Amang Mapagmahal
(Jn. 9: 1-41)
Mabait ba ang tatay mo? Mapagmahal ba ang tatay mo?
Minsan lang ako napalo nang tatay ko. Kami ay tatlong magkakapatid na
lalaki. Yung panganay ngayon ay isang pulis na ngayon. Tapos ako na. Ang
bunso naman naming ay nagtatrabaho sa DILG. Noong bata pa kami malimit
kaming mag-away na magkakapatid. Nung minsan naabutan niya kami nang
kuya ko na nag-aaway. Kumuha si tatay
nang sinturon at pinalo kami nang isang beses. Isang lingo din ang
latay sa binti ko. Ayaw ni tatay na nag-aaway kaming magkakapatid.
Simula noon din a niya ako pinalo pa (kase di na namin ipinapakita na
nag-aaway kami…he he he…). Siguro nakita din ni tatay na masyadong
napalakas ang palo niya at marahil naisip niya na natuto na kami kaya di
na ako nakatikim nang palo mula sa kanya simula noon.
Noong
minsan naman naggala ako sa ilog na malapit sa amin. Dahil bata pa ako
noon, di ko na namalayan na hapon na pala. Di na ako nakakain nang
tanghalian. Takot na ako noon umuwi. Pero pag-uwi ko nakita ako nang
tatay ko. Dinala ako sa tabi nang poso at siya pa ang nagpaligo sa akin.
Sinabihan lang niya ako na huwag nang gumala sa ilog.Di niya ako
pinalo. Di niya ako pinagalitan. Yan ang tatay ko…
Ikaw? Anong masasabi mo sa tatay mo?
Sa Mabuting balita ngayon ipinakikilala ni Hesus ang Diyos Ama bilang
mapagmahal na ama. Ang talinhagang binabanggit ni Hesus ay sumikat sa
pamagat na “Ang Alibughang Anak”. Pero sabi nang mga manunulat mukhang
di raw ito akma. Ang tugmang pamagat nang talinhaga ay dapat na “Ang
Mapagmahal na Ama.” Isa-isahin natin ang mga tauhan sa talinhagang ito.
Ang bunsong anak. Siya ang alibughang anak. Lumapit siya sa ama at
hiniling na ibigay sa kanya ang kanyang mamanahin. Hindi po ito
pangkaraniwan sapagkat sa kultura nila at kahit na nga sa atin ang mana
ay ibinibigay kapag patay na o kaya ay malapit nang mamatay ang ama. Sa
paghingi niya nang mana niya, para na din niyang itinuturing na patay
ang ama. Lumayo siya sa pamilya at nilustay ang lahat nang kanyang
minana.
Ang panganay na anak. Siya naman ang mainggiting anak.
Nang nakita niya na nagpa-party ang pamilya dahil sa pagbabalik nang
alibughang anak, siya ay nagtampo. Ayaw niyang makisaya sa pagbabalik
nang kapatid niya.
Ang mapagmahal na ama. Pambihira ang
ipinakitang kabaitan ng ama. Iginalang niya ang desisyon anak niya na
kunin na ang mana nito. Sa pagbabalik nito ay tinanggap niya muli ito.
Kung gagamitin natin ang ating imahinasyon…Ang amang ito ay maaaring
laging nasa balkunahe, nakaupo sa tumba tumba…malayo lagi ang
tingin…mapanglaw ang mukha…Hinihintay niya lagi ang anak na isang araw
biglang babalik ang bunsong anak. At iyon nga ang nagyari. Bumalik ang
anak. Patakbo niyang sinalubong ang matagal na niyang hinihintay.
Niyakap at hinagkan. Walang tanung-tanong. Walang galit. Walang
paninisi…Sa panganay na anak naman, nung hindi ito pumasok, sinuyo ito
nang ama. Ang ama pa ang nakiusap sa anak.
Ang dalawang anak ay
sumisimbolo din sa atin. Sa maraming beses tayo din ay maituturing na
alibugha at mainggiting anak. Walang perpekto sa atin. Lahat naman tayo
ay may mga pagkukulang na nagagawa. Pero sa kabila nito laging
naghihintay ang ating Diyos sa ating pagbabalik. Hindi lang siya
naghihintay. Siya pa ang naghahanap sa atin at nanunuyo na tayo ay
bumalik na sa kanya. Kapag tayo ay gumagawa ng kasalanan tayo mismo ang
lumalayo sa Diyos..iniiwan natin siya. Tinatanggap ng Diyos ang lahat ng
nagbabalik-loob sa kanya.
Hindi nais ng Diyos na mapahamak
ang sinuman sa atin. Ang gusto niya ay makasama ang lahat sa kanyang
kaharian. Natutuwa ang Diyos sa pagsisisi ng sinuman at sa
pagbabalik-loob sa kanya. Ang Diyos ay hindi magagalitin at hindi rin
uhaw sa pagpaparusa. Ang Diyos ay mabait at walang hanggan ang kanyang
pagmamahal.
May isang kwento sa isang lugar daw ay nagkaroon
nang sunog ang isang bahay. Sa taas ng bahay ay mayroong isang batang
naiwan. Nasusunog na ang ibabang parte ng bahay kaya hindi ito makuha ng
mga tao na gusto siyang iligtas. Dumating ang mga bumbero at inutusan
ang batang tumalon mula sa nasusunog na bahay at siya ay sasambutin nang
mga bumbero. Hindi ito tumalon. Dumating din ang mga pulis. Inutusan
itong tumalon at sasambutin nang mga pulis pero di pa rin ito tumalon.
May isang lalaki naman na dumating. Inutusan niya ang bata na tumalon.
Isang utos lang at tumalon na ang bata. Nagtaka ang mga tao kung paano
niyang napatalon ang bata. Sinabi niya: “Ako ang kanyang tatay.”
Magbalik-loob tayo sa Diyos. Tularan natin ang bata. Magtiwala tayo sa
Diyos. Sasambutin niya tayo sa mga pagkakataong tayo ay babagsak. Di
natin kailangang kumapit sa kanya. Siya mismo ang hahawak sa atin. Di
niya tayo bibitawan. Ang ating Diyos ay mapagmahal na Diyos. Siya ang
mapagmahal na Ama. Siya ay mabait at mapagmahal na tatay…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento