Martes, Marso 12, 2013

Grafting

Grafting
(Jn.5: 17-30)

“Kung ano ang puno, siya ding bunga.”

Ang kasabihang ito nang matatanda ay alam na alam nating mga Pilipino. Kung ang puno daw ay mangga, ang bunga nito ay mangga din hindi pwedeng santol. Pag ang puno ay bayabas, ang bunga nito ay bayabas din hindi duhat.

Pero sa panahon ngayon, dahil sa kaalaman nang tao, may mga puno na pwede nang pagsamahin at nagkakaroon nang ibang bunga. Isa sa halimbawa nito ay ang grafting. Sa pamamaraan nito, ang puno ay puputulin at ito at dudugsungan nang puno na galing sa ibang halaman na kapamilya din nito. Halimbawa, ang puno nang citrus ay pwedeng dugsungan nang orange. Kapag dinagdagan mo pa ito nang ibapang kapamilyang puno halimbawa ay ubas pwede rin…Hindi na lang citrus ang bunga nito. Ang magiging bunga nito ay “fruit cocktail!”

Sa IRRI may nabasa ako na sa buong mundo isang tao lang, isang Pilipino, ang may kakayahan na mag-grafting nang palay. Ang isang variety ay kayang dugsungan nang ibang variety.

Pero merong isang kakaibang produkto nang grafting ang aking nadiskobre sa kwentuhan nang mga tambay dyan sa kanto. Sabi nila pwede na rin daw mag-grafting nang kawayan at saging. Ang kawayan ay dudugsungan nang saging! Di ako makapaniwala kaya sabi nila pumunta ka Father sa palengke madami dung bunga nito. Ang bunga pala nang grafting nang kawayan at saging ang tawag ay BANANA Q. Kaya nga ang bunga naman nang pinagsamang kawayan at kamote ay Camote Q.

Kung ano ang puno ay siya ring bunga…

Ang kahulugan daw nito ay kung ano at sino ang iyong pinanggalingan ay masasalamin sa isang katauhan. Kung broken family ang iyong pinanggalingan, may ugali ka din na produkto nang di-buong pamilya. Kung galing ka naman sa masayang pamilya, may ugali ka ding minana mula sa kanila.

Sa Mabuting Balita, ito rin ang sinasabi ni Hesus. Siya ay galing sa Diyos Ama kaya kilala niya ang ama. Dahil sa malalim na relasyon niya sa Diyos Ama, ang kanyang ginagawa at iniisp ay katulad nang sa Ama. Si Hesus ay nakaugat sa Ama at dahil dito siya at ang Ama ay iisa.

Tayo ay mga Kristiyano at ang tunay na Kristiyano ay sumasalamin sa kilos at salita ni Kristo na siya naming sumasalamin sa kilos at salita nang ama.

Sana ang kilos at salita natin ay laging maging katulad ni Hesus na sa atin ay tumubos. Si Hesus ang ating puno, tayo ang mga bunga.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento