Miyerkules, Marso 20, 2013

Circa 2013 (pagbabago)



Circa 2013
Pagbabago

Ang taong ayaw magbago kahit anong gawin mo, di pa rin magbabago…
Minsan may nakausap akong ale. Gusto daw nyang makakausap nang isang pari para mai-share nya ang kanyang pinagdadaanan. Masama pala ang loob nya sa biyanan niya kase pinalayas sila sa bahay nito. Mula noon din na siya bumalik pa sa bahay na ito. Pati asawa niya inaaway niya kapag umuuwi ito sa bahay nang magulang niya. Matagal kami nag-usap. Sa huli sabi niya: “Father masisira ka sa akin. Hindi mo ako mapagkakasundo sa biyanan ko.” Napangiti na lamang ako….
Ang isang tao kapag ayaw niyang magbago, walang magagawa ang iba. Pilitin man siya, takutin man siya, saktan man siya, di pa rin siya magbabago hanggat hindi siya gumagawa nang desisyon na magbago. Kahit pa ilang pari ang kumausap sa kanya, kahit na nga ang Santo Papa ang kumausap sa kanya, di pa rin siya magbabago kung di siya bukas sa pagbabago. Kahit na nga ikulong o kaya ay pagbantaan ng Pangulo ay di pa rin magbabago hangga’t sarili ay sarado. Kahit na nga santo o kaya ay si Mama Mary o kahit na nga ang Diyos ang kumausap hangga’t ayaw magbago nang isang tao, wala pa ring pagbabago.
Ang pagbabago kase ay isang personal na desisyon. Nagbubuhat kase sa loob ang pagbabago at hindi sa labas.
Minsan ang iniisip natin ay ang ibang tao ang dapat na magbago. Hinihintay natin at pinipilit ang iba na makibagay sa atin. Ang nagiging pamantayan natin ay: “Siya dapat ang magbago nang ugali kase siya ang mali!” Pero panu nga kung ayaw niya na magbago nang ugali?
Mahirap man ay ang sarili dapat ang baguhin. Hwag nang hintayin na magbago ang iba kahit na nga mali sila. “Ako na ang magbabago para sa kanila: dadagdagan ko pa ang pang-unawa, mas magiging mabait ako sa kanya, mas lalo ko siyang mamahalin…”
Hwag mong hintayin ang iba na magbago. Ikaw na mismo ang magbago para sa kanila!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento