Juan Taas
(Lk. 18: 9-14)
Si Juan ay isang taong mayabang at mapagmataas. Ang tingin niya sa
sarili ay napakabanal sapagkat malimit siyang magdasal. Lagi niyang
tinatawag ang pangalan ng Diyos at nagbabasa siya ng bibliya. Para sa
kaniya siya ang pinakamalapit sa Diyos.
Alam ito ng Diyos kaya
nga isang araw ay sinabihan niya si Juan na pumunta sa isang bukid at
manirahan kasama ng isang magsasaka.
Doon nalaman niya na ang magsasaka sa paggising ay binabanggit ang
pangalan ng Diyos gayundin bago siya matulog. Sabi ni Juan: “Kawawa
naman ang taong ito, dalawang beses lang niya nabanggit ang pangalan ng
Diyos sa maghapon.”
Narinig ito ng Diyos kaya nga sinabi niya
kay Juan: “Kumuha ka ng bowl at punuin mo ito ng tubig at saka maglakad
ka paikot ng bayan. Hwag mong hahayaan na may matapon dito kahit isang
patak.” Ginawa nga ito ni Juan. Pagbalik niya noong hapon na iyon
tinanong siya ng Diyos: “Ilang beses mong naalala ang pangalan ko habang
naglalakad ka.” Hindi ko po naalala sapagkat nasa dala ko ang aking
atensyon” sagot ni Juan.
Doon niya naintindihan na hindi pala
dapat siya maging mapagmataas at hindi pala niya dapat na maliitin ang
magsasaka kase kung siya ang nasa kalagayan nito ay makakalimutan niya
ang Diyos.
Para sa mg Hudyo ang mga Pariseo ay nasa itaas ng
lipunan sapagkat alam nila ang batas samantalang ang mga Publikano naman
ay itinuturing nila na mababa at hindi alam ang batas ng Diyos. Sa
kwento na sinabi ni Hesus ang Publikano ang kinalugdan ng Diyos.
Ang Pariseo kase ay mapagmataas at mayabang. Ikinumpara niya at hinamak
ang publikano. Ang Publikano naman ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos,
hindi makatingin sa itaas, hindi makalapit at dinadagukan pa ang
dibdib. Inaamin din niya ang kaniyang mga kahinaan. Dahil dito siya ang
mas nakatanggap ng biyaya mula sa Diyos.
Ang pagiging
kalugud-lugod sa Diyos ay kung papaano nagpapakumbaba. Hindi dapat na
itinataas ang sarili. Hindi rin dapat na hinahamak ang iba. Tapat din sa
sarili na sa harap ng Diyos ay maliit lamang siya.
Minsan
akala natin dahil tayo ay laging nagsisimba ang tingin natin sa sarili
ay mabuti na. Minsan akala natin dahil tayo ay naglilingkod sa Simbahan
akala natin ay magaling na tayo. At kahit na nga mga pari ay nag-aalay
ng misa hindi ibig sabihin nun ay mas banal na sila kesa sa ibang tao.
Pero tumingin kayo sa paligid. Nandyan ang mga tunay na banal. Yung mga
taong mapagpakumbaba. Yung mga taong namumuhay sa kasimplehan. Yung mga
taong ginagawa ang kabutihan ng pamilya. Yung mga taong tumutulong sa
mga nangangailangan. Yung mga taong umaamin ng kahinaan. Yung mga taong
tapat sa harapan ng Diyos.
Tingin tingin din sa salamin pag may time…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento