Sabado, Agosto 24, 2013

Handaan

Handaan
(Lk. 13: 22-30)

May isang kwento tungkol sa isang mag-ama na nakatira sa isang parang. Ang ama ay matagal ng nasa banig ng karamdaman. Matagal na siyang inaalagaan ng kanyang anak. Napagod na ang anak sa pag-aalaga dito kaya naisip niya na dalhin na lang sa bundok ang kanyang ama at iwan dito upang doon na mamatay.

Kaya nga isang araw ay binuhat niya ang kanyang ama paakyat ng bundok. Malayo na ang kanilang napuntahan ng mapansin ng anak na habang daan ay binabali ng kanyang ama ang mga sanga sa gilid ng kanilang madaanan.

Tinanong ng anak ang kanyang ama kung bakit niya binabali ang mga sanga. Sumagot ang kanyang ama: “Kase anak malapit ng gumabi. Binabali ko ang mga sanga upang sa iyong pag-uwi ay hindi ka maligaw sa bundok na ito. Sundan mo lang ang mga sangang binali at siguradong makakuwi ka sa ating tahanan.”

Nung marinig ng anak ang sagot ng ama, umuwi na siya sa kanilang tahanan buhat pa rin niya ang kanyang ama na ang hangad ay ang kabutihan ng kanyang anak.

Ang Panginoong Diyos ay isang ama na hindi nagnanais na mapahamak ang kahit isa niyang nilikha. May plano ang Diyos na sa huli ay meron ang bawat isa na lugar sa piging ng Kaharian ng Diyos. Ngunit hindi lahat ay makakarating sa salu-salong ito. Merong mga maiiwan sa labas ng pintuan at hindi na papayagan na makipagdiwang.

Isang katotohanan na itinuturo ng Mabuting Balita ngayon ay: hindi pala sapat na maging kasama ni Kristo upang maligtas, hindi sapat na tawaging Kristiyano upang tanggapin sa Kaharian ng Diyos. Binabali ni Hesus ang pananaw ng maraming Hudyo na dahil sila ay mula sa lahi ni Abraham ay nakakasigurado na sila ng kaligtasan. Kapos pala ang mga bagay na ito.

Ang kaligtasan ay parang isang handaan. Nakalatag na ang mga pagkain. Inihanda na ito ng Diyos. Inaanyayahan ang bawat isa na kunin ang mga pagkaing ito. Nasa bawat isa kung siya ay lalapit o kakain ng mga handa.

Iniligtas na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Pero ang kaligtasang ito ay hindi ipinipilit ng Diyos. Nakasalalay din sa paggawa kung handa ba ang bawat isa na tanggapin ito. Kaya nga ang panawagan niya ay: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan…”

Ang Panginoon ay isang ama na naghahangad na makasama ang lahat niyang mga anak sa kanyang tahanan ngunit hindi siya namimilit. Malaya ang bawat isa na pumili.

Piliin natin na makasama sa Kaharian niya sa pamamgitan ng pagsunod sa kalooban niya…

Tara...Kain tayo...Hwag mag-alala, walang pork dito!

Biyernes, Agosto 23, 2013

Mangyan Ako

Mangyan Ako
(Jn. 1: 45-51)

Bakit nga ba mahilig tayong mag-kahon ng mga tao. Kapag nalalaman natin ang pinanggalingan ng isang tao, binibigyan na agad natin ng kung anu-anong adjectives at pangalan. Halimbawa:

Pag Muslim – nagtitinda ng DVD
Pag Taga-batangas – Barako
Pag Bisaya – Inday, katulong
Pag Taga Antique – Aswang
Pag Pinay sa ibang bansa – Domistic Helper
Pag Taga-Mindoro – Mangyan, may buntot

Hwag ganun...

Si Hesus naranasan din niyang ikahon. Sabi ni Natanael tungkol kay Hesus: “May mabuti bang galing sa Nazaret?” Taga-Cana si Natanael at nung panahong iyon may malakas ang pagpapagalingan at tunggalian ang mga tao base sa kanilang pinagmulan. Dahil dito ay hindi niya matanggap na si Hesus ang pangakong Tagapagligtas.

Pero nagbago ang pananaw ni Natanael nung makilala niya kung sino ba talaga si Hesus. At nung makasama at makausap na niya si Hesus nasabi niya: “Rabbi, ikaw ang anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.”

Ganun pala. Kailangang makasama at makasalamuha natin ang isang tao upang lubos nating makilala. Kinakailangan ng panahon, minsan ay mahabang panahon upang maunawaan natin ang isang tao. At kailangan din ng kabukasan upang matanggap sila.

Hwag tayong magkahon ng tao. Huwag nating husgahan ang isang tao base sa kanyang pinaggalingan o sa kanyang nakaraan.

*Hindi lahat ng pari ay mabait…Yung iba sobrang bait…At yung iba mabait, hindi lang halata!

Huwebes, Agosto 22, 2013

Lara

Lara
(Mt. 22: 34-40)

Naalala mo pa ba noong bata ka kapag ikaw ay may sakit?

Uso lalo na ngayon ang sakit. Kapag naambunan ka…magkakasipon…tapos lalagnatin na. Kahit na nga umiinom ka ng vitamins at laging kumakain ng gulay na tinatawag na french fries ay di mo pa rin maiwasan na magkasakit (sabi dun sa isang blog gulay daw talaga ang french fries).

Hindi lang paracetamol at aspilet ang ibinibigay sa iyo. Ang ibibigay pa sa iyo ng iyong mga magulang ay Royal at sky flakes. Pag naubos mo na ito, siguradong gagaling ka na.

Hindi ko alam kung paano nagsimula ito at kung papaano kumalat sa maraming lugar. Pero sa maraming lugar ay ito talaga ang ibinibigay sa mga may sakit. Hindi ko na maalala ang titulo nung pelikula pero sa Africa kapag malubha na ang sakit at hindi na kayang gamutin ang ibinibigay na lang nila ay cola. Para sa mga pasyente ito ang pinaka-pangmalakasang gamot…

Scientifically ay hindi nga gamot ang Royal at skyflakes. Pero ang pagbibigay ng mga ito sa maysakit ay isang pagpapakita at pagpapadama ng pagmamahal.

Sabi ni Hesus ang pinakamahalagang utos ay: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, at nang buo mong pag-iisip…Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”

Tandaan natin na kapag tayo ay nagbibigay ipinapahayag natin ang ating pagmamahal. Sa pamamagitan nito ay sinusunod natin ang utos ng Diyos. Kaya matuto tayong magbigay.

At tandaan din natin na ang pagmamahal ay nakakapagpagaling.

Pagaling ka Lara...

Ninoy

Ninoy
(Mt. 22: 1-14)

“The Filipino is worth dying for.”

Ito ang isa sa mga paglalarawan ni Benigno Aquino, Jr. sa mga pinoy noong siya ay nabubuhay pa. Alam niya na nanganganib ang buhay niya kapag siya ay bumalik ng Pilipinas pero dahil sa kanyang pagnanais na mabalik ang demokrasya sa bansa at matigil na ang kaguluhan at patayan, pinili niya na bumalik sa kanyang bansang minamahal.

Noong August 21, 1983, sa pagbaba niya mula sa eroplano siya ay binaril at pinatay sa ngayon ay Ninoy Aquino International Airport. Sabi ni Jovito Salonga na si Ninoy ay “the greatest president we never had.” Si Ninoy ay isang bayani. Inuna niya ang kabutihan ng iba kesa sa kanyang pansariling kapakanan.

Ginugunita natin ang pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria. Ang kanyang pag-oo sa dakilang plano ng Diyos na maging Ina ni Hesus ang isa sa mga naging susi upang magkaroon ng kaganapan ang planong pagliligtas ng Diyos. Hindi niya inuna ang sariling kapakanan bagkus nagtiwala siya na ang kalooban ng Diyos ang dapat na masunod.

Sa kanyang pag-oo ay marami siyang pinagdaanan kasama na diyan ang hirap ng makita ang kanyang anak na pinapatay. Gayun pa man ay hindi siya bumitiw sa pananampalataya sa Diyos. At dahil dito siya ay kinikilala bilang Reyna ng langit at lupa. Pero tandaan natin na ang pagiging Reyna niya ay hindi upang paglingkuran. Ito ay isang simbolo ng paglilingkod at pagtulong sa atin na makalapit tayo kay Kristo.

Katulad ni Ninoy, tularan natin ang ating Mahal na Ina sa pananampalataya. Tularan natin siya na unahin ang kung ano ang mabuti para sa iba lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan. Sana ay matuto tayo na magsakripisyo para sa iba.

Tandaan mo na ikaw ay katulad ng iba na “worth dying for.”

*Tama na ang Pork! Let our voice be heard. Pnoy please remove the pork barrel!

Martes, Agosto 20, 2013

Maring+Habagat

Maring + Habagat
(An appeal)

I returned.

Papunta sana akong Tagaytay para lumanghap ng malamig na hangin pero dahil sa sama ng panahon ay hindi natuloy. Sumakay ako ng Jeep pauwi at nakita ko sa daan ang maraming taong lumikas dahil sa baha. Sabi nung driver ilang oras na lang at aapaw na ulit ang Marikina river dahil tuloy-tuloy ang pagbaksak ng malakas na ulan.

Parang mga basang sisiw ang mga taong lumilikas. Basa sila at nilalamig na. Yung iba marahil ay mga gutom pa. Sigurado na sa mga eskwelahan at mga basketball court sila titigil at tutulog hanggang sa lumipas ang taas ng tubig. Hindi rin nila alam kung meron pang bahay silang babalikan. Aasa na lang sila sa mga tulong na dadating sa kanila.

Mahirap talaga ang maging mahirap. Lalo na pag ganitong kalamidad. Walang mapupuntahan. Walang masisilungan. Wala man lang mainit na sabaw. Wala ding madudukot na isinuksok. Aasa na lang sa biyaya ng iba. Walang kasiguraduhan ang kinabukasan.

Kailangan talaga na laging handa. Kailangan din na hindi ubos-ubos ang biyaya. Pero may mga pamilya talaga na kahit anong gawin ay walang-wala. Sila yung nabubuhay na pag tumigil sa paggawa ay nganga.

Tuloy-tuloy pa rin ang lakas ng pagbaksak ng ulan ngayon. Marami sa atin ang nasa magandang lugar…may pagkain, may maganda at tuyong higaan, may mainit na kape, at meron pang FB! (me one of them) Marahil yung iba ay nanalangin pa na lumakas ang ulan para walang pasok.

Kaya nga hindi kataka-taka na magalit si Ian Mulingbayan . Sabi nya: “@&)&$)#%€£¥!!!! Umayos kayo! KUNG MAGDADASAL KAYO IPAGDASAL NYO NA TUMIGIL NA ANG ULAN, DAHIL MARAMING MGA KABABAYAN NATIN ANG NAHIHIRAPAN NA. WAG KAYONG SELFISH.. BUSET... — feeling annoyed."

Alalahanin natin yung mga taong nabiktima ng kalamidad na ito. Ipagdasal natin sila na maging ligtas. Ipagdasal din natin na humupa na ang pag-ulan. At tumulong din tayo magbigay ng pagkain o anumang bagay na kailangan nila.

Linggo, Agosto 18, 2013

Walang Like?

Walang Like?
(Mt. 19: 16-22)

“Umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.”

Maraming masasarap na pagkain sa iyong hapag-kainan, wala ka namang panlasa…masaya ka ba?

Marami kang sasakyan, wala ka namang pupuntahan, masaya ka ba?

Dami mong celfone, wala namang tumatawag at nagte-text sa iyo, masaya ka ba?

Laki ng bahay mo at parang palasyo, wala ka namang kasama, masaya ka ba?

Dami mong friends sa facebook pero wala namang nagla-like sa mga posts mo, masaya ka ba?

Maganda/gwapo ka nga pero pangit naman ang ugali mo kaya walang lumalapit sa iyo, masaya ka ba?

Ang binata sa Mabuting Balita ay kumpleto na sa buhay sa mundong ito. Halos nasa kanya na ang lahat. Pero meron pa ring kulang, meron pa din siyang hinahanap…hinahanap niya ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Ito ang magbibigay sa kanya ng tunay na kagalakan. Dito nya matatagpuan ang tunay na kasiyahan.

Nasa tamang direksyon na siya pero tumigil pa siya. Hindi kase niya kayang iwan ang kayamanan.

Dukha ka man sa mundong ito, masaya ka naman kase sumusunod ka kay Kristo!

Pork

Pork
(Lk. 12: 49-53)

(Ang kwentong ito ay galing kay kuya Norman Norman Novio at kinopya ko ng walang paalam, he he he)

"Naglalakad sa bukid ang isang pilosoper. Nakakita siya ng tanim na kalabasa na hitik sa bunga na pawang malalaki. Sabi niya sa sarili, "Mukhang mali ito. Malalaki ang bunga ng kalabasa ngunit ang kinakapitan nito ay halaman lang kaya hayan tuloy nakasayad ito sa lupa."

Sa patuloy niyang paglalakad ay nagawin siya sa isang puno ng duhat na hitik sa bunga at sinabi muli sa sarili, "Tamo itong punong ito, ubod ng laki at tibay pero anliliit naman ng bunga. Hindi totoong may Diyos, dahil kung mayroon, ginawa niya ang mga ito ng naaayon sa katangian ng isa't-isa. Sa babagayan ng puno sa bunga. Ang bunga ng kalabasa ay dapat sa puno ng duhat at ang bunga ng duhat ay dapat sa halamang kalabasa."

Hanggang siya ay napagod at nagpahinga sa ilalim ng puno ng duhat. Humampas ng malakas ang hangin at nagbagsakan sa kanyang ulo ang mga maliliit na bunga ng duhat. "Ngayon alam ko na kung bakit ganoon. Kung kalabasa ang bumagsak sa ulo ko, PATAY na ako!"

Matalino at marunong ang Diyos at hindi natin kayang arukin ito. Gayun pa man ay ang kalooban niya dapat lagi ang ating sinusunod. Ito dapat ang ating unang pinapahalagahan.

Sa unang pagtingin ay tila hindi nararapat ang sinabi ni Hesus na "Sa akala ba ninyo ay dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwalay." Tila bumabangga ito sa katauhan niya na prinsipe ng kapayapaan.

Pangunahing pinapahalagahan kahit na saan mang kultura ang pamilya. Ang sabi nga ay "blood is thicker than water." Kaya nga kapag meyembro na ng pamilya ang pinag-uusapan ay ating ipinagtatanggol at ipinaglalaban. At kahit na may maling nagawa ay ating pinagtatakpan. Kapag naliligaw ng landas ang kasamahan ay nagbubulag-bulagan.

Pero kailangang gumawa ng desisyon ang isang tagasunod ni Kristo. Kailangang una siya lagi. May pagkakataong kailangan mamili kung pamilya o si Hesus, may oras na kailangang iwan ang tahanan dahil sa plano ng Diyos...Mas mataas pa sa pagpapahalaga sa pamilya ang pagpapahalaga kay Hesus.

Hindi pala pwedeng magpadala na lang sa agos. Kailangang gumawa ng tindig para kay Hesus. Hindi pwedeng manahimik at sabihin na para ito sa kapayapaan. Kailangang itama ang pagkakamali. Kailangang ang katotohanan ay mamayani.

Tanggalin na ang Pork barrel!

Biyernes, Agosto 16, 2013

Mano Po o Apir?!

Mano Po!
(Mt. 19: 13-15)

Sanay na ako na ako ang nagmamano sa matanda. Pero noong naging pari ako ay sila na ang nagmamano sa akin. Hindi talaga ako mapalagay sa ganun. Dapat ako ang magmamano sa kanila. At saka yung matatanda ay gumagamit pa ng po at opo kapag kausap ako. Ang hirap nun. Kala siguro nila ang bait bait ko (he he he).

Nung tumagal ay nasanay na din ako. Kahit na ako ay bata (at mukhang bata :P) nagpapamano na rin ako. Hindi dahil sa aking sarili kundi iniisip ko na lang na sa pamamagitan ko ay dumadaloy ang pagbabasbas ni Hesus hindi man ako karapat-dapat…

Pero ang hindi ko makakalimutan ay yung isang bata na aking babasbasan. Nung itinaas ko ang aking kamay ay itinaas din niya ang kamay niya…Kaya hayun…Apir ang nangyari!

Sabi ni Hesus: “Hwag nyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga katulad nga nila ang Kaharian ng Langit.”

Ang mga bata ay simbolo ng mga mahihirap at mga dukha (see the earlier post down with the title “Dakz).

Sa maraming beses tayo ay nagiging hadlang para di makalapit kay Hesus ang maraming tao. Tayo pa ang naglalayo sa kanila. Kapag nagiging masamang modelo tayo, kapag nang-aapi tayo, kapag nambibiktima tayo…pinagbabawalan din natin sila na lumapit sa Diyos. Inililigaw pa natin sila.

Nawa ay maging instrumento tayo ng paglapit ng ibang tao kay Hesus.

Mano po o Apir?!

Huwebes, Agosto 15, 2013

Martilyo

Martilyo
(Mt19: 3-12)

May isang kwento tungkol sa isang pari sa isang parokya. Itago na lang natin siya sa pangalang Fr. Mike. Minsan ay may lumapit sa kanya na mag-asawa. Sabi nila kay Fr.Mike ay gusto na nilang maghiwalay kase hindi sila magkasundo at wala ng dahilan kung bakit sila magsasama pa. Umalis si Fr. Mike at may kinuha sa kanyang kwarto. Pagbalik niya ay may dala na siyang martilyo.

Tinanong ng mag-asawa kung anong gagawin ni Fr. Mike sa kinuha niyang martilyo. Sumagot siya: “Di ba gusto ninyong maghiwalay? Ito ang martilyo na ipupukpok ko sa mga ulo ninyo.” Sabi ng mag-asawa: “Hwag po Fr. Mamamatay kami pag ginawa nyo yun.” Sumagot si Fr. Mike: “Kaya nga, kamatayan lang ang makakapaghiwalay sa inyo kaya papatayin ko na lang kayo…”

Ayun….Habol habol ni Fr. Mike yung mag-asawa. Di ko lang alam kung inabutan niya….

Ang sabi ni Hesus: “…iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at sila ay magiging isa…hwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”

Wala namang perpektong asawa o maybahay. Dumadating talaga ang panahon na masama ang gising. May mga oras na lumalabas ang mga insecurities. Pero ang mahalaga ay laging binabalikan ang kasaysayan ng pag-iibigan, ang sumpaan sa harap ng altar na magsasama at magmamahalan habambuhay.

Dagdag pa ni Hesus na dahil ssa katigasan ng ulo kaya pinayagan ni Moises ang paghihiwalay. Kaya nga hwag matigas ang ulo. Kung hindi, lagot ka kay Fr. Mike sa kanyang martilyo…

Miyerkules, Agosto 14, 2013

St. Maximilian Kolbe

St. Maximilian Kolbe

Kasagsagan ng World War II at tinutugis ng mga Nazi ang mga Hudyo upang patayin. Isang pari ang nagkubli sa mahigit 2,000 na mga Hudyo. Hinuli siya ng mga Nazi at dinala sa concentration camp. Dito ay may mga nakatakas na mga Hudyo at upang matakot at wala ng tumakas ay pumili sila ng sampon upang gutumin hanggang sa mamatay.

Isang bilanggo ang nagmakaawa na huwag siyang isama sa mga papatayin sapagkat meron siyang asawa at mga anak. Naninig iyon ng pari at sinabi niya na siya na lamang ang isama. Dinala siya sa kulungan. Sa kulungan ay palagi siyang nagdasal at nagmisa. Makalipas ang dalawang lingo ay namatay ang siyam niyang kasama. Ang pari naman ay tinurukan ng gamot upang mamatay.

Noong 1991 ang paring ito ay ideneklarang beato ni Pope Paul VI bilang “confessor of faith.” Noon namang 1992 siya ay idineklara ni Pope John Paul II bilang isang martir. Ang paring ito ay si St. Maximilian Kolbe.

Martes, Agosto 13, 2013

Sige Pulae Pah!

Sige Pulaeh Pah!
(Mt. 18: 15-20

Bakit nga ba ganun? Pag galit ka sa isang tao lahat na ng kapulaan sa kanya ay mapapansin mo! Titingnan mo mula ulo hanggang paa hanggang sa makita mo ang kanyang kapangitan…

-dapa na ilong
-kulubot ng siko
-itim na kili-kili
-dami ng puting buhok
-dilaw na ngipin
-dami ng tagihawat
-laki ng balakang
-dami ng peklat sa paa
-laki ng mata
-layers ng bilbil
-patay na kuko

Bakit nga ba ganun? Kase nga mayroong galit at sama ng loob.

Sabi ni Hesus: “Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, naibalik mo na sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid.”

Marami sa atin kapag may sama ng loob ay lumalayo at hindi pinapansin ang tao na kanyang kinagagalitan. Kapag nakasalubong sa daan ay iiwas at hahanap ng ibang daan kahit na malayo upang hindi niya makita ito.

Ang iba naman ay hanggang sa pagtulog ay dala ang pagngingitngit samantalang ang taong kinagagalitan ay ansarap-sarap ng pagtulog. Sasabihin pa: “Siya ang mali kaya dapat siya ang unang lumapit!” Ang tanong: Sino ang iyong pinahihirapan? Walang iba kundi ang iyong sarili!

Kaya nga magandang sundin ang sinasabi ni Hesus. Kailangang magkausap. Kahit na siya ang mali ay ikaw na ang lumapit sa kanya. Sa ganitong pamamaraan ay mapapalaya mo ang iyong sarili.

Tandaan natin na maikli lang ang buhay kaya hwag nating aksayahin sa pagmumukmok at sama ng loob.

Panu ba yan…di mag-usap na lang tayo!

Lunes, Agosto 12, 2013

Bloopers

Bloopers!

Kahapon excited ako manood ng basketball championship ng Philippines at Iran. Habang nanonood naghanda ako ng sharing para sa araw na ito. Nagbasa ako sa Simbahay. Natapos ang basketball. Nag-post ako sa facebook. Pero laban din nila Wesley So sa Chess World Cup 2013. Habang Nagta-type ay sumisilip din ako sa chessbomb. Natapos naman yung aking post.

Kanina sa misa iba ang Gospel na aking binasa. Ang nabasa ko pala kagabi ay pang-Tuesday. Kaya ayun…pabasta na lang! Ang pang-Martes ay naka-post na nung Linggo pa ng gabi.

Bloopers!

Pero hindi lang minsan yun nangyari sa akin. Two months ago ganun din ang nangyari. Sabado ng umaga ay naghanda na ako. Nung hapon ako ay nag-bike papuntang Timberland. Relax relax na. Mga alas-sais na ng gabi ako nakauwi. May misa ng 7:00PM. Nung tiningnan ko ang Sambuhay iba ang Gospel. Ayun panick…Sablay!

Bloopers!

Tinatawanan ko na lang ang sarili ko. Sabi ko dahil careless ako kaya ganun. Marami pa kong bloopers. Kung iisa-isahin ko ay baka makabuo na ng isang libro. Sabi ko nga doon sa isang post ko: “Ako ang hari ng sablay!” Pero alam ko din na marami pa akong bloopers na magagawa. At alam ko rin na aabangan nyo yun! (ha ha ha).

Kaya nga nga pag nakagawa ka ng bloopers ay sabihin mo na lang: "Si Father nga dami ring bloopers!"

*Laban ulit ni Wesley So mamaya. Panalo siya kagabi. Pag siya ay nanalo o kaya ay naka-draw pasok na siya sa second round. Sina Barbosa at Paragua ay talo kagabi at kailangan nilang manalo mamaya upang magkaroon ng extension. See here: http://livechess.chessdom.com/site/

Linggo, Agosto 11, 2013

Dakz

Dakz
(Mt. 18: 1-5, 10, 12-14)

Sino ang kilala ninyo na may titulong dakila?

Alexander the Great, Charlemagne the Great, Constantine the Great, Herod the Great, Kublai Khan the Great, Pompey the Great…Sila ay itinuturing na dakila dahil sa kanilang nagawa bilang mga lider ng iba’t-ibang bansa.

Leo the Great, Anthony the Great, Gregory the Great, John Paul II the Great…Sila naman ay binigyan ng titulo na dakila dahil sa kanilang naging papel sa paglago ng Simbahan.

Pero para kay Hesus sino kaya ang dakila?

Sabi ni Hesus: “Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakadakila sa Kaharian ng Langit.”

Ang bata ay simbolo ng mga taong walang boses sa lipunan, mga taong nasa laylayan ng komunidad, mga taong di pinapansin, itinuturing na basura at problema ng nasa kapangyarihan, mga taong walang inaasahan kundi ang Panginoon, mga taong kinukutya at minamaliit ng nakakaangat, mga taong walang mukha sa kasaysayan, mga taong walang pangalan kahit na sa anong larangan, mga taong mababaho at walang alam...

Bakit kaya sila ang pinakadakila? Ang sabi ni Hesus: “…talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.” Yun pala…malapit pala sa puso ng Diyos ang mga maliliit at mabababa. May malaking puwang pala sa puso ng Ama ang mga “batang” ito.

At meron pang babala si Hesus: “Hwag nyo sanang hamakin ang isa sa maliliit na ito.” Alalaumbaga, hahatulan tayo ng Diyos sa kung anong klaseng pagtrato ang ginagawa natin sa mga dukha at mga aba. Ang tumatanggap naman sa kanila ay para na ring si Hesus ang kanilang tinatanggap.

Lagi nating isipin ang palay. Sa pagdami ng suhay ay siya namang pagyuko ng puno nito…

*tapos na ang basketball, abangan naman natin si Wesley So, at dalawa pang pinoy sa Chess World 2013 na magsisimula ngayon. Makakalaban nila ang mga pinakamagaling na manlalaro ng chess sa buong mundo. http://chessbomb.com/site/

Sabado, Agosto 10, 2013

The Family Man

The family Man
(Lk. 12: 32-48)

What if?

Naranasan nyo na ba na tanungin ninyo ang sarili ng katanungang ito? Kapag naalala mo ang isang pagkakataon na iyong pinalampas at gumawa ka ng isang malaking desisyon noon, itinatanong mo ba ngayon kung anong nangyari kung iba ang naging desisyon mo?

Ang The Family Man ay isang pelikula na pinagbidahan ni Nicolas Cage bilang si Jack, isang mayaman na nakatira sa New York. Christmas Eve noon at may isang malaking kontrata siyang inaasikaso. Para sa kanya ay walang halaga ang pamilya at ang dapat na inuuna ay ang career. Isang tawag ang kanyang natanggap mula kay Kate (Tea Leoni), ang kanyang dating girlfriend na kanyang iniwan para ipagpatuloy ang kanyang pangarap na yumaman. Matagal na silang hindi nagkikita at nagkakausap. Dumating pala si Kate para sa isang trabaho.

Sa pagtulog ni Jack ay nanaginip siya. Magkasama sila ni Kate, may dalawang anak, simple ang pamumuhay, hindi sila mayaman, pero masaya sila. Sa kanyang paggising isang katotohanan ang bumulaga sa kanya: hindi pala siya lubusang masaya sa kanyang kayamanan; pinalampas pala niya ang pagkakataon na mapasakanya si Kate, ang kasiyahan na kanyang hinahanap.

Bago magtapos ang pelikula, nagkita silang dalawa at nagpaalam si Kate upang pumunta ng Paris at doon na manirahan. Nakiusap si Jack na mag-usap muna sila. Sinabi niya kay Kate ang kanyang panaginip na isang simpleng pamilya. Silang dalawa na magkasama pero masaya…

What if?

Sa Mabuting Balita itinuturo ni Hesus sa kanyang mga alagad na maging laging handa at gumawa ng tamang desisyon para sa pagdating ng Anak ng Tao.

Inakala ng mga unang kristiyano na darating na agad si Hesus. Marami ang sa kanilang paghihintay ay inusig, pinahirapan at ang iba pa ay pinatay dahil sa pananampalataya kay Hesus. Sa ganitong karanasan may paalala para sa bawat isa: “Maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Walang nakakaalam kung kelan ang panahon na darating si Hesus. Kaya nga hinahamon tayong lahat na sana ay maging laging handa. Hindi dapat isinasawalang-bahala ang mga bagay na tungkol sa kaligtasan. Dapat din na gumagawa ng tamang desisyon, pinag-isipan at pinagdasalan, upang makasiguro sa kung anumang daan ang tatahakin. Alalahanin natin: “Laging nasa huli ang pagsisisi!”

So, what if? Nyehhh…

St. Gianna Beretta Molla

St. Gianna Beretta Molla
(Jn. 12: 24-26)

Isang nanay ang nagdalang-tao para sa kanyang ika-apat na anak. Sabin ng mga doctor ay hwag nyang ituloy ang pagbubuntis dahil meron siyang tumor sa kanyang uterus at manganganib ang buhay niya dahil sa bata na nasa kanyang sinapupunan. Ipinanganak niya ang bata. Makalipas ang isang lingo binawian ng buhay ang nanay na ito.

Noong 2004 idineklara ni Pope John Paul II bilang isang santo si Gianna Beretta Molla, ang nanay na nagsakripisyo ng kanyang buhay para sa mabuhay ang kanyang anak.

Ang sabi ni Hesus: “Nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito.”

Sa pagkamatay ni St. Gianna ang buhay naman ng anak niyang si Gianna Emanuela ay nagpatuloy at naging isang doctor. Sabi niya: “"The extreme sacrifice she sealed with her life testifies that only those who have the courage to devote their lives totally to God and to others are able to fulfill themselves."

Sa tulong din ng paghingi ng tulong sa santong ito, may mga nanay na natulungan din upang magkaroon ng mirakulo ng pagpapagaling. Nawala man ang santong ito pero hindi siya namatay sapagkat ang kanyang sakripisyo ay nagpapatuloy sa puso ng nakakaalam ng kanyang pagbibigay ng buhay.

Huwebes, Agosto 8, 2013

Scouts

Scouts
(Mt. 16: 24-28)

Am back!

Kanina sa barko nagutom ako kaya bumili ako ng pagkain. Tinamad na akong tumayo kaya yung mga kalat mula sa pinagkainan ko ay isiningit ko na lang sa upuan. Sa bandang unahan ko naman ay nandun yung mga estudyante galing sa aming bayan at may nagsabi na pupunta sila sa pagtitipon ng Girl Scouts sa Laguna (I did not confirm this). Mga kilala ko din yung iba. Naka-shades ako nun kaya di nila alam na pinapanood ko sila.

Maya-maya may isang tumayo at malakas na nagtanong: “Saan ba ang basurahan dito?” Nung makita niya ay itinapon niya doon yung mga pinagkainan nila. Napangiti na lang ako. Kinuha ko yung basurang isiningit ko sa upuan at inilagay sa bag ko. Kaya nga hanggang dito ay dala ko ang basura.

Ang tawag sa ginawa ng estudyante ay disiplina. Discipline is basically self-restraint. Yun bang may kakayahan kang gawin ang isang bagay pero pinipili mong hindi gawin sapagkat ito ay mali. May kapangyarihan kang gawin pero hindi ginagamit ito sapagkat hindi naaayon sa kabutihan.

Ang disiplina ay kakambal ng salitang disipulo. Ang pagiging tagasunod pala ay dapat na masalamin din ang disiplina. Sabi ni Hesus: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil and kanyang sarili, kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin.” Hindi dapat ang sarili ang iniisip…dapat ay ang kabutihan ng iba, dapat ang kalooban ng Diyos ang inuuna.

Kahit na kaya mong gawin ang isang bagay ay nagdedesisyon kang hindi gawin sapagkat may pinipili kang mas mabuti. Hindi porke na kaya mong malusutan ang isang bagay ay gagawin mo na. Hindi porke may kapangyarihan ka ay aabusuhin mo na. Hindi porke magaling at matalino ka ay hindi ka na makikinig sa iba. Hindi porke malakas kay ay mambu-bully ka na. At hindi porke may gusto sa iyo ang isang tao ay papaglaruan mo na!

Gusto mong maging tagasunod ni Kristo? Disiplinahin mo ang sarili mo!

*With energetic and disciplined students like them the future of Mamburao looks bright. Kudos to their teachers who instill in them the value of self-restraint. Sila ay mabuting disipulo…

Linggo, Agosto 4, 2013

Teacher...Teacher...

Teacher…Teacher…
(Mt. 14: 13- 21)

Gusto mo bang magkaasawa ng teacher?

Nagkita-kita kami minsan magkakabarkada at napag-usapan namin ang tungkol sa pag-aasawa. Sabi nung isang barkada namin: “Ay naku pare, kapag mag-aasawa ka ay hwag na hwag na isang guro.” “Bakit naman?” tanong nung isa naming kasama.

Sumagot naman siya: “Kase pag teacher ang asawa mo…wala nang panahon sa iyo. Hanggang sa bahay dala ang trabaho. Maghahanda ng lessons…mag-check ng exams…mag-research…maagang aalis ng bahay at late na uuwi…at minsan pa uuwi ng bahay na masama ang loob kase pasaway ang mga estudyante, at sa akin ibinabaling ang galit.”

Wala daw panahon sa tahanan ang teacher…pero yung barkada namin, hayun…nakakatatlo na ang anak at magkasama pa rin silang mag-asawa!

Busy…Busy…Busy…Yan ang mga teacher. Kaya nga marami din sa kanila ay tumatanda na at nakakalimutan ng mag-asawa kase masyado silang natuon ang pansin sa pagtuturo. Lampas na sa walong oras ang trabaho pero pagdating sa bahay ay may responsibilidad pa rin.

Kahanga-hanga ang isang guro.

Sa Mabuting Balita si Hesus ay busy din. Pero hindi lang siya busy sa gawain. Mabigat din ang kanyang damdamin sapagkat nabalitaan niya ang nangyaring pagpatay kay Juan Bautista. Gusto niyang manahimik upang harapin ang nararamdaman niyang kalungkutan. Gusto niya na mapag-isa at lumayo muna upang pakalmahin ang kanyang sarili. Pero sinundan siya ng maraming tao.

Ganun man ang nararamdaman ni Hesus, hindi niya tinalikuran ang mga tao na sumunod sa kanya. May pinagdadaanan man si Hesus pero hindi niya tinakasan ang mga tao sapagkat alam niya meron ding pinagdadaanan ang mga tao. Sinundan siya sapagkat meron silang pasanin at si Hesus ang kanilang pag-asa.

Ganun pala ang buhay. Kahit may pinagdadaanan tuloy pa rin ang paglalakbay. Hindi dahilan na may pinagdadaanan para hindi tumulong sa nangangailangan. Hindi dahilan ang kalungkutan para magbahagi ng kasiyahan. At hindi dahilan ang kasawian para hindi magpakita ng pagmamahal. Sa pagbabahaging ito ng sariling buhay masasalamin ang tunay na kadakilaan.

So…Mag-aasawa ka pa ba ng teacher?

Sabado, Agosto 3, 2013

Kayamanan

Kayamanan
(Lk. 12: 13-21)

“The thing you do not want to give you do not own, it owns you.”

May isang kwento tungkol sa isang santo na taimtim na nagdarasal. May isang mayaman naman na lumapit at nagbigay ng isang bag na puno ng mga pera. Sabi ng mayaman: “Alam kong gagamitin mo yang pera na yan para sa mga nangangailangan sapagkat ikaw ay lingkod ng Diyos.” Nagsalita ang santo: “Hindi ko alam kung tatanggapin ko ito o hindi.”

Tinanong ng santo ang mayaman: “Mayaman ka ba? Marami ka pa bang pera?” Sumagot naman ang mayaman: “Marami pa po akong pera sa aking bahay.” Muli siyang tinanong ng santo: “Gusto mo pa ba na dumami ang iyong pera.” Sumagot naman siya: “Gusto kong dumami pa ang aking pera kaya nga nagtatrabaho akong maigi. At saka yun ang lagi kong ipinagdarasal, na dumami lalo ang kayamanan ko.”

Iniabot ng santo ang pera sa mayaman at sinabi: “Hindi ko matatanggap ang pera na ito.” Nagtaka ang mayaman at nagtanong: “Bakit naman hindi mo yan tatanggapin.” Sumagot ang santo: “Ang turo kase sa amin ay bawal kaming tumanggap ng kahit ano ang mayaman mula sa mahirap. Hindi ka mayaman sapagkat wala kang kasiyahan sa mga biyayang nasa iyo. Isa kang mahirap sapagkat hindi ka kuntento sa nasa iyo.”

Ang mga bagay na hindi mo kayang ibigay ay hindi mo pag-aari; ikaw ang nagiging pag-aari ng bagay na iyon.”

Sa Mabuting Balita itinuturo sa atin ni Hesus ang tunay na mahalaga sa mundong ito. Ang tunay na kayamanan ay walang iba kundi ang Diyos at ang mga biyayang natatanggap ay dapat na ginagamit upang lalong maparangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba lalo na sa mga nagangailangan.

Ang sabi nga ng Gaudium et Spes: “God destined the earth and all it contains for all men and all peoples so that all created things would be shared fairly by all mankind under the guidance of justice tempered by charity.” (#69)

Ang tawag sa pagbibigay sa nangangailangan nga mga bagay na hindi na natin kailangan ay katarungan. Sabi ni St. Ambrose na quoted ng PCPII: “You are not making a gift of your possessions to the poor person. You are handing over to him what is his. For what has been given in common for the use of all, you have arrogated to yourself. The world is given to all, and not only to the rich.”

Sabi sa Yahoo News ay ito daw ang pinakamayamang pinoy: Henry Sy and Family ($12 billion); Lucio Tan and Family ($7.5 billion); Andrew Tan ($4.6 billion); Enrique Rason ($4.5 billion); John Gokongwei, Jr ($3.4 billion); Jaime Zobel de Ayala and Family ($3.1 billion); Aboitiz Family ($3 billion); David Consunji ($2.7 billion); George Te and Family ($2.6 billion); Lucio and Susan Co ($1.9 billion).

Mapapansin natin na nasa ilang tao at pamilya ang malaking kayamanan na sana ay ibinabahagi sa iba lalo na sa nangangailangan. Hindi masama ang kayamanan lalo na nga at nakamit ito sa makatarungang pamamaraan. Nagiging masama ito kung papaano ito ginagamit. Ang sabi nga: “Ang yaman ay maaaring magamit sa pagpasok sa langit; ngunit pwede rin itong magbulid sa atin sa impyerno.”

Biyernes, Agosto 2, 2013

Senior Citizen

Reasons Why the Government Gives Discounts
to Senior Citizens:

1. FOOD– marami nang bawal.

2. TRANSPORTATION – nahihirapan nang sumakay.

3. GROCERIES – ‘di na kayang magbuhat

4. CINEMA – malabo na ang mata.

5. CONCERTS – mahina na ang pandinig.

6. GAMOT – hirap ng lumunok

7. HOTELS – ano naman ang gagawin doon?

LESSON:
Enjoy life while you’re still young, don’t wait for discounts.

Huwebes, Agosto 1, 2013

Luma

Luma
(Mt. 13: 54-58)

Bago ba ang celfone mo? May bago ka bang gadgets?

Nakakatuwa ang ugali natin kapag bago ang celfone o sa kung anumang gadgets. Dahil bago ito at wala pang gasgas, iniingatan natin ito. Hindi basta basta inilalapag lamang, dapat ay dahan dahan. Hindi basta basta ginagamit lang, dapat ay malumanay kung pipindutin. Hindi sa kung saan lang iniiwan, dapat ay sa lugar na “safe” ito. Hindi rin basta basta ipinagagamit sa iba, hanggat maaari ay di ipapahiram at kung ipapahiram ay magbibilin pa na ingatang mabuti.

Pero pagkalipas ng ilang panahon iba na. Kapag luma na kung saan saan na lang inilalagay. Pagka nagsawa na sa celfone ibinabagsak na lang. Madali na din itong ipahiram sa mga nanghihiram. Kahit pa magasgasan ay okei lang…

Bakit nga gayun? Kase matagal ng ginagamit, naging pamilyar na sa gamit…

Ganun din daw sa tao. Pag pamilyar tayo sa isang tao marami tayong mga prejudices. Hinuhusgahan na ntin siya base sa kanyang nakaraan. Ikinukulong na natin siya sa ating mga kaisipan na ang kanyang pinanggalingan ang dahilan.

Tingnan natin si Hesus. Dahil pamilyar sa kanya ang mga tao sa sariling bayan hindi siya pinaniwalaan. Pinagdudahan siya. Sabi nila: “Hindi ba’t siya ang anak ng karpentero?” Hindi sila makapaniwala na ang isang galing sa kanila ay makagagawa ng mga himala. Hindi maabot ng kanilang pang-unawa ang katotohanan na nakakapagpagaling siya ng mga karamdaman. Hindi nila matanggap na ang isang galing sa kanila ay magtuturo sa kanila.

Isa itong hamon sa atin sa panahon ngayon. Ang ating tinitingnan dapat ay ang sinasabi at ginagawa ng isang tao. At sana sa ating paglapit at lubusang pagkakilala kay Hesus, mas lalo natin siyang pinakikinggan at isinasabuhay ang kanyang mga turo. At higit sa lahat hwag nating husgahan ang ibang tao.

*Got a new celfone and therefore a new number... and a new profile picture...