Lunes, Marso 25, 2013

Back Subject


Back Subject
(Jn. 13:21-33, 36-38)

May back subject ka ba?

Tapos na ang pasukan. Hindi naman talaga lahat nang studyante nakakapasa. Minsan may subject na pula ang marka. Bagsak. Di pasado. Di nakapasa sa pagsusulit. Di naabot ang kaalaman. Di nalampasan ang panukat nang natutunan. Kailangang balikan. Kailangang i-enroll ulit para maka-graduate.

Sa buhay ganun din. May mga back subjects tayo. Kayabangan. Insecurities. Kadamutan. Pagmamataas. Katamaran. Pagiging pasaway. Pagmamagaling. Paulit-ulit na kasalanan. At marami pang iba. Iyan ay mga back subjects nang buhay.

Si Pedro na siyang kinikilalang una sa mga apostoles may back subject din pala. Sinabi niya kay Hesus: “Maiaalay ko ang buhay ko alang-alang sa iyo.” Pero alam natin ang nangyari. Ilang oras lang matapos niyang banggitin ito, itinatwa niya si Hesus nang tatlong beses. Pero ang maganda kahit ganun si Pedro, binigyan siya ni Hesus nang pagkakataon para makabawi. Nung muling mabuhay si Hesus, tatlong ulit na tinanong siya ni Hesus kung mahal siya nito (tingnan ang Jn 21: 15-17). Tatlong ulit din na sumagot nang oo si Pedro. Muli siyang nakabawi. At dahil naipasa niya ito,ipinagkatiwala ni Hesus ang pagpapastol sa kawan nang Diyos.

Si Judas may back subject din. Ipinagkanulo niya si Hesus. Pero ang kaibahan niya kay Pedro ay: si Judas ay din na muling nag-enroll, din na siya muling bumangon, pinutol na niya ang kanyang buhay, siya na mismo ang tumangging magpatuloy; si Pedro naman nagpatuloy sa pag-aaral sa buhay, nagsimula muli at natuto.

Lahat tayo may back subjects sa buhay. Walang nakaliligtas. Mayaman ka man. Matalino ka man. Mataas man ang iyong posisyon sa lipunan. Matanda ka man. Pari ka man. Lahat meron nito. Ang kailangan natin ay maipasa ito. Pag bumagsak tayo, magsimula ulit…mag-enroll sa paaralan ni Hesus…paaralan na tinatawag na buhay.

Lumapit tayo kay Hesus at magpaturo sa kanya upang matuto tayo sa buhay. Pagkatapos nang lahat nang ito siguradong makakamit natin ang diploma nang kaharian nang Diyos…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento