Lunes, Oktubre 14, 2013

Sipunin

Sipunin
(Lk. 11: 37-41)

As usual, sipunin na naman ako. Hindi na bago ito sa akin. Kaya nga lagi akong may panyo sa bulsa pamahid ng sipon. Minsan nga dalawang panyo pa ang aking dala.

Pero ang mahirap sa ganito ay kapag nasa harap na ng mga tao. Ako ang tinitingnan. Naririnig pa nga ng mga tao ang aking pagsingkot dahil sa microphone. At nakakahiya na nagmimisa na tumutulo ang sipon. (Mas nakakahiya sa mga tsiks…dyahe pare…ha ha ha…sabi yan ni mike!)

Noong minsan nakalimutan kong magdala ng panyo. Pagdating ko parteng consecration umatake na ang sipon. Kinapa ko ang aking bulsa. Panick ako. Walang panyo. Heto na ang sipon. Dumudungaw na. Di ko naman pwedeng itigil ang misa. Nakita ko ang purificator sa harap ko. Pasimple ko iyong ginamit upang pahirin ang aking sipon. (Hwag nyo ipagkalat yan at baka malaman ng ibang pari…ha ha ha…pinalabhan ko naman agad iyon)

Lumapit na din ako noon sa doctor. Sabi ni dok ay baka allergy. Naisip ko yung term na “allergy” ay term na pang-mayaman kaya sigurado ako na hindi allergy ang aking pagiging sipunin. Anyway…niresitahan ako ng gamot. Ininom ko iyon. Nawala ang sipon. Pero ilang panahon lang ay bumalik din. Loves na loves talaga ako ng sipon.

Kaya nga tanggap ko na na ako ay sipunin. Sinasabi ko na lang na ganun talaga pag bata. Iniisip ko na lang na kapag ako ay naging binata ay magsasawa na din ang sipon at iiwanan na din ako.
Nag-research na din ako kung ano ang dahilan nito. Pwede daw palatandaan ito na bumababa ang immune system. Pwede rin na kulang sa vitamin C. Pwede rin na dahil natuyuan ng pawis. O kaya ay dahil sa alikabok.

Pero sabi ng safeguard…Kailangang maging malinis para di magkasakit. Kailangan na maghugas ng kamay bago kumain. Kaya nga yung mga magulang kanilang itinuturo sa mga bata na linisin ang kamay para matanggal ang germs na pwedeng mapasama sa pagkain.

Hindi lang pala sa mga Pinoy ito matatagpuan. Kahit noon pa man sa mga Hudyo ay iniuutos na ito. Kailangan ito upang maging malinis. Para sa kanila ito ay kasama sa mga gawaing nagpapabanal.

Pero may paalala si Hesus: “Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.” Alalaumbaga, sa puso at sa isip nagmumula ang kasamaan ng tao. Kung ano ang kulay ng kalooban iyon din ang sa gawa ay matatagpuan.

Mahalaga na maging malinis ang panlabas. Pero mas mahalaga pala na linisin ang kalooban. Wala sa dungis ng isang tao ang kaniyang halaga kundi sa kung gaano kabusilak ang kaniyang pagkatao.

Hindi ka huhusgahan ng Diyos sa kung gaano ka kalinis sa katawan o kaya ay kung gaano ka kabango. Ikaw ay huhusgahan sa kung gaano kalinis ang puso mo…

Hanggang dito na lang muna…singhot muna ako…singa na pag di kaya!

*nasan na kase yung tagapahid ko ng sipon?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento