Alpha Male
(Lk. 10: 17-24)
Hindi na matutuloy ang SK election pero tuloy ang barangay election.
Kapag ganyang may eleksyon sigurado ang dami na namang magpa-file ng
candidacy. Kung susumahin iisa lang ang kanilang sinasabi: Tatakbo sila
para maglingkod at magsilbi sa sa tao. Pero kailangan pa bang maging
opisyales para maglingkod?
Pero kung atin pang palalalimin ang pagtingin, anuman ang kanilang
sinasabi iisa naman ang kanilang pinupunto: gusto nilang magkaroon ng
kapangyarihan. Gusto nila ng power…political power man yan o economic
power.
Masarap kase yung merong kapangyarihan. Yun bang ikaw
ang gumagawa ng desisyon at sinusunod ka naman ng nakararami. Yun bang
sa iyo nakasalalay ang isang gawain. Yun bang nakadepende sa iyo ang
ipagtakbo ng isang proyekto. Sa ganitong paraan tila nadadagdagan ang
iyong pagkatao.
Sabi nga ni Lasswell: Politics is who gets what, when and how. Ang pulitika ay tungkol sa kapangyarihan.
Pero hindi lang sa pulitika makikita ang agawan ng kapangyarihan. Sa
loob ng tahanan meron din. May banggaan kung sino sa mag-asawa ang
masusunod. Sino ba ang “under” nino?…Sa mga anak ganun din. Sino ba ang
paborito at binibigyan ng sobra sobrang atensyon?
Sa trabaho
ganun din. Nag-aagawan sa tungkulin upang sila ang mapansin at ng sa
ganun ay may kapangyarihan na impluwenshahan ang isang gawain. Gustong
umangat upang sila ang susundin.
Sa Mabuting Balita, tuwang
tuwa ang 72 na mga isinugo ni Hesus. Pati ang mga masasamang espiritu ay
sumusunod sa kanila. Pero sabi ni Hesus: “Magalak kayo hindi dahil sa
pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang
inyong pangalan.”
Masaya kapag makapangyarihan ka. Pero hindi
ang kapangyarihan ang dulo ng lahat. Hindi ang kapangyarihan ang dahilan
ng pag-iral. Mas lubos pala ang kagalakan kapag nakarating sa buhay na
walang hanggan. Doon malulubos ang kasiyahan. Doon hindi na natin
kailangan ng kapangyarihan…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento