Libreng Pagkain
(Lk. 17: 5-10)
May magkakabarkada na namasyal. Nakita nila ang isang restawran. May
nakasulat sa may pintuan nito na: “LIBRE KUMAIN DITO ANG KATOLIKO.”
Pumasok sila at tuloy-tuloy sa mesa. Nilantakan ang pagkain hanggang sa
sila ay mabusog. Noong palabas na sila ay hinarang sila ng gwardiya.
Sabi nito: “hindi kayo makakalabas hanggang hindi kayo nagbabayad ng
inyong kinain.”
Nagtaka sila at
nagtanong: “Mga katoliko kami kaya libre kami kumain dito.” Nagsalita
ang gwardiya: “Pinagmasdan ko kayo. Hindi kayo nagdasal bago kumain.
Hindi kayo nag-antanda ng krus kaya hindi kayo katoliko. Kaya bayaran
ninyo ang kinain ninyo.”
Ang masisibang magkakabardada…walang nagawa kundi bayaran ang kanilang kinain!
Sabi ng mga apostol kay Hesus: “Dagdagan mo ang aming
pananampalataya.” Sa dinami-dami ng pwedeng hilingin kay Hesus bakit
kaya pananampalataya ang kanilang hinihiling?
Pananampalataya
ang hiningi ng mga alagad na madagdagan sapagkat kailangan nila ito.
Kapag kase may pananampalataya ay nagbabago din ang buhay, nagbabago ang
pagtingin sa buhay, nagkakaroon ng kahulugan ang lahat ng
pinagdadaanan…
Kung walang pananalig, ang kahirapan ay mukhang
parusa; sa may pananalig ito ay daan ng kabanalan. Kung walang
pananalig, ang mga pagsubok ay ang kawalan ng pagmamahal ng Diyos; sa
may pananalig ito ay paraan upang mahubog. Kung walang pananalig, ang
pagbagsak ay mukhang paglimot ng Diyos; sa may pananalig ito ay paraan
upang lalong tumawag sa Diyos.
Ang pananampalataya at pananalig
ay nagbubunga sa atin ng tapang…tapang na harapin ang bukas kahit na
ito ay napakadilim at tila walang pupuntahan. Nasasaktan man tayo pero
hindi nawawalan ng pag-asa na bukas o makalawa ay makakaranas ng
ginhawa.
Umiiyak man tayo dahil sa pinagdadaanan pero hindi
naman tayo sumusuko. Nalulungkot man tayo pero dahil sa pananampalataya
naniniwala tayo na hindi tayo nag-iisa…malayo ka man tayo rin ay
magkakasama.
Kaya nga manalangin tayo sa Diyos: “Panginoon dagdagan nyo po ang aming pananampalataya.” Isabuhay natin ang pananampalataya.
Cheer up always…God loves you much...Yan ang bunga ng pananampalataya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento