Linggo, Oktubre 20, 2013

Investment

Investment
(Lk. 12: 13-21)

May mga investments ka ba?

Kapag pinag-usapan ang investment pera agad ang ating naiisip. Sabi nung mga nag-aaral ng accountancy ang pera ay di dapat na inilalagay lamang sa bangko. Kapag ganito ang nangyayari hindi gumugulong ang pera. Kung kumita man ay kakaunti lamang. Ang bangko ang siyang nakikinabang sa pera mo.

Upang maabot ang maximum potential ng pera mo dapat daw ay dalhin mo sa investments. Ibig sabihin ay gagamitin ito upang tumubo. Pwedeng sa negosyo, pwede rin sa mga stocks, etc…Pero may risks din dito na pwedeng malugi.

Pero ganun talaga sa investments. Mas malaki ang risks pero malaki din ang potential na balik na investments. Meron din namang konti lang ang risks pero minimal din lamang ang return of investments.

Kaya nga sabi nila kung gusto mong yumaman dapat ay sundin mo ito: “pera: dami pasok, wala/konti labas.”

Pero may paalala si Hesus: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kaniyang mga ari-arian nakasalalay ang kaniyang buhay.”

Paalala ito ni Hesus na ang buhay ay hindi dapat na umiikot sa pera o sa kayamanan. Meron pang mataas na pagpapahalaga dito. Mahalaga ang kayamanan para magpatuloy na maayos ang buhay pero kung dito na lamang nakasalalay ang buhay hindi ito naaayon sa Diyos. Ang kayamanan ay instrumento upang mapalapit tayo sa Diyos at marating ang buhay na walang hanggan.

Sabi nung isang kaibigan ko: “Pare alagaan mo ang sarili mo kase yan ay puhunan mo.” Totoo nga naman. Marami sa ating isinasakripisyo ang kalusugan upang yumaman kaya naman nagkakasakit at sa huli ay nauubos din ang pera para sa pagpapagamot.

Pero meron din na pinipili ang kayamanan kapalit ang buhay na walang hanggan.

Kaya nga magandang itanong: Saan ang investments mo? Upang yumaman o para sa buhay na walang hanggan?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento