kilalanin an gating papel na gagampanan.

May iba’t-ibang ministeryo ang Simbahan at nangangailangan nang taong gagawa. Kulang ang pari. Kulang ang katekista. Kulang ang Lectors and Commentators. Gayun din ang Lay Ministers of the Eucharist. Kulang din an gang mga Collectors. Pwede tayong sumali sa iba’t-ibang religious organization. Pag bata ka pwede kang maging Altar Server o kaya ay sumali sa Parish Youth Ministry. Kailangan ka nang Simbahan…

Miyerkules, Mayo 15, 2013

MYMP

MYMP
(Mothers Day)

Ang MYMP ang isa sa pinakapaborito kong banda. Magaling sila umawit at damang dama mo ang mensahe nang kanilang inaawit (ang tawag yata dun ay pag-e-emote?). Ang bandang ito ay inumpisahan ni Jacques “Chin” Alcantara. Ang kanyang nanay ay marunong tumugtog nang piano pero hindi niya nakita ang kanyang anak na tumugtog professionally. Pumanaw ang kanyang nanay na si Dr. Stella Lopez-Alcantara sa komplikasyon sa sakit na breast cancer noong siya ay 17years old pa lang. Noong nagtayo siya nang banda, iminungkahi nang kanyang kapatid na si Julius na bilang tribute sa kanilang nanay ay MYMP na ang itatawag dito: MYMP- Make Your Momma Proud. At dito nagsimula ang MYMP.

Iba-iba ang katawagan natin sa mga ina. Mommy. Mama. Nanay. Mutter (German). Inang. Nanang. Mamsky. Momsy. Ma. Nay. Mudra. Mamang. Iba-iba man an gating tawag sa ating mga ina, ipinapahayag naman nito ang katotohanan na tayo ay ipinag-dalang tao nila at tayo ay nagmula sa kanila (di totoo yung putok sa buho!) Ipinapakita din nito na tayo ay nasa kanila nang maraming buwan hanggang sa tayo ay isilang.

Ngayong Happy Mothers Day maganda na tanungin natin ang ating sarili kung nagagawa ba nating proud ang ating mga nanay dahil sa ating mga ginagawa.
Alalahanin din natin ang ating Simbahan sapagkat siya ay atin ding ina. Sa lunes tayo ay pupunta sa mga presento upang bumoto. Alalahanin natin ang mga paalala nang ating Inang Simbahan sapagkat ito ay para din sa ating kapakanan:

Hwag magbenta nang boto.
Piliin ang mga kandidato na karapat dapat, yung may kakayahan para sa posisyon na kanyang tinatakbuhan.
Iboto ang mga kandidato na may pusong tulad nang isang ina, ang unang iniisip ay kung ano ang mabuti para sa iba at hindi ang kabutihan niya o nang kanyang pamilya.
Manalangin muna bago bumuto.

Ngayong Happy Mothers Day, alalahanin natin ang lahat nang mga ina at pasalamatan natin sila sa kanilang dakilang pagmamahal sa kanilang mga anak.

Nais ko ding ibahagi ang sulat nang isang ina para sa kanyang anak na sinulat ni Fr. Ariel Robles. Maaring nabasa at napakinggan nyo na ito pero hayaan ninyong muling balikan at sariwain ngayong Mothers Day.

Minamahal Kong Anak,

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.

Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!" paki-ulit nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang.

Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako. Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo nalang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo 'yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.

Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana ... dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...

(http://www.youtube.com/watch?v=JZWhqcgXpRA)

Nagmamahal,
Nanay

Ngayong Mothers Day sana ikaw ay MYMP. Make Your Momma Proud!

Ama Na May Pusong Ina

Ama na May Pusong Ina
(Jn. 16: 23-28)

Meron ka bang alagang manok sa inyo? Nakakatuwang pagmasdan yung mga inahing manok. Kapag mag-aalas sais na nang gabi, nag-iingay na ang inahing manok at tinatawag niya ang kanyang mga sisiw. Kung dati ay sa sanga nang puno ito natutulog, ngayong may sisiw siya, sa ibaba na siya natutulog at ang kanyang mga anak ay sa ilalim nang kanyang mga pakpak natutulog. Ito ang paraan niya para maging ligtas ang mga ito. Ito ang paraan niya upang maging maayos ang mga sisiw.

Ang mga inahing hayop ay nagbabago ang ugali kapag nagkakaroon na sila nang anak. Halimbawa ang aso, kung dati rati ay mabait ito at madaling lapitan, ito ay nagiging mabangis naman at nagiging agresibo upang protektahan ang kanilang mga anak. Kaya nga di na tayo nagugulat kapag tayo ay nakakita nang nakapaskil sa bahay na : “MAG-INGAT SA ASO. BAGONG PANGANAK!”

Lahat nang nanay ay gustong protektahan ang kanyang mga anak. Ibinibigay niya ang mga pangangailangan nito dahil alam niya nang kailangan siya nang mga ito para mabuhay.

Ito rin ang magandang isipin natin tungkol sa Diyos. Ang sabi sa Mabuting Balita; “Humiling kayo ngayon at tatanggap kayo at malulubos ang galak ninyo.” Alam nang Diyos an gating pangangailangan at ito ay kanyang ibinibigay. Ang kailangan lang nating gawin ay manalangin at humiling sa ngalan ni Hesus. Ang totoo nyan ay alam na nang Diyos ang ating kailangan pero kailangan pa rin nating manalangin sapagkat ito ang paraan upang maging handa tayo sa pagtanggap sa biyayang ipapagkaloob nang Diyos.

Katulad nang mga sisiw na tinatawag nang kanilang ina kapag malapit nang gumabi at kapag may nakaambang panganib, tayo din sana ay tumakbo palapit sa Diyos kapag meron tayong pangangailangan. Kpag tayo ay naliligaw, pakinggan natin ang kanyang tinig at tumakbo tayo palapit sa kanya. Katulad nang inang manok, ang Diyos ay meron malapad na pakpak upang yakapin tayo at maprotektahan sa kung anuman ang pwedeng masamang mangyari sa atin.

Alalahanin natin lagi ang mga sakripisyo nang ating mga nanay. Pasalamatan natin sila sa kanilang walang kupas at purong na pagmamahal na hindi naghihintay nang kapalit.

Alalahanin din natin ang ating Diyos. Tinatawag man natin siyang Diyos Ama, siya naman ay may pusong katulad nang sa mga ina. Siya ang Ama na may pusong ina…

Puso ni Nanay

Puso ni Nanay

Ilang beses ko nang narinig ito. Bakit wala tayong ginagamit salita upang tukuyin ang magulang na namatayan nang kanyang anak? Kapag namatayan nang asawa ang tawag natin ay balo. Pag namatayan nang magulang ang tawag ay ulila. Pero walang tawag sa magulang na namatayan nang anak. Bakit nga kaya?

Ang sabi nila wala daw term na pwedeng gamitin sa magulang na namatayan nang anak sapagkat hindi kayang ipaliwanang ang sakit na nararamdaman nang magulang sa sandaling pumanaw ang anak. Naging normal na sa atin na ang mga anak ang maglilibing sa magulang at hindi ang magulang ang maglilibing sa anak.

Kaya nga sa mga pagkakataon na may sakit ang anak, gusto nang magulang na kung pwede nga lang ay sila na ang ang may sakit. Kung pwede nga lang na ibigay nila ang sariling buhay upang madugsungan kahit kaunti ang buhay nang kanilang anak.

Noong 1861 isang bata ang ipinanganak sa Calamba, Laguna, isang batang lalaki. Pampito siya sa magkakapatid. Bata pa lang ang kanyang anak na ito ay tinuruan na nang kanyang nanay nang abakada. Inalagaan at tinuruan siya nang kanyang nanay. Pinag-aral sa eskwelahan at naging napakatalino. Nang tumanda nang ang nanay niya ay nagkaproblema ito sa mata kaya nga ang anak niyang ito ay nagpakadalubhasa sa panggagamot sa mata at ang kanyang ina ay inoperahan upang malinaw na makakita. Ang nanay na ito ay si Teodora Alonzo at ang kanyang anak ay si Jose Rizal.

Dagdag na kaalaman pa. Ang nanay ni Rizal ay nakulong nang mahigit dalawang taon dahil sa bintang na panglalason sa asawa nang kanyang kapatid pero siya ay napawalang sala din. Siya din ay pinaglakad nang mahigit 50 kilometers dahil ayaw niyang gamitin ang apelyedong Kastila na ibinibigay sa kanila. Buhay pa siya nang barilin ang kanyang anak na si hesus. Nasaksihan din niya ang deklarasyon ang pagtatayo nang monumento ni Rizal. Ang dami niyang sakripisyo. Pero nagawa niya ito sapagkat siya ay may pusong ina.

Alalahanin natin ang mga ina. Salamat sa mga may pusong ina…

Happy Mothers Day

Happy Mothers Day
(Jn. 16: 16-20)

Happy Mothers Day na ilang araw na lang. Pero alam nyo po ba na ang isa sa pinakamahirap na pinapagdaanan nang isang ina ay ang paglilihi at panganganak? Alam nang mga magulang iyan na mahirap ang maglihi at ang panganganak lalo na kapag natural na panganganak. Pero masakit man at mahirap ang karanasang ito, nawawala naman lahat nang ito sa sandaling mailuwal na ang bata. Kasiyahan at kagalakan na ang namamayani sa sandaling mayakap na niya ang kanyang anak.

Sa karanasang ito din maihahambing natin sa karanasan nang mga kristiyano. Ang sabi ni Hesus: “…tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.”

Ang pagiging Kristiyano ay hindi madali. Maraming dapat na gawin. Hindi pwede ang walang pakialam. Ang pagiging Kristiyano ay pagsunod sa ginawa ni Kristo: pagiging kabahagi nang buhay mga nasa laylayan nang lipunan, paninindigan para sa katotohanan, pagkampi sa mga inaapi, pagyakap sa katarungan, pagmamahal na walang pinipili…Hindi lang pagsisimba, hindi lang pagdarasal. Kailangang may gawa!

Ang pagiging tagasunod ni Kristo pala ay isang seryosohang bagay. Sabi nga nung mga tambay sa kanto: Hindi ito “just just.” Ito ay isang uri nang pamumuhay. Either you are a Christian or not. There is no middle ground. Pakyawan ang pagiging Kristiyano.

Pero hwag mag-alala kung maraming sakripisyo ang pagiging tagasunod ni Kristo sapagkat may pangako naman siya na pagkatapos nang lahat nang ito, mayroon namang kaligayahan at muling pagkabuhay.

Tularan natin ang mga nanay. Kagalakan na nila ang magsakripisyo para sa kanilang mga anak…

'Til The End

‘Til the End
(Jn. 16: 12-15)

Noong 1992 Barcelona Olympics, si Derek Anthony Redmond, isang British, ay sumali sa sa 400 meter dash. Nakapasok siya sa semi-final at nung siya ay tumakbo na at malapit na sa finish line, nagkaroon siya nang injury sa hamstring. Siya ay bumagsak. Nilapitan siya nang mga may dala nang stretcher upang siya ay buhatin pero hindi siya pumayag. Gusto niyang tapusin ang karera. Nakita siya nang kanyang ama na si Jim na nanonood sa gilid nang palaruan. Nilampasan nang ama niya ang mga gwardiya at lumapit kay Derek. Inakay niya ang kanyang anak hanggang sa makarating sa finish line. Nagtayuan ang mga taong nakasaksi at nagpalakpakan dahil sa kanilang nasaksihan. Tinapos nilang mag-ama ang karera…

Si Hesus ay bumalik na sa Diyos Ama pero meron naman siyang ipinadala na aalalay at gagabay sa atin. Ipinadala ni Hesus ang Banal na Espiritu upang matapos natin ang ating paglalakbay pabalik sa Ama. Ang kailangan lang natin ay maging matatag tayo at bumangon kapag nadadapa. Hwag din mag-alala sapagkat may aalalay sa ating paglalakbay, ang Banal na Espiritu…

Hwag sumuko…Hwag bibitiw...Tuloy ang laban! Hanggang sa huli…

Uwian Na!

Uwian Na!
(Jn. 16: 5-11)

Napansin nyo po ba na yung mga bata habang sila ay papasok sa paaralan sila ay naglalakad pero kapag uwian na sila ay tumatakbo? Ang dahilan nito ay sapagkat ang mga batang ito ay masaya na sila ay uuwi na sa kanilang tahanan.

Lahat tayo naghahangad na pagkatapos nang maghapon ay meron tayong tahanan na mauuwian. Hindi lamang bahay ang ating hinahanap. Ang gusto natin ay yung mga taong kasama natin sa bahay. Ang totoo nyan ay sila ang nagpapaligaya sa atin kaya gusto nating umuwi.

Si Hesus pagkatapos nang kanyang misyon sa mundo ay uuwi na din sa kaharian nang Diyos. Hindi ito madali para sa mga alagad sapagkat nakasandal na sila kay Hesus para sa mga gawain. Pero ang sabi ni Hesus: “…makabubuti sa inyong umalis ako sapagkat kung hindi ako aalis, hindi makakarating sa inyo ang Tagapagtanggol.” Babalik pala siya sa Ama upang isugo ang banal na Espiritu na gagabay sa mga alagad upang sila din ay makabalik sa Ama.

Pagod ka na ba sa buhay mo? Di mo ba alam kung saan ka pupunta? Nalilito ka ba kung anong gusto mong mangyari sa buhay mo? Naghahanap ka ba nang kapahingahan?

Magpaakay sa Banal na Espiritu. Magbalik ka na sa Ama. Hinihintay ka na niya…

Rejection

Rejection
(Jn. 15: 26 – 16:4)

Si Michael Jordan ang itinuturing na isa sa pinakamagaling na manlalaro sa buong mundo. Pero alam nyo ba na nung nagsisimula pa lang siya ay naka-experience siya nang rejection? Siaya ay nasa edad na 16 years noon at ang mga kasama niya ay mas may edad sa kanya. Kahit na magaling siya maglaro nang basketball hindi siya isinali sa team sapagkat bata pa siya at ang isinali ay yung mga manlalaro na may edad na 18. Kaya nga si Michael ay walang nagawa kundi maglaro sa junior varsity na mga manlalaro na may edad na tulad nang sa kanya. Dahil doon siya ay nagsikap na pagbutihin ang kanyang paglalaro. Na-reject man siya noon ito naman ang naging motibasyon noya na mag-ensayo upang gumaling siya sa paglalaro nang basketball. Siya ngayon ang itinuturing na pinakamagaling na manlalaro nang basketball.

Lahat tayo gusto nating tinatanggap tayo. Ayaw natin yung tayo ay hindi nagiging bhagi nang kung ano man ang gusto nating samahan. Ayaw natin yung nare-reject.
Pero tandaan natin na kahit si Hesus ay hindi rin tinanggap nang marami. Na-reject din siya. Pero hindi iyon naging hadlang upang ipagpatuloy ang plano nang Diyos.

Na-reject ka ba? Hindi ka ba tinanggap? Maging hamon sana iyan na ikaw ay magpakabuti…

Ang Ostrich, Ang Bulkan, at Ang Libingan

Ang Ostrich, Ang Bulkan, at Ang Libingan
(Jn. 14: 23-29)

Kapayapaan. Lahat tayo naghahangad nang kapayapaan. Pero anong klaseng kapayapaan kaya ang ating hinahanap?

Ayon kay Fr. Willy Villas mayroon daw tatlong uri nang kapayapaan na alam ang daigdig: kapayapaang ostrich, kapayapaang bulkan, at kapayapaang libingan.

Ang kapayapaang ostrich. Ang ostrich daw kapag nasa panganib ay itinatago na lamang ang kayang ulo upang di niya makita ang panganib na nasa kanyang paligid. Pag di niya nakikita ang panganib, pakiramdam niya ay ligtas na siya at ang lahat ay payapa. May mga taong katulad din nang ostrich ang pagtingin sa kapayapaan. May mga tao na kapag may mga di magagandang nangyayari sa paligid ay ipipikit na lang ang mga mata upang di ito makita. May mga tao na kapag may mga kamalian sa lipunan ay ititikom na lang ang bibig at magbubulag-bulagan na tila ba walang nangyayaring masama. Ito yung mga taong walang pakialam at hindi nakikialam sapagkat para sa kanila kapag sila ay nakialam ay maaapektuhan ang kanilang “mapayapang buhay.” Ang kanilang pamantayan ay: “Basta masaya ako, bahala sila sa buhay nila.”

Ang ikalawang uri nang kapayapaan na alam nang daigdig ay ang kapayapaang bulkan. Ang bulkan sa panlabas ay payapa. Ilang lingo na ang nakakaraan ay nakita naming ang bulkang Mayon. Napakaganda nito at maswerte kami sapagkat walang gaanong ulap at nakita naming ang tuktok nito. Pero sabi nang mga tao doon nakakatakot ito sapagkat payapa man sa labas sa loob naman nito ay mainit at kumukulong “magma.” Para din itong mga tao na sa panlabas ay tila ayos lang yun pala ay nasa loob ang kulo. Para sa kanila mas mabuting itago ang nararamdaman kesa ipahayag ito at baka hind imaging maayos ang samahan. Ugali din ito nang mga taong nagpapadala na lang sa agos minsan ay dahil sa takot at minsan ay dahil sa may kapangyarihan.

Ang ikatlong uri nang kapayapaan ay ang kapayapaang katulad nang libingan. Ang mga bangkay na nasa libingan ay walang pakialam. Hindi na alintana ang kapangitan nang paligid. Hindi na pinapansin ang anumang nagyayari dahil nga sa sila ay wala nang buhay. Maraming taong ganito. Talagang walang pakialam. Kahit na nga nakikita na kailangan ang tulong nila, hindi pa rin kumikibo upang magbigay nang tulong. Sila ay: “Hindi nagpapahirap pero hindi rin naman sila nakakatulong!”
Ang sabi ni Hesus: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad nang pagbibigay nang mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo.” Ang kapayapaang gusto ni Hesus para sa atin ay hindi kapayapaang katulad nang ostrich; hindi katulad nang bulkan, at hindi rin katulad nang libingan. Sila ay buhay na patay.

Ang kapayapaang gusto ni Hesus ay base sa katotohanan. Hindi nagpipikit nang mata sa mga nangyayari sa paligid. Ito yung kapayapaang bunga nang pakikisangkot kung anuman ang nangyayari sa paligid. Ito yung kapayapaang hindi nagtatago kapag may nangangailangan

Ang kapayapaang kaloob ni Kristo ay makakamtan natin kung tatahakin din natin ang daang tinahak ni Hesus. Ito ang daan nang pakikipag-kapwa-tao, pagdamay sa nangangailangan, pagtutuwid sa struktura nang kamalian, pagtulong sa naghihirap at inaapi nang lipunan, pagmamahal na walang pinipili.

Gusto mo nang kapayapaan? Tinig ni Hesus ay iyong pakinggan! Ang daan ni Hesus ay iyong sundan!

Biyernes, Mayo 3, 2013

Bakit Kaya?



Bakit Kaya?
(Jn. 15:18-31)

Bakit kaya maraming nagagalit at tumutuligasa sa Simbahang Katolika?

Kamakailan lang ay may naglabas nang survey na nababawasan daw ang mga nagsisimba. Ang dahilan daw nito ay sapagkat nakikihalo ang Simbahan sa pulitika kasama na diyan ang tungkol sa isyu nang RH law na tinutulan nang Simbahan, ang pagpapahayag nang mga pamantayan sa tamang pagboto, at iba pang mga social issues. Bagaman ito ay isang survey na pwede nating paniwalaan o hindi paniwalaan, maganda na ito ay ating pag-isipan. 

Sa Belgium, si Archbishop Andre-Joseph Leonard ay nagpapahayag nang turo nang Simbahan tungkol sa homosexuality ay sinigawan, binuhusan nang tubig nang mga hubad na kababaihan habang nasa isang forum.(forumhttps://www.facebook.com/photo.php?fbid=370721629698734&set=a.368953113208919.1073741828.368930013211229&type=1&theater) Di na nila iginalang ang matanda. Bakit kaya?

Sa Mabuting Balita ngayon ipinahayag ni Hesus na: “Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo.”

Mauunawaan natin ang bahaging ito nang isinulat ni San Juan kung babalikan natin ang kalagayan nang kanilang komunidad noong panahong iyon. Marami ang galit sa mga Kristiyano sapagkat tumutol sila na sambahin ang diyos nang emperyong Romano. Ito kase ang palatandaan na kinikilala nila ang pamumuno nang Cesar. Pero ang Diyos ang hari na kanilang kinikilala. Siya lamang ang dapat na sundin. Ito ang dahilan kung bakit marami sa unang kristiyano ang naging martir dahil sa paninindigan sa pananampalataya.
Sa panahon ngayon ito rin ang magandang maging gabay. Ang kalooban nang Diyos ang dapat na laging nasusunod. Hindi ang kalooban nang nakararami. Hindi ang kagustuhan nang mga nasa kapangyarihan. Ang susundin ay ang diyos lamang.

Bakit kaya? Sapagkat hindi tinutupad ang salita ni Kristo! Mapoot man ang mundo, ang mahalaga sinusunod natin si Kristo.