Lunes, Marso 18, 2013

Liwanag

Liwanag
(Jn. 8:12-20)

Naranasan nyo na ba na isang gabi ay may ginagawa kayo tapos biglang nawalan nang ilaw, brownout pala, tumigil kayo sa inyong ginagawa, di kayo umaalis sa inyong kinalalagyan hoping that magbabalik din ang ilaw kaagad pero makalipas ang isang minuto, limang minuto, sampong minute ay wala pa ring ilaw? Nag-decide na kayo na humanap nang ilaw. Kakapa-kapa kayo sa palagid upang kuhanin ang flashlight o kaya ay lighter sa inyong kwarto. Sa inyong pagkakapa natabig ninyo ang vase nang bulaklak, nahulog ito at nabasag. Lumakad pa kayo sa dilim at natapakan nyo naman ang mga laruan nang inyong anak na nakakalat sa sahig at ito ay nasira. Nagtuloy kayo sa inyong paglakad at di nyo alam may hagdan na pala kayong tutuntungan kaya kayo ay napasubasob. Naranasan nyo na po ba iyon? Ang hirap po nun di ba?

Mahalaga na may ilaw sapagkat ito ang nagiging gabay natin upang makita natin ang nasa ating paligid. Pag walang liwanag dilim lang ang maghahari sa paligid.

Kaya nga hindi kataka-taka na si Hesus ay nagpapakilala na siya ang Liwanag. Ang sabi niya: “Ako ang Liwanag nang mundo.” Totoo po ito. Tingnan natin…

Sa pamahalaan kapag hindi dinala si Kristo dilim din ang naghahari. Kaya nga kabi-kabila ang mga balita tungkol sa mga corruption. Sila-silang mga namumuno ay nagbabangayan. Akusasyon dito akusasyon doon. Walang tigil. Wala ding hiya-hiya. Di ba nila kaya na maglingkod nang tapat at magtulong-tulong dahil pareho din naman sila nang sinasabi na gusto nilang maglingkod? Di nila kase dinadala si Hesus sa paglilingkod. Matatalino sila at marami pa ang kanilang pinag-aralan pero di pala sapat iyon. Dapat kasama si Kristo.

Sa pook nang trabaho dilim din ang bumabalot. Ilang mga magkakasama sa trabaho ang di nag-iimikan at may sama nang loob kase naiinggit sa ibang kasamahan na mabilis ang promosyon. Ang iba ay paborito ni Boss kaya naman mahigit pa sa boss kung kumilos. Kanya-kanyang pasikatan, kanya-kanyang sikuhan, kanya-kanyang sipsipan. Kanya-kanya ding balyahan. Ganito rin kahit sa mga nagtatrabaho sa Simbahan. Di ba natin kayang gumawa ayon sa hinihingi nang ating mga trabaho at di tinitingnan ang iba? Wala pa rin kase si Kristo sa pook nang trabaho. Iniwan sa simbahan si Kristo. Di pala sapat ang kakayahan sa paggawa. Kailangan kasama si Kristo.

Sa paaralan. Ang mga estudyante kanya-kanyang diskarte para makapasa at makaakyat nang stage. Daya doon, daya dito, kopya roon, kopya rito...palakasan kay madam, papogi kay sir…Wala pa rin si Kristo. Kinalimutang dalhin sa pag-aaral. Di pala sapat ang kakayahan. Kailangan kasama si Kristo.

Sa pamilya ganun din. Sa una loving loving pero pagkatapos nang ilang panahon away-away na. Pag lumabas na ang mga insecurities, pag si misis di na sexy, pag wala nang panahon sa isa’t-isa…kahit ano na lang. Kinalimutan kase na bigyan nang puwang si kristo sa tahanan. Napagod ang isip, napagod ang katawan, napagod ang puso. Di pala sapat ang pagmamahalan. Dapat kasama si Kristo.

Dapat kasama lagi natin si Kristo kahit saan. Kung gusto nating lumiwanag ang mundo, isama lagi natin si Kristo!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento