Piliin si Hesus!
(Lk. 12: 49-53)
“Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay.”
Di ba si Hesus ang prinsipe ng kapayapaan? Bakit tila sa bahaging ito ng Mabuting Balita ay iba ang sinasabi niya?
Kapag kase pinili natin si Hesus hindi pwedeng walang magbago sa sarili. Hindi pwedeng dati pa rin ang ugali. Hindi pwedeng sumasamba
kay Hesus pero hindi naman sinusunod ang kaniyang ipinag-uutos. Hindi
pwedeng naniniwala kay Hesus pero ang buhay ay taliwas sa kagustuhan ni
Hesus.
Kapag sineryoso si Hesus marami talagang mababangga.
Kailangang banggain ang sistema ng nakaugaliang kasalanan. Kailangang
ituwid ang matagal ng nakaugaliang pagiging makasarili at di pagkiling
sa mga maralita. Kailangang baklasin ang lumang pader ng kasakiman at
yakapin ang daan ng pagmamahal.
Kapag sineryoso si Hesus
kailangang tanggihan ang nakasanayang pagpapahalaga. Pagpapahalaga ba
ng pamilya o pagpapahalaga ng gusto ni Hesus? Turo ba ng institusyong
kinabibilangan o turo ng daan ni Hesus? Pagtalima ba sa batas ng
gobyerno o pagtalima sa utos ng Diyos?
Kailangang magpasya. Kailangang mamili. Kailangang gumawa ng desisyon. Panghawakan ito. Piliin si Hesus!
Nawa ay maging daan tayo ng pagbabago!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento